Sunday, December 24, 2006

Bukas

Mahigit na isang linggo na akong abalang-abala sa mga bisita--ang ila'y sa tahanan ko pa natutulog. Kung saan-saan kami kumakain, kung sinu-sino ang kasalo. Ilang pagtitipon din ang dinaluhan ko. Sari-saring alaala ang naungkat, kung anu-anong lihim ang hinalungkat. Mangyari pa'y inasam ang mga hindi nakakapiling; nasiyahan na lamang sa tawag sa telepono at sa email.

Kagabi'y umuwi ako dito kina Inay at Itay. Maingay sa harap ng bahay namin; may karaoke at maghahating-gabi na'y nagkakantahan pa. Mainit ang ulo ko. Naibunton ko pa kina Inay (na ang sabi'y maawa ako sa mga nag-iingay na mga istambay dahil higit kaming mapalad sa kanila't maalwan ang aming buhay) at Itay (na tulad ng dati, nakahiga na'y kumakanta pa't sumisigaw). Pero bago ako matulog ay hinagkan ko sila.

Ngayong umaga na'y maganda ang pakiramdam ko, hindi lamang dahil tahimik na sa labas. Bababa ako't pagkakain ng almusal ay magbabalot ng mga regalo. Kung hindi umaambo'y ipapasyal ko si Itay sa dagat at sa simbahan. Itatanong ko kay Inay kung may kailangan pang bilhin sa palengke, at kahit wala'y pupunta pa rin ako doon para dumaan sa tindahan ng Ate ko't bayaw at ng pamangkin ko't misis niya. Baka sakaling may makasalubong akong mga kaibigang matagal nang hindi nakikita.

Pasko na nga bukas.

Thursday, December 14, 2006

Tindahan

Kaninang umaga'y napadaan ako sa tabi ng isang malaking palengke. Nang maamoy ko ang hilaw na karne't isda, nagunita ko ang tindahan namin sa palengke ng aming bayan.

Tindahan muna iyon ni Lola, ang ina ni Inay at noo'y pinakatanyag na magbibigas sa bayan namin. Nang magpakasal sina Inay at Itay, ibinigay na ni Lola sa kanila ang tindahan. Sa itaas nito silang tatlo tumira. Naroon pa rin sila nang ipanganak ang Ate ko. Ngunit sa bagong tahanan na namin ako isinilang.

Sakay kami sa kalesa kapag isinasama ako sa palengke--tuwang-tuwa ako dahil kapag pumipikit ako'y parang paatras ang aming takbo. Naglalaro kami ni Ate sa itaas ng tindahan, na madilim na bodega na, sa piling ng mga sako ng bigas at kahon ng de-lata, at ng kahoy na katawan ng Mater Dolorosa naming ipinuprusisyon tuwing Biyernes Santo. Paminsan-minsa'y pinapayagan akong pagkunwariing matatarik na bundok ang mga bunton ng bigas sa tindahan, at kapag walang nakatingin ay magsusubo ako ng ilang butil at ngunguyain ang mga ito't lululunin.

May karinderya sa tabi namin pero hindi kami doon kumakain--kutob ko'y dahil sa weytres doong makapal ang kolorete at, ayon sa bulung-bulungan, naikakama nang murang-mura. Sa kabilang karinderya kami dinadala. Paborito ko ang pinainit na monay, malutung-lutong ang labas at malambot ang loob, na pinalamanan ng keso. At ang mainit at puting-puting kanin, at tinadtad na higit na marami ang patatas kaysa karne.

Hindi na ako madalas sa tindahan nang pumapasok na ako. Nagka-asthma kasi ako kaya bawal ang alikabok. At nang magkasunog sa palengke at nakasama ang aming tindahan, naguniguni ko na lamang ang unti-unting pagkatupok ng karatulang may malaking pangalan ni Itay.

Nagpatayo ng bagong tindahan at umunlad muli ito. Ang kita sa tindahan ang nagpaaral sa amin ni Ate sa mga mamahaling kolehiyo sa Maynila. At nang magkaasawa si Ate'y ibinigay sa kanila ang kalahati nito. Di-naglao'y nagretiro na sina Inay at Itay at napalitan na ang pangalan ng tindahan.

Matagal na ring hindi nakakapunta sina Inay at Itay sa palengke. Ngunit paminsan-minsa'y nababanggit ni Itay ang pangalan ng mga bigas na tinda nila noon, at ng mga suki nilang marami'y yumao na. Sabi ni Inay, mayroon pa rin naman silang dating suki na patuloy na bumibili sa tindahan ng aking Ate't bayaw.

Wednesday, December 13, 2006

Si Kuya D

Kahapo'y sinabi ni Inay na sumakabilang-buhay na ang pinsang buo kong si Kuya D. Inatake raw sa puso. Iyon lamang ang nabalitaan niya mula sa nakababata nitong kapatid.

