Wednesday, November 29, 2006

Linggo

Nitong nakaraang Linggo, nasumpungan kong magsimba nang tanghali. At natuklasan kong may mga binyag sa misang iyon. Una'y naisip kong masyadong mahaba ito. Pero hindi ako umalis. At sa halip na mainip (at likas akong mainipin), nasiyahan ako sa panonood ng mga binyag--sampung bata ang isa-isang binuhusan ng tubig sa bumbunan, pinahiran ng langis, at kinunan ng larawan kasama ng mga ninong at ninang. Palagay ko'y nakadagdag sa kasiyahan ko ang nakita ko bago nagsimula ang misa: pinagtutulungan ng isang tatay at nanay na palitan ng lampin ang kanilang anak. Naalala ko ang mga sanggol na napalitan ko na ng lampin, lalo na ang mga anak ng ate ko't bayaw. Ngayo'y nagsisikap nang magkaanak ang panganay kong pamangkin at ang misis niya. Ang bunso nama'y malapit nang umalis para makipagsapalaran sa ibang bansa.

Kinahapunan naman, dumalo ako sa isang kasal na Muslim sa isang hotel. Dalawampung taon pa lamang ang prinsesang ikinasal; kasing-bata niya ang kaklaseng napangasawa. Ang ganda nilang tingnan; parang mga tauhan sa isang marangyang pelikula. At naalala ko ang kauna-unahang kasal na Muslim na dinaluhan ko, mahigit na dalawampung taon na ang nakakaraan--ang kasal ng tiya at tiyo ng prinsesang ito, matatalik kong kaibigan, magkakapatid na nga ang aming turingan.

Pagkatapos ng pagdiriwang, tinanggihan ko ang alok nilang ihatid akong pauwi sa kanilang kotse, tulad ng nakagawian na namin tuwing lalabas kami sa gabi. Iilang kalsada naman ang layo ng tahanan ko, at maaliwalas ang gabi. Inilupi ko na lamang ang manggas ng aking barong-Tagalog, at mag-isa akong naglakad pauwi. Masiglang-masigla. Nakangiti.

Saturday, November 25, 2006

Mga Larawan

Labinlimang taon na ang nakakaraan, sinabi ng isang dating kasintahan na magtagpo kami sa harap ng "Starry Night" ni Van Gogh. Noon ko lamang makikita ang sikat na sikat na larawang iyon kaya maaga akong dumating. Maliit lamang pala ang kuwadro, pero nakakabatu-balani nga pala ito. Maraming ibang nakapaligid sa larawan pero hindi ko sila napansin. Hindi ko rin namalayan kung gaano katagal akong nakatitig dito. Tingin ko'y gumagalaw ang mga bituin, tumitindi ang liwanag sa dilim.

Hindi iyon ang unang Van Gogh na nakita ko. Limang taon bago iyon, pumasok akong mag-isa sa isang art gallery; nabalitaan kong may isa lamang siyang larawan doon pero hindi ko alam kung alin. Mabilis kong sinulyapan ang mga larawang nadaanan ko hanggang makarating ako sa isang mahabang bulwagan. Sa dulo nito, nag-iisa sa dinding, ang larawan ni Van Gogh mismo, may benda sa ulo, natatakpan ang isa niyang tenga. Dahan-dahan akong lumapit, halos nangangatal. At tinudla ako ng kanyang mga mata. Gumapang ang kilabot mula sa talampakan ko tungo sa aking ulo. At nang mamalayan kong wari'y tumatalon tungo sa akin ang makakapal na pinturang sari-sari ang kulay, nangilid ang luha ko.

Anibersaryo

Ika-animnapung anibersaryo ng kasal nina Inay at Itay ngayon. Kagabi, naghapunan kami dito sa bahay para ipagdiwang ito--kami lamang nina Inay, Itay, ate ko't bayaw, ang mga anak at manugang nila. Ang paborito naming lahat na pritong tilapia, kulawo, adobong manok, at cathedral windows ang pinagsaluhan namin samantalang nagkukuwentuhan. Tulad ng dati, tawanan kami nang tawanan nang magkuhanan na ng retrato.

Noong ika-limampung anibersaryo nila, sa Tagaytay kami nagdiwang. Kami rin lamang, at wala pang manugang ang ate ko noon. Malakas-lakas pa si Itay noon, pero payat dahil nagsisimula na ang sakit niya. Inihatid pa namin ang panganay ng Ate ko sa Maynila. Mula noo'y hindi pa muling nakakaluwas si Inay, at si Itay nama'y nakapag-Maynila lamang para kumunsulta sa doktor. Ngayo'y halos hindi na rin nga lumalabas ng bahay si Inay. Magkaiba na sila ng kuwartong tulugan kaya pag magkasama sila'y parang nagliligawan na naman--minsay's kinakantahan pa ni Itay si Inay ng ipinangharana niya dito noon: ang paborito nilang "Bituing Marikit".

