Wednesday, September 27, 2006

Tanawin

Kaninang umaga, dumating ako sa estasyon ng tren ng a las sais kinse, sa halip ng nakagawian ko nang a las sais. Pagkababa ko ng escalator ay may dumating na tren, pero lumampas ito nang walang sakay. Kaya marami nang tao sa likod ko nang huminto ang sumunod na tren--na punung-puno na--at naitulak akong papasok. Nakakuha naman ako ng kapitan, pero kahit hindi'y tiyak namang hindi ako matutumba pag-andar ng tren. Dikit-dikit na kaming mga sakay. Nadarama ko na ang hininga ng nasa likod ko, at halos tumama na ang mukha ko buhok ng nasa harap ko.

Bakit pa nga ba ako lumayo sa trabaho ko, tanong ko nang umandar ang tren at ang ulo ng kaharap ko ang tangi kong tanawin. Napapikit ako nang sandali. At sa sandaling iyon nakita ko ang tanawin mula sa bintana ng bago kong tahanan, sa ikadalawampu't tatlong palapag, pag-uwi ko mamayang gabi: mga gusaling nagniningning at langit na hitik sa bituin.

Bukas ng umaga, dudungaw ako sa aking bintana at hindi ako aalis hanggang hindi ko nakikitang tumatama ang araw sa nakasilip sa gitna ng matatayog na gusali: ang kaloob nila sa aking munting bahagi ng Manila Bay.

E ano kung siksikan na naman sa tren!

Sunday, September 24, 2006

Bago

Narito ang anak ng isa kong malapit na kaibigan, dumadalaw nang tatlong araw mula sa Cebu. Niyaya ko siyang mananghalian kanina. Itinanong ko kung saan niya gustong kumain; kahit saan, sabi niya, basta raw restaurant na walang branch sa Cebu.

Samantalang naglalakad kami sa mall na dinaraanan ko halos araw-araw, tuwang-tuwa siya sa lahat ng nadadaanan namin. Sarap na sarap siya sa tanghalian namin sa paborito kong Chinese fusion restaurant. At sabik na sabik siya kasi mamamasyal kami kung saan-saan, sa mga lugar na alam na alam ko na, bukas.

Lahat tuloy ay parang bagung-bago na rin sa akin! Hindi ko matiyak kung alin ang mas maningning na ngiti ngayon--ang kanya o ang akin.

Friday, September 22, 2006

Ang Tagal Na

Noong 1985, lumabas ako ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon. Dinalaw ko ang mga kaibigan ko sa Bangkok, at tumigil nang dalawang linggo sa bahay nilang sinauna--pira-piraso raw itong inilipat mula sa lalawigan tungo sa gitna ng lunsod na maingay, buhay na buhay.

Isang gabi, dinala ako ng mga kaibigan ko sa Phat Pong. Palakad-lakad kami, patingin-tingin, at may mama sa labas ng isang club na nag-aanyayang pumasok ang lahat, sumisigaw, "Pakincho, pakincho..." "Ano raw?" tanong ng kaibigan ko. "Pakinggan mong mabuti," sagot ko. At pumasok nga kami't nanood. E di nakita namin ang hinahanap namin. Kinabukasan, dinala naman nila ako sa lumang lungsod. Sa Temple of the Emerald Buddha, nakita ko ang prinsesang ang larawan ay nakikita kung saan-saan--siya daw ang pinakasikat na dugong bughaw sa Thailand. Hindi raw sikat ang prinsipeng susunod sa trono dahil madalas ito sa mga lugar na maraming "pakincho".

Nang patapos na ang linggo, nagkotse kami papuntang Hua Hin, mga apat na oras, at inabot kami ng gabi. Sa daan, inasam kong makakita ng malalaking templo sa dilim, at sa pananabik pa lamang ay tumitindig na ang aking mga balahibo. Wala akong nakita. Kinagabihan sa hotel, napanagiginipan kong nakakita ako ng napakaraming templo sa bukang-liwayway. Nagising akong nakangiti.

