Monday, February 26, 2007

Labing-tatlong Taon

Labing-tatlong taon na pala sana ang inaanak kong si M noong nakaraang linggo, kung buhay pa siya.

Ipinanganak siyang may butas ang puso kaya kahit masayahin siya't mapaglaro, madali siyang mapagod. Bago siya mag-tatlong taon ay inopera ang kanyang puso para ihanda sa mas maselang operasyon na magtatagpi sa butas. Mas sumigla siya pagkatapos ng unang operasyong ito. Lalo siyang lumambing. Kapag kinakarga ko siya'y niyayakap niya ako nang mahigpit. Sabi ng lahat, ako ang paborito niyang ninong.

Noong apat na taon siya'y inopera nga siyang muli. Nasa kuwarto niya ako sa ospital isang araw bago iyon--nagbabasa pa siya't nag-aaral ng matematikang Kumon. Masaya siya't tulad ng dati'y matamis ang ngiti.

Kinabukasan, naroon din ako ng dadalhin na siya sa operating room. Buhat siya ng ina niya, na noo'y nagdadalang-tao, at nakapaligid kami ng ama niya, lolo, mga lola, at ibang kamag-anak at kaibigan sa kanila samantalang naglalakad. "Mommy, hindi ka aalis?" tanong ni Miguel, "Narito ka pa rin pagkagising ko?" Nang saksakan siya ng pampatulog, kaagad siyang nahimbing. Noon lamang tumulo ng luha ng ina niya. At ng sa amin.

Pagkaraan ng operasyon ay nagising nga si M. Kumukuyakoy pa raw ang paa nang silipin ng isa niyang tiya. Ngunit pagkaraan ng isang araw ay nawalan siya ng malay. Halos tatlong linggo siyang ganoon, at halos araw-araw akong nasa ospital. Minsa'y doon na ako natutulog. At isang gabi, pinuntahan ko siya sa intensive care unit. Hindi ko alam kung paano ako nakatagal sa pagtingin sa kanya--humihinga na lamang dahil sa makina.

Nasa ospital din ako nang sumakabilang-buhay si Miguel. Hindi na yata ako nakaiyak. Kaagad kasi kaming pumunta ng mga magulang niya sa punerarya para pumili ng ataol. At nang dalhin si M mula sa ospital patungong morge, kasama ako ng tiyo niyang doktor sa van. Halos kalahating oras na nasa harap namin ang inaanak ko, nakabalot sa kumot na puti.

Magdamag ako sa morge, at binantayan naming linisin at bihisan ang aking inaanak. Halos hindi na ako umalis sa kanyang burol. At nang ihatid namin siya sa kanyang libingan, at nagpalipad kami ng mga lobong may mga nakakabit na kartong dinosaur--mga paborito niya, nang may malaro siya sa langit--pinakawalan ko na rin ang aking mga luha.

Ngayo'y may mga silid-laruan sa ilang ospital na nakapangalan kay M. At ang ina niya'y patuloy na tumutulong sa ibang mga naulila ng anak, o ng maging sinuman, na maibsan ang kanilang pangungulila.

Naniniwala akong nakikita ako ni M ngayon. Nakangiti siya't nais maglambing, nais yakapin ako nang mahigpit.

Tuesday, February 20, 2007

Payaso

Dati'y nangongolekta ako ng mga payaso. Binili ko ang ilan sa kung saan-saan ako napadpad, ngunit ang marami'y bigay ng mga kaibigan sa sari-saring okasyon. Nakasabit ang mga ito sa dinding ng kuwartong tinuluyan ko nang mahigit na walong taon sa unibersidad.

Minsan nga, samantalang tinutulungan ako ng ilang kaibigan na mag-empake ng lahat ng gamit ko sa kuwartong iyon--para iuwi sa aking unang tahanan dahil mangingiibang-bayan ako't hindi tiyak kung kailan ako makakauwi--hiniling ng isa sa kanila na magkuwento ako tungkol sa mga payaso bago namin ilagay sa malaking kahon. Nagkuwento nga ako, at di-naglao'y nag-iiyakan na kami.