Hindi ko na matandaan kung kailan ko huling nakita si Kuya D. Malaki ang tanda niya sa akin at ang naaalala ko lamang ay paborito siya ng kanyang mga magulang na walo ang anak, nahirapan siyang maging doktor, nag-asawa siya't dalawang anak na iniwan niya sa Pilipinas para makipagsapalaran sa Trinidad-Tobago, doo'y nagkaasawa siya ng iba at nagkaanak ng dalawa pa, at di-naglao'y nagkasira rin sila ng pangalawa niyang asawa.

May mga pagkakataong nakakasama namin ang naiwang asawa at mga anak ni Kuya D dito--lalo na kapag may namamatay sa pamilya. Ngunit nang mangibang-bansa na rin ang mga anak, halos hindi na namin nakita ang kanilang ina.

Minsa'y umuwi si Kuya D sa Pilipinas at dinalaw si Inay. Wala ako sa amin kaya hindi kami nagkatagpo. Ang nakita ko na lamang ay ang magandang relong bigay niya. Matagal namin itong ginamit. Kahit nga ngayong hindi na ito umaandar ay nakasabit pa rin ito sa isa naming dinding.

Ilang taon lang ang nakararaan, nakipagpalitan ako ng email sa bunsong anak ni Kuya D sa Trinidad-Tobago. Nagpadala pa nga ng mga retrato ang dalagita--maganda siya't magaling magsulat. Ngunit sandali lamang ang palitan naming ito.

Nang magsimula ang taong ito, naikuwento sa akin ng nakatatandang kapatid ni Kuya D na ang bunsong anak nito, binatang guwapong-guwapo raw, ay nakikipagsapalaran naman sa Amerika nang walang papel na legal. Nasa lunsod daw siyang malayo sa tinitirhan ng iba naming kamag-anak, at may trabahong maliit ang suweldo. Nakikitulog daw siya minsan sa bodega ng pinagtatrabahuhan, minsa'y sa maliit na bahay ng pamilya ng kanyang kasintahan.

Wala akong magawa ngayon kundi sumulat at makiramay sa mga kapatid ni Kuya D. Itinanong ko rin kung paano ako makakapagpadala ng liham sa mga anak niya. Nais ko namang malaman nila na may mga kamag-anak silang malayung-malayo ma'y umaasam pa rin na kahit paano'y makalapit sila, lalo na ngayon.

Saturday, December 09, 2006

Christmas Tree

Noong bata pa kami ng Ate ko, ang Christmas tree namin sa bahay ay mas mataas pa sa amin. Kahoy ang katawan nito; matitigas at maninipis na kung anong materyal na berde ang mga dahon sa mga sanga. Ilang araw bago mag-Pasko, pinanonood namin sina Inay at Itay na lagyan ng bulak ang mga sanga, at magsabit ng mga bola at kampanitang makintab. Di-naglao’y katulong na rin kami.

Hindi ko na matandaan kung kailan pinalitan ni Itay ang ng punong iyon.

Dumating ang panahon na ako na lamang ang bahala sa mas maliit na bagong puno. Noong katatapos ko sa kolehiyo at hindi mapanatag sa anumang trabaho, pinag-eksperimentuhan ko ang idinekorasyon ko dito. Isang tao’y gumupit ako ng sari-saring eksena mula sa mga magasin at idinikit ko sa ginawa kong maliliit na kahon na siyang isinabit ko sa mga sanga.

Nang maliit pa ang mga anak ng Ate ko’t bayaw, tuwang-tuwa sila sa panonood sa pagpapalamuti ko ng puno. Di-naglao’y katulong ko na sila. Ngunit nang magbinata sila’y naiwan na naman sa akin ang Christmas tree namin, na noo’y plastic na.

Nitong nakaraang linggo, ipinasya kong panahon na para ilabas ang punong plastic. Hindi ko ito makita. Ang sabi ni Inay ay marumi na ito, kaya ipinamigay na niya maging ang ilang palamuti. Itinapon na rin daw ang mga ilaw dahil pundido na. Nainis ako’t nalungkot, pero ano pa ang magagawa ko?

Bumili na lamang ako ng bagong puno, palamuti at mga ilaw. At kanina’y natapos kong ayusin nang mag-isa ang bago naming Christmas tree na wala pang kalahati ng una naming puno ang taas. Maganda naman ang kinalabasan, lalo na nang buksan ko na ang mga ilaw.

Hindi ko yata ito pagsasawaang pagmasdan.

Wednesday, December 06, 2006

Mahabang Lakad

Nakalakhan ko nang araw-araw, tuwing madaling-araw, naglalakad palibot sa pinakamalaking lawa sa aming bayan si Itay at ilan niyang kabarkada. Marami sa kanila’y magkakababata pa, at ang ila’y magkakalaro sa madyong, kaya magkakakilala na rin ang kanilang mga pamilya. Ninong ko nga sa binyag ang tatlo sa mga kabarkada ni Itay, at kasama ko sa eskuwelahan ang ilan nilang anak.