Maagang-maaga akong bumangon at sa lobby ay may nakita akong karatula: "Catholic Mass". Itinanong ko kung saan at itinuro ako sa labas ng hotel, sa kabila ng daan. Pumunta ako sa malaking compound na puno ang mga puno't halaman, at natagpuan ko ang isang maliit na kapilya. Pagpasok ko'y may madreng nakaupo sa huling hilera, hubad ang tsinelas, at nakapatong ang paa sa luhuran.

Maya-maya pa'y sunud-sunod na pumasok ang mga binatilyong maiikli ang buhok, pare-pareho ang suot na t-shirt at shorts. Lumuhod sila't nagsimulang magdasal. Wala akong nakilalang salita kundi "Maria". At namalayan ko na lamang na punung-puno ang dibdib ko, at nangingilid ang luha ko.

Pagkatapos ng misa sa wikang hindi ko maunawaan, lumabas ako para bumalik sa hotel. Pero umaambon. Sumilong ako sa isang pergola sa tabi ng kapilya, at nagsulat sa dala kong kuwaderno. Nilapitan ako ng paring nagmisa, at nang malamang turista ako mula sa Pilipinas ay inanyayahang makipag-agahan sa kanila. Tuwang-tuwa siya nang malaman ang bayang sinilangan ko--nakapunta na raw siya doon. Inimbita niya ako sa misa kinabukasan, may malaking pagdiriwang daw. Dumalo ako.

Mahigit na dalawampung taon na iyon ngunit malinaw na malinaw pa sa aking gunita ang lahat. At buhay na buhay pa rin ang biyaya.

Wednesday, September 20, 2006

Sa Tren

Samantalang ineensayo ko sa isip ang gagawin ko sa mga klase ko sa araw na ito, napasulyap ako sa kasakay kong nakatayo sa aking harap, nakakawing ang kamay sa bakal na sabitan, nakahilig ang ulo sa braso, at matamang nagbabasa. Hindi ng munting peryodikong napupulot bago sumakay sa escalator. Isang aklat na natatakpan ng malaking sobre ang pabalat.

Gusto ko sanang silipin ang binabasa niya, para malaman kung ano ang nagpapakibot ng kanyang labi, minsa'y nagpapakunot ng kanyang noo, minsa'y nagpapangiti, minsa'y nagpapapikit na wari'y nasasarapan, minsa'y nagpapatitig sa malayo, sa kabila ng bintana ng tren, sa kabila ang mga tanawing mabilis na mabilis na lumalampas.

Natukso akong hindi bumaba sa aking dapat hintuan, panoorin na lamang ang kasakay kong nagbabasa, bumaba rin sa bababaan niya, sundan siya kung saan siya humantong, tuklasin ang iba pang magpapakibot ng kanyang labi, magpapakunot ng kanyang noo, magpapangiti, mapapapikit kapag nasasarapan, magpapatitig sa malayo, sa kabila ang anumang kanyang matatanaw, ng anumang mabilis na lalampas.

Monday, September 18, 2006

Kaarawan

Kaarawan ngayon ng matalik kong kaibigan.

Hindi ko tiyak kung guniguni ko lamang ito pero ang tanda ko'y wala pa kaming apat na taon nang una ko siyang makita. Dinala siya ng pinsan niyang kaibigan ng pinsan ko sa bahay sa tabi ng sa amin. Tuwang-tuwa ang lahat sa kanya kasi'y hindi siya marunong mag-Tagalog; sa Amerika kasi ipinanganak. Ewan ko kung may sinabi ako sa kanya.

Malinaw na malinaw pa sa gunita ko ang sumunod naming pagkikita. Unang taon sa mataas na paaralan, at bago ako doon. Siya'y doon nagtapos sa mababang paaralan. Habang lumilinya kami para sa pambansang awit, nakita ko siyang bumubulong sa katabi at itinututuro ako. Hindi ko na matandaan kung paano, at kailan, kami unang nagkausap pagkatapos noon.

