Wednesday, June 10, 2009

Naritong Muli

Napakarami nang nangyari--wala namang kagulat-gulat.

Patapos na ang bakasyon kong kadalasa'y masaya. Matagal-tagal din ako sa piling ng mga magulang ko, kapatid at bayaw, mga pamangkin, at pamangkin sa apo. Nagretiro ako nang walong araw at nakasulat ng halos pitumpung baka-sakaling-tula. Nangibang-bansa ako't dinalaw ang mga kaibigan; labing-isang araw ng kuwentuhan, pasyalan, kainan, pagmamahalan. Limang araw ako sa dalampasigan kasama ang matalik na kaibigan.

At madalas kong maghapong inaalagaan ang apo ko sa pamangkin--ang aliw ng aming buhay.

Sa nakalipas na dalawang buwan, nasaksihan ko siyang tumayo at tumibay, humakbang nang paisa-isa, at pagkaraa'y lumakad. Lakad na siya nang lakad ngayon. Ngunit pag inaantok siya'y hinahayaan pa rin niya akong kargahin siya, ihiga't iduyan, at ipaghele hanggang mahimbing. Katatapos nga lamang namin ng ritwal na iyon. Samantalang sinusulat ko ito'y natutulog siya sa tabi ko.

Marami pang ibang sandali ng ganitong ligaya, halimbawa'y panonood ng telebisyon kasama sina Inay at Itay; pagtikim ng kung anu-anong putahe kung saan-saan. At kaninang umagang-umaga, samantalang tumatakbo ako sa paligid ng lawa, malamig ang simoy ng hangin, murang asul ang langit, sinisilayan na ng silahis ng araw ang mga bahay sa tabing-lawa, at may bilog na bilog pa ring buwan na nakalutang sa ibabaw ng mga ito.

Gising na ang apo ko, nagpapakarga.