Friday, January 31, 2014

Minsa'y Nais Mo

Kamakalawa, tinuruan ako ni P------ kung paano manood ng mga lumang palabas sa TV sa internet.  At kagabi, natagpuan ko ang "Cheers".  Nang marinig ko ang awit na nagsisimula nito, bumalik ako nang 23 taon, sa malamig na malamig na bayan ng A-----.  Napadpad ako doon para mag-aral, at dumating doon na walang kilala.  Pero sinalubong ako sa airport ni B----, Pilipinang kaibigan ng isang matalik na kaibigan.  Bago noon ay sa telepono lamang kami nakapag-usap.

Sa unibersidad, tumira ako nang mag-isa sa isang apartment.  Wala akong telebisyon.  Kaya nanonood lang ako tuwing tanghali, samantalang kumakain nang mag-isa, sa isang canteen.  At palaging palabas ang "Cheers".  Naging balintuna tuloy ang awit nito: "... Sometimes you want to go, where everybody knows your name..."

Kaya nga sa unang dalawang buwan, linggu-linggo, nagbu-bus ako patungong N-- Y---, para makasama ang mga kaibigan ko doon.  Wala kasi akong naging kaibigan sa kakaunti kong kaklase sa A-----.  Paglao'y naman, madalas na akong imbitahin ni B----- sa bahay nila ng kuya niya.  Nagluluto kami, nagkukuwentuhan, minsa'y kasama ang ilan pa nilang kaibigang Pilipino rin.  Di-naglao'y parang kapatid ko na ang magkapatid, at barkada ang barkada nila.

At isinama pa ako ni B---- sa bahay ni Tita P--, na parang nanay na niya doon at nagkataong kapatid ng isa ko pang kaibigan.  Napakabait ni Tita P---; ilang beses niya akong inanyayahang kumain sa kanila, at sa ilang restaurant.

Minsan naman, naglalakad ako nang mag-isa sa mall, at may babaeng pamilyar ang mukha na ngumiti sa akin.  Mangyari pa'y Pilipina siya, at kaibigan pala ng matatalik kong kaibigan.  Minsan na raw kaming nagkasama sa isang pagtitipon sa Pilipinas.  Nagkuwentuhan kami, at inimbita niya akong maghapunan sa kanilang tahanan, para makilala ko ang asawa niyang Amerikano.  Isinama pa nila ako sa kanilang tindahan ng aklat.

Sabi nga ni B----, ang dali kong makatagpo ng mga kaibigan.  Tama nga yata siya.  Mantakin mong sa malayo at malamig na bayang iyon, hindi ko na kailanga lumayo para maging totoo ang mga linyang, "Sometimes you want to go, where everybody knows your name..."


0 Comments:

Post a Comment

<< Home