Matagal ding nanatili sa dalawang malaking kahon ang mahigit sa isandaang payaso ko, kahit iisang taon naman ako sa ibang bansa. Ngayo'y nasa estante na ang mga ito, sa kuwartong hindi ko na tinutulugan sa una kong tahanan. Umuuwi ako doon halos linggu-linggo ngunit bihira ko nang makita ang mga payaso. Minsan, nang wala akong ibang magawa, sinubok kong gunitain kung saan, kailan, at paano ko binili o natanggap ang bawat isa. Nalungkot ako dahil may ilang hindi ko na maalala ang pinagmulan. Isang araw, babalikan ko ang mga ito, at pipiliting alalahanin kung saan nanggaling.

May kaibigan pa ring nagbibigay sa akin ng payaso--madalas dahil matagal na kaming hindi nagkakausap at hindi nila alam na hindi na ako nangongolekta. Ngunit minsa'y mula ito sa kaibigang kilalang-kilala ako't mahal na mahal, at alam kung gaano ako kasentimental.

Friday, February 16, 2007

Pagsinta

Umagang-umaga’y dinalaw ako sa opisina ng kaibigang matagal nang may problema sa kanyang kasintahan. Nang kumustahin ko siya, ang tanging sagot niya’y, “Ganoon pa rin.” At nagkuwento na lamang siya tungkol sa sinusulat niyang nobela. Hindi na ako nag-usisa pa.

Bago magtanghali’y kinuwentuhan naman ako ng isang walumpu't limang taong biyuda na noong singkuwenta’y dos siya, iniwan niya ang asawang nakiapid sa hipag nito, at pinagbuhatan pa siya ng kamay, at ang walo nilang anak upang mangibang-bayan, mag-aral na muli, at magtrabaho sa labas ng bahay sa kauna-unahang pagkakataon. Nagretiro lamang siya’t umuwi noong walumpung taon na siya upang alagaan ang anak niyang may malubhang sakit. Nag-aral siyang magpinta at nakalikha ng tatlong daang larawan, ngunit hindi na siya nakapagpintang muli mula nang yumao ang anak. Ngayo’y nagsusulat siya ng mga tula upang mabawasan ang pangungulila.

Nagsimba ako pagkatapos noon, at nakinig sa pagbabahagi ng matalik kong kaibigang madre tungkol sa kanyang bokasyon. Sabi niya, ang bukal at hantungan ng lahat ay pag-ibig: kapana-panabik, nakakalito, nakababagabag, nagpagpasaya, nagbibiyaya ng wagas na ligaya. Mangyari pa’y napaluha ako sa harap ng ganoong katapatan.

Kinagabihan, nang mag-isa na ako sa aking tahanan, tumawag ang isang kaibigang matagal-tagal ko nang hindi nakakausap. Itinanong niya kung nabalitaan ko nang nagkahiwalay na silang mag-asawa. Hindi pa, sagot ko, at hindi ko na sinabing may nagbulong na sa akin noon na may malaki silang problema. Idinagdag ko na lamang na nananatili akong narito para sa kanila, anuman ang maari kong maitulong.

Mamayang gabi, manonood ako ng dula sa isang mataas na paaralan ng mga dalagita. Bibigyan kasi ako ng tatlong libreng tiket ng isang madreng kung nakilala ko noong nagbibinata ako’y malamang na inasam kong maging kasintahan. Isasama ko ang estudyante kong magpapari na malapit na sanang ikasal nang pumasok sa kapisanan, at ang inaanak kong binatilyo na tiyak na matutuwang makipagniig sa mga dalagita.

Tahimik ang inaanak kong ito, mahusay na musikero, karinyoso. Minsan, kapag ngumingiti siya’y naguguniguni ko ang mga babaeng mapaliligaya, at maari ring mapaluha, niya. Minsan naman, kinukutuban akong magpapari siya. Dalangin ko, mangyari pa, na kapag nakatagpo na niya ang sisintahin, maging tunay at tapat siyang mangingibig.

