Friday, April 25, 2008

Baka Sakali

Kaninang umaga, malayo pa ako'y nakita ko na ang daan-daang nakapaligid sa mall na parati kong dinadaanan papunta sa estasyon ng tren. Nang malapit na ako'y nahiwatigan ko kung bakit sila naroon; ang marami kasi'y may dalang malaking sobre. Sari-sari ang hitsura nila ngunit iisa ang pakay--makakuha ng trabaho.

Ilang trabaho naman kaya ang pag-aagawan nila? At kung matanggap man, magkano kaya ang suweldo?

Sa isang linggo, magbabakasyon ako sa bansang asam na marating ng maraming kababayan kong hangad ang mas malaking suweldo. Marami-rami rin akong kaibigang kababayan doon--magaganda ang trabaho at maalwan ang buhay. Ngunit mas marami ang hindi ko kilalang kababayan na alila ng kung sinu-sino--katulong, piyon, weyter, dyanitor, puta--kumakayod para makapagpadala ng kita sa mga naiwang kamag-anak, malamang ay laging pinapangarap na makauwi.

Wednesday, April 09, 2008

Bigo

Pagkaraan ng isang taong pagtatrabaho nang walang papeles--nag-aalaga ng matatanda sa caregiving home--sa Amerika, umuwi ang bunsong anak ng Ate ko. Hinahanap na kasi siya ng Homeland Security.

Sa akin siya tumutuloy ngayon at ilang beses na kaming nag-usap. Ayaw na raw niyang bumalik sa Amerika. Nabigo raw siya. Ngunit ikinuwento rin niya sa akin na natututo siyang maging matiyaga at mapagkalinga. Gustung-gusto nga raw siya ng matatandang inaalagaan niya--nang malaman nga raw ng isa na aalis na siya, humingi pa ito ng retrato niya. Umiyak pa raw ang manager ng caregiving home nang magpaalam siya. At kinalinga rin daw siya ng pamilyang tinuluyan nila. Kahit wala pa ring papeles ang mga ito, hindi siya pinaalis nang malamang hinahanap na siya. At binigyan pa siya ng perang pabaon pauwi. Binigyan din siya ng pera ng isa pang kaibigan.

Sabi ko'y palagay ko’y hindi siya nabigo. Marami siyang magandang karanasan sa isang taong iyon. Nag-alaga siya ng matatandang wala na halos ibang pumapansin, at mabuti ang pakikitungo niya sa mga ito. Marami siyang nakilalang bagong kaibigan. Marami siyang natutunan.

Ngayo'y maghahanap siya ng trabaho dito. Mag-iipon daw siya ng pera para muling makapangibang-bansa. Kahit anong trabaho raw ay papasukin niya. Titiyakin raw naman niyang bago siya umalis dito ay legal na ang lahat.

Magtatatlumpung taon na siya, at naka-tatlong trabaho na at dalawang negosyo dito bago mangibang-bansa. Wala siyang gaanong naipon sa Amerika dahil tulad noong narito siya'y madalas siyang magliwaliw doon, madalas gumastos. Kahapon lang, sinabi niya sa akin na sa katapusan ng linggong ito’y magbabakasyon siya kung saan, kasama ng ilang kaibigan. Hindi ko napigilan ang sarili kong sabihin, "Gagastos ka na kaagad, wala ka pang trabaho." Wala na akong sinabing iba. Naisip ko kasi, baka kailangan din niyang magliwaliw ngayon, nang makapagsimula nang mas sariwa. At matanda na siya’t kailangang siya na ang magpasya kung ano ang dapat niyang gawin.

Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi ipagdasal na mapabuti ang pamangkin ko, saan man siya mapadpad?

Thursday, April 03, 2008

Ate Menchit

Maliit pa ako'y alam ko nang si Ate Menchit ang paboritong pamangkin ni Inay. Para ko na nga siyang kapatid. Napakamapagmahal niya, hindi lamang kay Inay kundi maging sa amin nina Itay at Ate Nene.

Bata pa ako nang mag-aral sa Maynila si Ate Menchit. Noon pa ma'y negosyante na siya. Nagpatakbo siya ng boarding house, at tandang-tanda ko pa nang minsa'y matulog kami ni Inay doon. Nang umuwi siya sa bayan namin pagkatapos sa kolehiyo, nagbukas naman siya ng tindahan--madalas kami doon.

