Tuesday, October 31, 2006

Pagliliwaliw

Noong dalawampu’t tatlong taon ako’t hindi pa tiyak kung anong talagang gustong gawin, umakyat kami ng mga magulang at kapatid ko sa Baguio. Noon lamang makakapunta sina Inay at Itay doon kaya sabik na sabik kaming lahat.

Sumakay kami sa isang first class bus—kasabay pa namin ang isang sikat na dating senador at ang misis nito. Sa Baguio, tumigil kami sa malaking suite sa isang pension na malapit sa Burnham Park. Kaagad namasyal si Itay sa park at di-nagtagal ay nahilo. Dinala namin siya kalapit na ospital; tumaaas pala ang presyon. Binigyan siya ng gamot at kaagad namang gumanda ang kanyang pakiramdam.

Tatlong araw kaming namasyal, namili ng mga pasalubong, kumain kung saan-saan, nagpasarap sa sariwa't malamig na hangin. Parang walang nangyari kay Itay; naglakad muli siya sa park at lubos na nasiyahan. Tuwang-tuwa naman si Inay sa mga bulaklak; pakuha nang pakuha ng retrato sa mga hardin.

Ngayo’y nakapatong sa mesa ng aming sala ang ilang basket na binili namin noon. Kung anu-ano na ang naging gamit ng mga ito: pinagsilbihan ng mga kendi, idinekorasyon sa dingding, ngayo’y salalayan ng kandila.

Nubenta’y uno na si Inay; otsenta’y nuwebe si Itay. Kaninang umaga’y nagligalig si Itay—ayaw magpabihis, ayaw magpagalaw. Mabuti’t napaupo ko’t napakain kaninang tanghali. Si Inay nama’y nanlalambot daw—kulang sa tulog at naiinitan. Nagpabili nga ng silyang naisasandal, nang may mapagpahingahan daw siya. Ngayong pahapon na'y natutulog at humihilik pa si Itay. Pinapupunasan naman ni Inay ang bago niyang silya nang magamit na niya ito.

Nasa siyam na araw na cruise ang kapatid ko’t bayaw sa Hawaii. Tumatao sa kanilang tindahan ang kanilang bunso—malapit na siyang mangibang-bayan. Ang panganay ay nasa tindahan niya at naghihintay na makauwi para makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan; bukas ay maghapon silang mag-asawang magpapahinga sa kanilang tahanan.

Aaminin kong gusto sanang magliwaliw ngayon--lumayo't makalanghap ng ibang simoy ng hangin. Ngunit hindi ito ang panahon para doon. Napakarami ko nang napuntahan; nakapagpasasa na ako sa kung anu-ano. Ngayo’y dito muna ako sa aming tahanan, sa piling ng aking mga magulang.

Tuesday, October 24, 2006

Sana

Pitong taon na ang nakakaraan, pumayag akong magturo, sa kauna-unahang pagkakataon, ng freshman English composition. Ngunit hindi pa nagtatagal ang semestre’y pinagsisihan ko na ito. Hindi pala ako handa. At may mga estudyanteng sa sama ng mga akda ay ni hindi ko na mapangalanan ang mga mali. Hindi ko malaman kung paano sila tutulungang mapabuti ang kanilang pagsusulat. Ramdam ko’y habang lalo akong nagsisikap, mas kaunti ang aming napapala. Gaano ko man pigilin ang galit ko—sa sarili higit sa kanila—wala akong magawa. May mga umaga ngang ayoko nang pumasok. Ayoko nang harapin ang mga estudyante ko.

Ngunit isang umaga sa gitna ng semestre, samantalang nakaupo ako sa may likuran ng klase at pinanonood na magsulat ang mga estudyante kong ito, naging malinaw sa akin—kung paano’y hindi ko talaga mawari—na may pananagutan ako sa kanila. Mahalaga sila sa akin. Gusto kong maging mas mabuti silang manunulat. Gusto kong maging mas mabubuti silang tao. Hindi gaanong gumaan ang trabaho ko pagkaraan ng umagang iyon. Ngunit patuloy akong nagsikap.

Tatlong taon nang nakaalis sa kolehiyo ang mga estudyanteng iyon. Ngayo’y pinapangarap kong makasama muli ang kahit ilan lang sa kanila nang mapagkuwentuhan—sana’y mapagtawanan pa nga—namin ang mga umagang pinahirapan namin ang isa’t isa.