Noong nasa ikatlong taon kami, madalas siya sa bahay para magpaturo ng geometry. Pagkaraa'y dumarating na lamang siya para makinig kami ng paborito niyang The Doors sa bago naming stereo samantalang kumakain kami ng shoestring potatoes at umiinom ng Coke. Samantalang lumalagok pagkanguya ng isang dakot na shoestring potatoes, hihintayin niyang maubos ang laman ng lata, titingin sa baso niyang puno pa ng Coke, at sasabihin bago uminom, "Ito ang paraiso."

Nagkasamaan kami ng loob noong ikaapat na taon. Hindi kami nagkausap hanggang magkaiba na ang aming mga kolehiyo, kaibigan, at hilig. Kung anu-ano ang narinig ko tungkol sa kanya. Nag-asawa siya at hindi ako inimbita sa kasal. Lumipat sila sa Amerika. At natuklasan ko na lamang na pinsan ng asawa niya ang kasintahan kong di-naglaon ay nakahiwalay ko naman.

Noong 33 ako't 32 siya, nagkita kami sa Amerika. Sinalubong niya ako sa paliparan at halos hindi ko siya makilala. Ilang araw ang nakaraan, naghapunan kami sa bahay niya't nakilala ko ang kanyang asawa, na mabilis kong nakaibigan. Mula noon, dalawampung taon na ang nakakaraan, walang mintis ang pagkikita namin pag dumadalaw ako doon at sila'y dumadalaw dito. Magkaharap man o sa telepono o email, nagkukuwentuhan kami ng kung anu-ano, nagsasalo sa lungkot at saya.

At tiyak na kaming kahit matagal kaming hindi magkita o magkabalitaan, patuloy pa ring titibay ang aming pagkakaibigan.

Maligayang kaarawan. Maligayang-maligaya.

Friday, September 15, 2006

Umaga

Halos dalawang buwan na ako sa bago kong tahanan, mga isang oras--ng lakad, sakay-sa-tren, lakad, sakay-sa-tren, at lakad--ang layo sa aking trabaho.

Tinatamad pa ang araw paglabas ko sa umaga kaya marahil bihira ang nakangiti sa mga kasabay at kasalubong ko. Mga papasok na manggagawa sa maraming gusaling itinatayo sa paligid, guwardiya, estudyante, at mga pauwing call center agent. May nag-eehersisyo--tumatakbong matulin, naglalakad nang mabagal, nagpu-push-up sa bangketa. Kung pinapalad ako'y may yayang nagtutulak ng stroller, sakay ang sanggol na ngingiti sa kahit kanino, sa kahit ano.

May hinahanap-hanap ako nitong mga nakaraang umaga--ang babaeng dati'y nadadaanan kong laging nag-aalmusal nang mag-isa sa MiniStop. May edad na siya, marahil ay lampas nang 70. Ayos ang maikling buhok, may make-up, itim ang damit. Mukhang papasok sa opisina.

Nagretiro na kaya siya? Nangibang-bayan? Nagkasakit? Yumao?

Sana'y kaya hindi ko na siya nakikita ay sa tabing-dagat na siya nananahan, may kasabay na sa almusal. Sana.

Thursday, September 14, 2006

Ang Aking Inaanak

Nalulungkot daw ang inaanak ko dahil tinutukso, at sinasaktan, siya ng kanyang mga kaklase. At mangyari pa'y mabigat din ang puso ng kanyang mga magulang. Ano nga ba talaga ang kanilang magagawa?

Noong maliit ako'y madalas din akong tuksuhin. Masakit, at tandang-tanda ko pang lahat. Ang nakasagip sa akin noon ay pag-uwi ko'y damang-dama ko ang pagmamahal sa aking tahanan. At kahit walang nagawa ang mga magulang ko tungkol sa mga panunukso sa akin--kasi hindi ko naman talaga sinabi sa kanila--humuhupa ang sakit kapag hinahagkan nila ako, nilalambing, minamahal.

May mga kaibigan din naman akong mababait sa akin. At sa kung anumang himala--marahil naawa sila sa akin, o nagsawa na sa kaloloko, o namangha sa tatag ko, o may nagawa akong mabuti para sa kanila--ang ilang nanunukso sa aki'y naging kaibigan ko rin. Mayroon ngang matalik ko pa ring kaibigan hanggang ngayon.