Pagkaraa'y tinupad ni Ate Menchit ang matagal na niyang pangarap. Nag-aral siyang maging pastor. Kaya lalo ring tumibay ang pananampalataya ni Inay. At nagsimula naman kaming magtalo ni Ate Menchit, kasi magkaiba ang aming relihiyon. Pero nanatili pa rin siyang mapagmahal, at hindi siya tumigil na magbigay sa akin ng Biblia at iba pang aklat. Minsa'y binigyan din niya ako ng napakagandang larawan ni Kristo na matagal kong isinabit sa dinding ng kuwarto ko.

Nang tumanda ako'y hindi na kami nagtalo ni Ate Menchit. May babuyan na, at kung anu-ano pang negosyo si Ate Menchit, na ang kita'y laan niya sa paglilingkod sa Panginoon--may foundation siya na nagpapakain sa maralitang matatanda't bata, at nagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Kapag dumadalaw siya sa ami'y masaya kaming nagkukuwentuhan, kumakain, nanonood ng TV. Palagi niya kaming ipinagdarasal. At kung anu-ano ang kanyang ibinibigay--prutas, libro, damit, pera--sa amin nina Inay, Itay, Ate, bayaw ko't mga pamangkin. Kasama namin siya sa mahahalagang okasyon, lalo na sa kaarawan ni Inay.

Mga sampung taon na ang nakararaan, nagkasakit si Ate Menchit. Hindi niya sinabi sa amin kung ano talaga ito, at halos hindi niya ito ipinagamot. Nagtiwala siya na aarugain siya ng Panginoon. At totoo ngang kahit nahihirapan siya maglakad, nakakapunta siya kung saan-saan para sa kanyang misyon.

Nitong Biyernes Santo, sinabi ng isa naming pamangkin na nasa ospital si Ate Menchit. Kaagad ko siyang dinalaw, kasama ang panganay na anak ng aking kapatid. Nakaratay siya't nahihirapang huminga. Sabi niya'y huwag kong sasabihin kay Inay na nasa ospital siya--ayaw na ayaw niyang mag-alala ang pinakamamahal niyang Tiya. Sabi ko'y huwag na siyang masyadong magsalita, pero nagpumilit siya--ikinuwento ang nangyayari sa kanya at kung paano siya gagamutin. Binigyan pa niya ako ng libro tungkol kay Hesus.

Kinabukasan, nalaman kong sumakabilang-buhay si Ate Menchit. Natutulog daw siyang nang mapayapa nang mapansin ng nag-aalagang wala na siyang pulso.

Hindi ko malaman kung paano sasabihin kay Inay. Kumunsulta ako sa kapatid ko't ilang kaibigan, at naipasya namin na dahan-dahanin ang pagsasabi. Una'y sinabi kong nasa ospital si Ate Menchit. Alam naman ni Inay na may sakit ito, at siya na nga ang nagsabi na alam naman niyang anuman ang mangyari ay nasa piling ito ng Diyos. Kaya bago mag-tanghali, nasabi ko kay Inay na wala na si Ate Menchit. Umiyak si Inay nang matagal. Ang sabi pa'y, "Chit, isama mo na ako." Pero sinabi rin niyang panatag siya dahil alam niyang kasama na ng Panginoon ang mahal niyang pamangkin. At pagkaraa'y sinabi sa akin ng magbigay ng mga bulaklak na ang nakalagay ay With Love From Tiya. "Alam na niyang ako 'yon," sabi pa ni Inay.

Nang dalhin namin ng kapatid ko si Inay sa burol, iyak siyempre siya nang iyak. "Hahanap-hanapin ko ang pagdalaw mo, Chit," sabi niya. "Alam kong kasama ka na ng Panginoon, pero hahanap-hanapin kita... Patawarin mo ako--pag dinadalaw mo ako'y daing ako nang daing sa iyo, pero hindi kita nakukumusta... Ipanalangin mong magkasama tayo sa langit."

Nang pauwi na kami'y sinabi ni Inay sa amin ng Ate ko, "Alam ko namang hindi kayo nagseselos sa pagmamahal ko kay Chit." Sabi nami'y opo, siyempre, at mahal din namin si Ate Menchit.

Hindi ko pa naiiyakan ang pagkamatay ni Ate Menchit. Dahil marahil abalang-abala ako sa pag-alo kay Inay, at sa pagpapamalas sa kanyang marami pang ibang nagmamahal sa kanya.

Sa Mayo ay may retreat ako, at dadalhin ko ang librong bigay sa akin ni Ate Menchit. Marahil ay kapag nag-iisa na ako'y makakaiyak na ako.