Wednesday, February 14, 2007

Biyahe

Kahapon, sumakay ako sa tren isang oras bago ang tagpuan namin ng isang kaibigan sa mall na iilang minuto ang layo. Maglalakad-lakad na lang ako doon para mag-aksaya ng oras, naisip ko. Ngunit nang malapit na ang tren sa mall, natukso akong hindi muna bumaba at tumuloy hanggang sa huling hantungan, pitong hinto at mga kalahating oras pa ang layo. Lilipat na lamang ako doon sa treng pabalik--ni hindi ko kailangang magdagdag ng bayad. At matagal na rin akong hindi nakakapagbiyahe sa landas na iyon.

At hindi nga ako bumaba sa mall. Nang muling umandar ang tren, dumungaw na lamang ako sa bintana at pinagmasdan ang nadadaanan. Waring noon ko lamang unang nakita ang mga tanawing kilalang-kilala ko na. At nang palapit na kami sa lumang bahagi ng lunsod, tumayo ako nang makita nang mas mabuti ang mga lumang gusali. Nasilip ko ang maliliit na kuwartong tabi-tabi ang mga kama, pabrikang hile-hilera ang mga mananahi ng kung anu-ano, mga estudyanteng nagsisiksikan sa silid-aralan. Tumingin din ako sa ibaba at pinanood ang mga kalsadang puno ng dyip at traysikel. Maraming tao ang nagmamadali, nag-uunahan. At may ilang wari'y hindi alam kung saan pupunta.

Naalala ko tuloy na noong nasa mataas na paaralan ako, laking ligaya para sa amin ng kaklase ko't pinsan ang mapapunta sa malaking lunsod para asikasuhin ang paglilimbag ng magasin ng munti naming paaralan. Minamadali namin ang gawain sa limbagan, at naglalagalag kami. Kumakain kami sa mumurahing restawran, naghahanap ng mga bagong-labas na libro, nanonood ng sine, naglalakad-lakad kung saan-saan. Minsan, napadpad kami sa tabi ng dagat at pagdaan namin sa harap ng ilang tambay na nag-iinuman, nakikilan kami ng pera--hindi tuloy kami nakapanood ng sine.

Nang pabalik na ako, dumami na ang mga kasakay ko sa tren. Tumayo ako sa tabi ng pinto, dumungaw sa salamin. At ginuniguni kong bukas pa rin ang pinto kahit umaandar na ang tren, nakatayo ako sa gilid ngunit hindi natatakot mahulog, pinapaspas ng malamig na hangin ang mukha ko, at hindi ko alam kung hanggang saan at hanggang kailan ako magbibiyahe.

Tuesday, February 13, 2007

Pagtula

Kaninang umaga, nagsalita ako tungkol sa aking pagtula at pagtuturo ng pagtula sa ilang mag-aaral at guro ng unibersidad. Pinaupo ko, sa magkabilang tabi ko, sa harap ng madla, ang labimpitong estudyante ko sa pagtula. Sila kasi ang tunay na tampok sa programang iyon. Ninenerbiyos ang ilan sa kanila, at ang ila'y mukhang naroon lamang dahil natatakot sa akin--kunwari na lamang ay hindi ko iyon napansin.

Matapos kong ikuwento kung paano ako tumutula at nagtuturo ng pagtula, binasa ko ang mga puna at pansin ng mga estudyante ko sa mga tulang isinulat ko sa klase, kasabay nila. Pagkaraa'y isa-isang nagbasa ng kanilang tula ang aking mga estudyante. Samantalang nagbabasa sila'y umaapaw ang aking galak, dahil kitang-kita ko na nasisiyahan din sila.

Pagkatapos ng programa, ilan sa kanila ang nagsabi, "Sir, sana mas marami pa tayong poetry readings." Siyempre, lalo akong natuwa.