Palagay ko'y ang mga panunuksong iyon, ang mga kababatang sumakit sa akin, ay nakatulong magpatingkad sa pagmamahal na dulot ng aking pamilya't mga kaibigan. Kaya maaaring ang mga panunukso at pananakit na iyon ay dahilan din kung bakit hanggang ngayo'y mahalagang-mahalaga sa akin ang aking mga kaibigan, at ang aking pamilya.

Alam kong maraming nagmamahal sa aking inaanak, at damang-dama niya ito palagi. Wala man kaming magawa, kaming mga nagmamahal sa kanya, para tumigil ang mga panunukso at pananakit, alam kong malaki ang nagagawa ng pagmamahal na ito sa pagpapatatag sa kanya, sa paghugot niya mula sa kanyang kalooban ng lakas na harapin ang anumang dapat harapin.

Kung nasa iisang bansa sana kami ng aking inaanak, yayakapin ko siya't kahit paano'y maiibsan ang kanyang lungkot, at ang sa akin.

Tuesday, September 12, 2006

Liham

Noong 1990, nagbasa ako ng ilang tula sa isang Christmas party ng mga Filipino sa Madison. Pagkatapos kong magbasa, nilapitan ako ni B0wen, 13, at tinanong tungkol sa pagtula. Nagsusulat din daw siya--mga kuwento. Pinabasa niya ako ng ilan, at sianbi kong nagustuhan ko ang mga iyon. Nawala siya nang mga isang oras at pagbalik ay binigyan ako ng isang folder na may dalawang pahina ng pad paper. Sumulat pala siya ng kuwento tungkol sa kung paano ang isang bata'y nakakilala ng isang manunulat na nagpalakas ng loob niyang sumulat nang sumulat. Bago natapos ang pagtitipong iyo'y nangako kami ni Bowen na magpapadala ng mga nasulat namin sa isa't isa. Hindi nangyari iyon at hindi na kami muling nagkita ni nagkausap ni Bowen, pero hanggang ngayo'y nasa akin pa ang kuwentong isinulat niya para sa akin.

Tatlong linggo na ang nakakaraan, nakatanggap ako ng email mula kay Bowen. Ipinaalala niya ang pagtatagpo namin--na hinding-hindi ko naman nalimutan. Sumulat lang daw siya para sabihing hindi niya kailanman nalimutan ang pag-uusap namin noon, at nagpasalamat na natulungan ko siyang magpatuloy na magsulat. Kababalik lang daw niya sa pag-aaral, ng panitikan. Kaagad ko siyang sinagot, at sinabi kong mangyari pa'y naaalala ko siya at nasa akin pa nga ang kuwentong ibinigay niya sa akin. Kinumusta ko ang mga magulang niya't kapatid, at humingi ako ng mga bago niyang kuwento.

Tuwang-tuwa ako. Ikinuwento ko ito sa mga kaibigan ko't estudyante.

Pero hindi pa sinasagot ni Bowen ang email ko.

Friday, September 08, 2006

Lagalag

Noong 1986, papunta ako kung saan at dahil gabing-gabi na't hirap na ako, nagkamali ako ng sakay ng tren. Nakarating ako sa Lourdes nang wala pa sa plano.

Paglabas ko ng estasyon, sinundan ko ang mga karatulang nagtuturo sa grotto. Kaya napadaan ako sa napakaraming tindahan ng rosaryo, estatuwa, walang lamang boteng plastik na korteng Birhen ng Lourdes. Pumasok pa nga ako sa isang maliit na museo--doon daw lumaki si Bernadette.

Nang palapit na ako sa grotto, nakita ko ang pagkarami-raming tao. May mga pangkat pang may dalang malalaking bandera. At nakakita ako ng karatula sa Pranses, na naunawaan ko naman ang sinasabi. At nalaman kong kaarawan ni Maria nang araw na iyon.

Kaya pala.

Thursday, September 07, 2006

Sandali

Isang segundo. Ngayon. Hindi muna ngayon. Huwag muna. Hintay. Isang pulgada. Pamagat ng bago kong aklat ng mga tula.

Simula.