Mangyari pa'y hindi puro ligaya ang animnapung taon ng kanilang pagsasasama; hanggang ngayo'y ikinukuwento pa ni Inay ang kanyang mga hinanakit. Ngunit ngayong madalas ay sila lamang at ang kanilang mga katulong ang nasa bahay, damang-dama namin, lalo na kapag nagsasalu-salo kaming mag-anak, ang tahimik, at matibay na matibay, na pagmamahalan nina Inay at Itay.

Tuesday, November 21, 2006

Paligsahan

Nitong nakaraang Linggo, nakasabay ko sa bus ang isang pinsan. Nang magkasabay kaming bumamba, itinanong niya kung saan ako nakatira. Nang sabihin ko'y, sabi niya, "Aba, may unit din doon si Susan P. Kilala mo siya, 'di ba?"

Oo, kilala ko siya. Pero ang tagal ko nang hindi naririnig ang pangalan niya. Ang alam ko lang ay sa New York na siya nakatira at dalaga pa.

Noong Grade One ako, isinali ako sa isang paligsahan sa pagbaybay. Tanda ko'y nasa malaking silid kami, punung-puno ng mga mag-aaral at magulang. Isinusulat namin sa pisara ang baybay. Nang dadalawa na lamang kaming kalahok, ipinabaybay ang salitang "katotohanan".

Alam na alam ko ang salitang iyon dahil kababasa ko lang sa diyaryo ang patalastas ng isang bagong pelikulang batay sa palatuntunan sa radyo, na ayokong-ayokong pakinggan dahil nakakatakot: "Katotohanan o Guniguni". "Katutuhanan" ang baybay ng katunggali ko. Kaya ako ang nanalo. At si Miss P, na sa tingin ko noo'y ang pinakamagandang guro sa Grade One, ang nag-abot ng kahong siyang gantimpala ko.

May malaking retrato sa album ko: Si Miss P, nakataas ang buhok, naka-make-up, makambang ang palda, nakangiti't nakatingin sa kamera samantalang kinakamayan ako. At ako, nakatingala't nakatitig--parang tulala--kay Miss P. Hindi ko pa alam noon na ang laman ng kahon ay mga pastillas, na ngayo'y hindi ko na matandaan kung ano ang lasa, o kung natikman ko man lamang.

Saturday, November 11, 2006

Sa Paligid ng Lawa

Pagkaraan ng halos isang taon, naglakad akong muli sa paligid ng lawang malapit sa tahanang aking sinilangan (oo, sa bahay na kapatatayo lamang ng aking mga magulang ako ipinanganak--sa noo'y silid ng Lola ko at ngayo'y siya kong tulugan).

Noong malakas pa si Itay, araw-araw siyang lumilibot sa lawa kasama ang tatlo kong ninong hanggang isa-isang yumao ang mga ito. Pagkaraa'y isang bagong kaibigan (Intsik na lagi niyang binibirong Komunista) ang kasa-kasama niya; yumao na rin ito ilang taon na ang nakakaraan. Ngayo'y natatanaw na lamang ni Itay ang lawa kapag ipinapasyal ko siya sa kanyang wheelchair.

Noong tumigil ako sa kolehiyo nang isang taon, madalas kaming umikot sa lawa ni Inay--noon ko narinig ang tungkol sa paglaki niya sa hirap, ang panliligaw sa kanya ni Itay, ang pagsisimula ng aming kabuhayan. Matagal-tagal na ring hindi nakakagawi sa lawa si Inay; bihira na nga siyang lumabas ng bahay.

Naglalakad na rin ang Ate ko't bayaw sa paligid ng lawa kung umaga, ngunit bihira kaming magkasabay dahil hindi na iisa ang aming tahanan.

Tabi-tabi pa rin ang mga iskwater sa paligid ng lawa. Tulad ng dati'y pinilit ko na lamang hindi indahin ang sari-saring ingay at amoy. Tapos na ang dalawang malaki't magarang bahay sa burol na nakatanaw sa lawa. Sa di-kalayuan sa mga ito'y may bahagi ng burol na dumausdos ang lupa't umabot sa pampang.

Maraming naglalakad kanina ngunit iilan ang kilala ko. Ang isa ngang kasalubong ko'y nakalampas na nang ilang hakbang sa akin nang isigaw ang aking pangalan. Asawa siya ng kaibigan kong nagpasyal sa akin sa California nitong nakaraang Mayo--tatlong taon na silang kasal pero wala pa yatang kalahating taon silang nagkakasama. Kasunod niya ang nakababatang kapatid ng malapit kong kaibigan sa high school. Tinanong ako nito kung kailan ako dumating--ang akala yata ng ilan sa bayan nami'y sa Amerika na ako nakatira.