Monday, February 12, 2007

Nobela

Binabasa kong muli ngayon ang Dogeaters na una kong binasa sa Manhattan noong 1991. Gustung-gusto ko ito noon at hindi ako makatigil sa pagbuklat nito saanman ako mapadpad. Inakala kong dahil lamang hinahanap-hanap ko ang Pilipinas at masarap "umuwi" samantalang nakasakay sa siksikang subway train at nakakatakas sa ginaw ng Enero.

Kaninang umaga, tuloy pa rin ang basa ko kahit paparating na ang treng sasakyan ko papasok. Ang sama nga ng loob ko dahil punung-puno na naman ang tren at hindi ako makapagbasa. Nang bumaba nga ako'y gusto ko sanang magbasang muli habang naglalakad. Parang mas kapana-panabik ang nobela ngayong narito ako, lalo na't malapit na ang malaking sirko ng pambansang halalan.

Tatalakayin namin sa klase ang nobela sa isang linggo. Mangyari pa'y nananabik akong malaman kung ano ang tingin ng mga estudyante ko dito. Malamang na marami silang hindi alam sa mga tunay na tao at pangyayaring tinutukoy sa nobela--sana'y interesado silang maliwanagan tungkol sa mga ito. Sana nga, sana.

Wednesday, February 07, 2007

Siksikan

Kahapon ng umaga bago ako umalis ng bahay, nakita ko sa TV na may sunog sa isang mall na malapit sa riles ng treng sinasakyan ko araw-araw. Gitgitan ang mga sasakyan sa kalsada kaya inasahan ko nang mas marami ang sasakay sa tren.

At ganoon nga. Siksikan kami, dikit-dikit. Ni hindi ko maitaas ang kamay ko para makapagbasa ng nobelang ni hindi ko rin naman mahugot sa bag ko. Sa dami ng taong tumatabing sa mga bintana, hindi ko masilip ang mall na nasusunog nang dumaan kami sa harap nito.

Halos walang nag-uusap sa tren. Wala maging ang palaging malakas na tugtugin mula sa mga speaker. Karaniwa'y kinaiinisan ko ang tunog na iyon. Ngunit nang umagang iyon, hinanap-hanap ko.

Saturday, February 03, 2007

Pamplona

Ugali kong ilagay sa huling pahina ng bawat aklat ko kung kailan ko ito binili. Kanina, samantalang binabasa ko sa bus pauwi kina Inay at Itay ang nobelang Paris ang tagpuan, nakita kong mahigit na tatlumpu’t limang taon na ang tanda nito.

Ilang ulit ko na itong nabasa. Kaya alam kong malapit-lapit nang pumunta sa Pamplona ang mga tauhan nito. At, siyempre, sa bus kanina, nagunita ko ang ilang araw ko sa Pamplona, dalawampung taon na ang nakakaraan.

May ilang kaibigang Pilipino akong dinalaw doon, ngunit mas marami akong oras na walang kasama. Tumuloy ako sa pension sa itaas ng isang restawran kaya amoy ng kung anong piniprito ang naghehele at gumigising sa akin.

Noong unang gabi ko sa bayang iyon, naglakad ako nang malayo at kumain sa isang maliit na restawran na halos walang ibang tao. Nagulat ako nang kaagad akong binigyan ng isang bukas na bote ng alak. Hindi ko na maalala kung ano ang kinain ko, pero tandang-tanda ko ang napakasarap na pakiramdam ng pagkalango paglakad ko pauwi.

Isang tanghali nama’y kumain ako sa Cafe Bar Iruna, dahil paborito raw ito ni Hemingway, na noo’y paborito kong nobelista. Maaga pa yata nang dumating ako dahil walang ibang tao sa malaki’t bahagyang marangyang bulwagan kundi ang ale sa mesang kaharap ko. Ganadung-ganado siya sa pagkain, at sarap na sarap naman ako sa panonood sa kanya.

