Wednesday, May 16, 2012

Malapit Na

Kagabi'y itinanong na naman sa akin ni Inay kung kailan matatapos ang bahay.  Malapit na, sagot ko.  Ang ganda ng kanyang sukling ngiti.

Maglilimang linggo pa lamang mula nang simulan itong itayo.  Ngayon, tapos nang pintahan ang kisame, naikabit na ng halos lahat ng pinto, matatapos na ang mga kabinet, at sabi nga ng kontratista ay malamang na makalipat kami bago matapos ang buwan.  Sana nga.

Kapag pala palapit nang palapit ang hinihintay mo, lalo kang naiinip.  Iyong inip na masaya, kapana-panabik.

Tuesday, May 01, 2012

Tahanan nina Inay at Itay

Nitong nakaraang Marso, sumakabilang-buhay si Itay. Tahimik na tahimik, payapang-payapa, samantalang yakap ko siya, sa saliw ng "Bituing Marikit," ang kundimang ipinangharana niya kay Inay at paulit-ulit pa rin niyang inaawit dito hanggang ipasok namin siya sa ospital.

Mangyari pa'y lungkot na lungkot kami, ngunit damang-dama rin namin ang pagmamahal ni Itay sa kanyang pagyao. Damang-dama namin ang pagmamahal at biyaya ng Panginoon.

Ilang linggo makaraan noon, ipinasya kong magpagawa ng bagong bahay sa likod ng bahay ng Ate ko, para hindi mag-isa si Inay kapag wala ako't nagtuturo sa unibersidad. Nang sabihin ko ito kay Inay, agad niyang sinambit: "Salamat sa Diyos, matagal ko na 'yang pangarap!"

Noong unang Lunes pagkaraan ng Pasko ng Pagkabuhay, sinimulan ang pagtatayo ng bahay.  Dahil bakasyon ng tag-araw, araw-araw akong nakabantay dito, at pag-uwi ko'y ipinakikita kay Inay ang mga larawan ng konstruksyon.  Pasariwa nang pasariwa ang kanyang ngiti.  Naiinip na nga siya sa aming paglipat.

Kanina lamang, samantalang matindi ang sikat ng araw, umulan, malalaki ang patak, nang wala pang isang minuto. "Agua de Mayo!" sigaw ng ilang karpintero at kantero. "Oo nga, Agua de Mayo," sabi ng iba pa.

"Agua de Mamay," biro ng isa.

Tama siya! Tubig nga mula kay Lolo; tubig mula kay Itay.