Pagkaraan ng maraming hakbang, nakasalubong ko ang kaibigan ng Ate ko noong nasa mataas na paaralan at kolehiyo sila. Madalas siya sa aming bahay kaya naging kaibigan ko na rin. Magaling siyang kumanta at maggitara; magalang at galante. Nanligaw siya sa Ate ko noon ngunit kahit naguguwapuhan nang husto ang Ate ko sa kanya, hindi siya sinagot dahil napakapalikero. Nang magkatrabaho ang Ate ko'y bihira na silang nagkasama. Pagkaraa'y nabalitaan namin na nalulong siya sa droga, nawalan ng trabaho, naging istambay na lamang sa kanto. Nakikita ko siya noon, nagbibisikleta at parang walang kilala. Ngayo'y mataba na siya't malaki ang tiyan, wala nang kabakas-bakas ng binatang nakaakit nang sandali sa Ate ko. Kanina, malayo pa siya'y nakangiti na sa akin. At nang magkalapit kami't batiin ko siya, sinabi niya nang malakas ang palayaw kong para sa mga kamag-anak at matalik na kaibigan lamang.

Ngayo'y haharapin ko na ang almusal na paborito namin nina Inay, Itay at Ate maging noong maliit pa ako: pritong tuyo, sawsawang suka't bawang, malasadong itlog, at sinangag.

Tuesday, November 07, 2006

Hapunan

Bago pa ako magsimba kaninang a las sais ng hapon ay naipasya ko nang maghapunan sa Italian restaurant sa tabi ng aking parokya. Dinala ko pa nga ang Under The Tuscan Sun para may mabasa ako habang hinihintay ang oorderin kong spaghetti na iginisa sa olive oil, bawang at paminta.

Pagkatapos nga ng misa ay tumuloy ako sa restaurant. Limang tao na ang nauna sa akin sa pila sa pag-order ng pasta at dahil likas akong mainipin, lumabas ako’t naglakad palayo. Pero bago ako makalampas sa simbahan ay bumalik ako sa restaurant. At kahit mas marami nang nakapila bago sa akin, naghintay pa rin ako. Pagka-order ko’y tinulad ko pa ang gawi ng kaibigan kong ang pagkai’y sintaimtim ng pagdarasal—nagdala ako sa mesa ko ng maliit na garapon ng tinuyong paminta at maliit na bote ng olive oil.

Umupo ako’t binuklat ko ang dalang libro. Maingay sa paligid—puno ang lugar—at nang basahin ko ang pagtikim ng manunulat sa katas ng mga bagong pisang olive, inisip ko na lamang na Italyano ang naririnig kong usapan.

Biglang bumuhos ang ulan—malakas na malakas. Dahil fiberglass ang bubong ng restaurant, lalong lumakas ang patak at nalunod ang lahat ng tinig. At nang tumingala ako’y nakita kong dumudulas ang ulan. Tumigil na akong magbasa, at nagmasid na lamang ng mga taong wari’y mga tauhan sa isang pelikulang walang tunog.

Nang dumating ang order ko’y binudburan ko ito ang tinuyong sili at olive oil. Taimtim akong sumubo, dahan-dahan. Ninamnam ko ang bawat nguya, maging ang bawat lagok ng tubig na may yelo. Bago ko maubos ang spaghetti at ang tinapay na may basil at olive oil, tumila ang ulan. Kaya nag-lemon sherbet muna ako bago umalis.

Naglakad akong nakangiti ang puso. Ni hindi ko iniwasan ang mga lawa-lawaang iniwan ng ulan sa bangketa. At nang mapatingala ako’y nahuli kong waring nakaluklok sa tuktok ng gusaling aking uuwian ang buwang bilog na bilog, pinalalamlam ang sinag ng nagwawatak-watak nang ulap-ulan.

Friday, November 03, 2006

Inay na Inay

Sumusumpong ang rayuma ni Inay. Namamaga't masakit ang tuhod niya't kanang kamay. Hirap na hirap siyang tumayo, maglakad, at magsubo ng pagkain. Hindi makasulat nang maayos. Madalas siyang nakahiga. Hindi siya makainom ng gamot dahil umaasim ang sikmura niya, kaya nagpapahid na lamang ng pain reliever. Hindi siya nagrereklamo, at nakikipagtawanan pa. Nagpapaakay siya para makalakad; nagpapatulong sa pagkain. Tumatayo pa nga nang mag-isa para ayusin ang laman ng kanyang mga kabinet.

Kahapon, naglakad siya papuntang sala para panoorin ang video ng paglulunsad ng aking aklat, kasabay ni Itay na pakanta-kanta ng kung anu-ano. Dahil mahina ang audio, nagsuot pa si Inay ng headphones na may mike--nagmukhang call center agent tuloy. Nakangiti siya, parang walang dinaramdam.