Noong nasa mababang paaralan ako, naglakad ang barkadang ito mula sa aming bayan tungo sa bayang halos isang oras ang layo kung naka-bus at tanyag dahil sa maiinit nitong bukal. Habang naglalakad sila’y nakasakay kaming mga pamilya nila sa kotse o dyipni.

Madilim-dilim pa nang umalis na ang magkakabarkada, at mataas na ang sikat nang araw nang umalis kaming mga nakasakay. Kaya naabutan pa namin sila sa daan—binigyan ng tubig at pinalakpakan. Nauna kami sa resort na pagtatagpuan ng lahat, at nang dumating ang mga naglakad ay para silang mga bayaning sinalubong at ipinagbunyi.

Hindi na naulit ang okasyong ganito. Ngunit patuloy naglakad ang barkada sa paligid ng lawa, hanggang ang ila’y mangibang-bansa at ang iba’y isa-isang yumao. Dumating ang panahong kinailangan nang maghanap ni Itay ng mga bagong kasabay sa paglalakad. At di-naglao’y naglalakad na lamang sila mula sa aming bahay hanggang sa hagdan pababa sa lawa—hindi na nila ito maligid.

Nitong nakaraang linggo’y naghanap ako sa aming mga album ng larawang kuha noong maglakad ang orihinal na barkada ni Itay nang napakalayo. Wala akong natagpuan.

Saturday, December 02, 2006

Si Tiya

Bago ako tumira sa ibang bansa nang isang taon, ipinakita sa akin ni Tiya, panganay na kapatid ni Itay, kung paano magluto ng adobong manok. Sa malalim na kawali'y naggisa muna siya ng maraming bawang sa langis, pagkaraa'y inilagay ang mga piraso ng manok. "Huwag mong lulutuin nang todo," sabi niya, "hayaan mo lang manilaw-nilaw." At nang manilaw na nga ang manok ay ibinuhos niya ang suka. "Huwag mong hahaluin hanggang hindi kumukulo ang suka--kapag hinalo mo agad, maglalasang hilaw ang adobo." Pagkakulo'y inilagay niya ang toyo. "Bahala ka na sa timpla. Puwede mong lagyan ng tubig kung gusto mo." Pagkaraa'y inilagay niya ang paminta. "Kung gusto mo, lagyan mo rin ng laurel. Meron ding naglalagay ng sibuyas."

Marami na akong napanood na iba't ibang paraan ng pag-aadobo mula noon--may nagdadadagdag ng asukal; may naglalagay ng nilabong itlog; mayroon pa ngang isang naglagay ng sour cream. Pero hanggang ngayo'y ang turo ni Tiya pa rin ang sinusunod ko.

Matagal nang yumao si Tiya. Nang mahina na siya'y sinabi raw niya sa isa kong pinsan na ang pagluluto lang ng adobo yata ang talagang naitulong niya sa akin--kaya raw siguro hindi ako malapit sa kanya.

Hindi nagkaanak si Tiya kaya lahat ng pamangkin niyang mas matanda sa akin ay nakinabang sa kanya. Negosyante siya't nakakapangibang-bansa pa. May mga pinaaral siya; may pinatira sa kanyang tahanan. Nangutang pa nga siya para sa ilang nangibang-bansa. At palibhasa'y si Tiya ang sanay na sanay sa Maynila, siya ang madalas maghatid, sumundo, at dumalaw sa Ate ko nang mag-aral ito doon. Ngunit nang ako na ang magkolehiyo, hirap nang magbiyahe si Tiya. At dahil din marahil bihira na siya dalawin at sulatan ng mga pamangking tinulungan niya, mainitin na ang kanyang ulo. At dahil nagbibinata ako noon--mayabang na'y masungit pa--madalas pa nga kaming magkasagutan. Dumating pa nga ang panahon na halos hindi ko na siya pinapansin.

Nasa ibang bayan ako nang yumao si Tiya. Isang linggo na pala siyang nakaratay nang walang malay sa ospital. Nang umuwi ako'y nakaburol na siya. Dahil daw guro ako't manunulat, ako ang inatasang magpasalamat sa lahat ng nakiramay sa Misa bago siya inilibing. Kahit pakiramdam ko'y wala akong karapatan, hindi ako makatanggi. Ayoko ring isipin ng lahat na hanggang sa huli'y tinitikis ko si Tiya. Nagbabara ang lalamunan ko habang nagsasalita ako sa Misa; bago ako matapos ay tumulo na ang aking luha. At ngayong sinusulat ko ito'y nauunawaan ko na ang layunin ng kung sino man sa pamilya ko--wala kasing umamin--ang nagpasyang ako ang pagsalitain noon.