Nang hapong iyon, pumunta ako sa tanyag na stadium ng mga toro. Pagkaraa’y umupo lang ako sa plasa, sa gitna ng maraming tao—matatanda, dalaga’t binata, dalagita’t binatilyo, mga musmos. Sasandali pa ako doon nang tumunog ang kampana ng simbahan, at nagtipun-tipon ang karamihan sa kanila. Nagsayaw sila, magkakatugma ang galaw! Gulat na gulat ako, at nangawit ang panga ko sa lapad at tagal ng aking ngiti.

Kinagabiha’y nanood ako ng dula sa Kastila—komedya tungkol sa isang babaeng lumilipas na ang ganda. Katiting na katiting ang naunawaan ko, ngunit nakitawa ako paminsan-minsan sa hindi gaano karaming nanonood. Kakaunti rin ang tao sa malaki’t madilim na simbahan nang dumalo ako sa Misa kinabukasan.

Samantalang naglalakad ako mula sa simbahan, tumigil ang kasalubong kong matandang lalaki, hinawakan ang kaliwang balikat ko, at tinanong ako, “Eres Chino?” Nang sabihin kong, “No, soy Filipino,” tumango lamang siya’t ngumiti bago nagpatuloy maglakad palayo sa akin.

Nangongolekta pa ako ng mga manikang payaso noon, at sa isang tindahang nadaanan ko, nasulyapan ko ang isang sa tingin ko’y garing ang mukha. Pumasok ako’t nang malaman kong kaya ko ang presyo nito, kaagad kong binili. At mangyari pa’y nang iabot ito sa akin, nakita kong plastik lamang naman ang mukha nito. Hanggang ngayo’y kapiling pa rin ito ng marami ko pang ibang payasong nakahilera sa ilang gradas ng estante dito sa tahanan nina Inay at Itay.

Kutob ko’y balang araw, makakabalik ako sa Pamplona. Kung paano at kailan ay guguni-gunihin ko pa.

Friday, February 02, 2007

Tahanan Kung Saan

Kaninang umaga sa mga estasyon at tren, nagbasa ako ng nobelang sa Paris ang tagpuan. Mangyari pa'y lumipad ang isip, at puso, ko.

Pitong oras kasi akong nasa Paris mahigit na isang taon na ang nakararaan. Bago noo'y dalawang linggo akong nasa Berlin para sa isang international literature seminar--nagbasa ako ng mga tula ko sa ilang programa, nakinig at nanood sa ibang manunulat, nakipagkilala't nakipagkaibigan, naglagalag at nagliwaliw. Pagkatapos, dumalaw ako nang sampung araw sa kaibigan kong mag-asawa (na Belgian at Kastila) at dalawa nilang anak sa Brussels. Matagal ko na silang kaibigan; nagkasama na kami sa London, Paris, Maynila, at maging sa bayan kong sinilangan. At kaagad kaming nagkasundo ng dalawang bata kahit hindi sila marunong mag-Ingles.

Isang araw nga'y nag-tren ako patungong Paris. Pangatlong punta ko na iyon sa Paris at limitado ang pera ko kaya naglakad na lamang ako nang naglakad. Pitong oras. Mula sa estasyon ng tren na binabaan ko, papuntang Palace of Fine Arts, sa baybay ng Seine papuntang Eifel Tower, pagkatapos ay sa Arc de Triomphe, hanggang sa Notre Dame, sa Pont St. Michel at sa Latin Quarter, at pabalik sa estasyon ng tren na sinakyan ko pauwi sa Brussels. Oo, pauwi dahil sa iilang araw ay tahanan na ang pakiramdam ko sa bahay ng mga kaibigan ko doon. Pagdating ko nga mula sa Paris ay tumakbong palabas ng silid nila ang dalawang bata dahil narinig ang boses ko. Sabi ng ina nila'y maghapon akong hinahanap--ayaw na raw ng mga itong umalis akong muli.

Nang bumaba ako ng tren kaninang umaga at naglakad patungong unibersidad, hindi ko pa talaga mawari kung nasaan ang puso ko.