Friday, March 13, 2009

Malayo ang Tingin

Patapos na ang semestre kaya huling talakayan na sa klase ko sa makabagong nobela kahapon. Tanong ng isang estudyante, "Anong tema ang tumutuhog sa mga nobelang binasa natin?" Sabi ko'y nang piliin ko ang mga nobela, hindi ko naman sinadyang may temang tutuhog sa mga ito. Ngunit maganda ngang pag-isipan nila iyon para sa huling pagsusulit. Sabi niya, "E di pananagutan pala namin 'yon. Hindi mo sasagutin ang tanong ko." Ngumiti ako, at pagkaraan ng ilang sandali'y nagsalita, "Malagkit, mais na mais ito, pero ngayong pinag-isip mo ako, palagay ko'y kung may tema mang tumutuhog sa mga ito, ito'y pag-ibig, kalinga--ang kadahupan at kasaganaan nito sa puso ng kung sinu-sinong tauhan." May mga estudyanteng tumangu-tango, may ngumiti, may ngumisi.

Kaninang umaga, wala na akong binabasang nobela sa tren kaya napansin kong bagong pinta ang loob nito. "Spread the charity virus" ang nakatitik sa itaas ng mga pinto. At may malalaking retrato sa dinding. Naglakad-lakad ako at sa loob lamang ng humigit kumulang na anim na metro-kuwadrado, nakita ko ang mga ito: apat na taong kinukunan ng dugo, mga lalaking nagsasakay ng maysakit sa bangka, amang kalong ang anak na may kapansanan, madreng tinuturuang sumulat ang batang kapos-palad. Naalala ko tuloy na laging sinasabi sa akin ni Inay na dapat akong magkawanggawa; atas raw ito ng Panginoon.

Malayo ang tingin ko samantalang naglalakad patungo sa unibersidad. Iniisip ko kasing isulat ito. Kaya hindi ko napansin kung nakatalungko pa rin sa gilid ng kalsada ang taong-grasang napakadalas na naroon kapag dumaraan ako--umaga man o gabi, umulan ma't umaraw--at ni minsa'y hindi ko pa naabutan ng kahit ano kahit madalas ay iniisip kong gawin ito.

Tuesday, March 10, 2009

Malapit Na

Malapit nang matapos ang klase, kaya lalong tambak ang trabaho. Marami tuloy akong hindi maasikaso. Tulad ng pagsusulat.

Inaasam-asam ko na ang walong araw ng pananahimik. Apat na linggo na lamang at makalalayo na naman ako, makapag-iisa, at makasusulat.

Maraming naghihintay na maisulat.