Sunday, October 22, 2006

Kung Talagang Ukol

Para sa aking kaarawan, pinadalhan ako mula sa Amerika ng matalik kong kaibigang nanahan nang matagal sa New York, at dalubhasa sa pagreregalo, ng postcard ng “Manhattan,” isa sa mga pinakaborito kong pelikula ni Woody Allen. Dahil kulang ang tiwala namin sa koreong Amerikano't Pilipino, halos dalawang linggo kaming nangamba na hindi ito makarating sa akin. Ngunit kamakalawa’y natanggap ko ito--ang kauna-unahang inihatid ng koreo sa akin sa bago kong tahanan. Agad kong ikinuwadro ang postcard at isinabit sa dingding, sa itaas ng aking telebisyon.

Kanina, nataunan kong palabas sa TCM ang lumang-lumang pelikula, itim at puti pa, tungkol kay George Gershwin. At samantalang pinakikinang ng katanghalian ang matatayog na gusaling lagi kong tanaw mula sa aking bintana, ninamnam ko ang paksiw na ulo ng bangus—na napakataba ng tiyan at manamis-namis ang asim ng ampalaya—sa saliw ng “Rhapsody in Blue.”

Saturday, October 21, 2006

Kung Papalarin Ka

Nitong Hunyo't kalilipat ko lang sa bago kong tahanan, naglangoy ako sa swimming pool ng aming gusali kasama ang dalawang kaibigang madreng dumadalaw sa akin. May nakasabay kaming babaeng marahil ay mga dalawampu't limang taon, napakagandang ngumiti, mahaba ang buhok, balingkinitan, matangkad, naka-bikining puti. May kasama siyang batang babae at nang magkuwentuhan kami'y sinabi niyang pamangkin niya ito. Hindi pa raw siya lumilipat sa unit niya--baka nga raw ipagbili na niya ito.

Hindi ko na siya nakitang muli mula noon.

Kanina lang sa elevator pababa, nagulat ako nang sumakay siya, kasama ang kanyang pamangkin, sa palapag na mas mababa sa akin. "Hello," sabi niya, at matamis na ngumiti. Ipinaalala ko sa kanyang nagkakilala na kami sa pool at sinabi niyang naalala rin niya. Itinanong ko kung doon na rin siya nakatira. Oo raw. Sinabi kong hindi pa puwedeng gamitin ang pool kasi napinsala ng nakaraang bagyo ang kisame ng bubong nito. Hindi raw niya alam kasi kalilipat lang niya kamakalawa. Bumaba sila sa ika-6 na palapag, at tinapik pa niya ang balikat ko bago lumabas ng elevator. Wala akong masabi kundi, "See you!"

Naiwan akong bahagyang nanlalambot ang tuhod. Ramdam ko'y binatilyo akong muli, nakangiti sa wala.

Tuesday, October 17, 2006

Ang Aking Pamangkin

Mangingibang-bansa ang aking bunsong pamangkin. Dalawampu't walong taon na siya, nakadalawang trabaho't dalawang negosyo na, kaya, tulad ng sabi ng kanyang mga magulang, panahon na nga marahil na magsarili siya, malayo sa amin.

Malapit na malapit ako sa kanya at sa kanyang kuya. Sa bahay na aking sinilangan sila iniuwi pagkasilang nila, at doon sila nakatira, kasama namin nina Inay, Itay, ng ate ko't bayaw, hanggang matuto silang magsalita't maglakad. Tumulong ako sa pag-aalaga sa kanila--sinusubuan ko sila't pinatutulog, tinuturuan, pinaliliguan, iniiwangan, pinagagalitan kung kinakailangan, palaging niyayakap at hinahagkan, minamahal nang lubusan. Kasama ko sila sa panonood ng TV, kakuwentuha't kakulitan, kalaro, hanggang magsawa sila sa mga larong-bata at ako nama'y magtrabaho sa ibang bayan. At hanggang makatapos sila ng high school ay kina Inay at Itay sila nananghalian at umaawas pag hapon. Ngayong may asawa na't nagsasarili ang kanyang kuya, kina Inay at Itay umuuwi ang bunso kong pamangkin. Kaya pag-uwi ko tuwing Sabado't Linggo'y madalas ko pa rin siyang kasabay manood ng TV. Nagkukuwentuhan pa rin kami paminsan-minsan. Pero kadalasa'y tahimik siya. Malihim.

Nalulungkot ako na lalayo siya. Nangingilid nga ang luha ko samantalang sinusulat ko ito. Ngunit nananalig akong saan man siya mapadpad, dala niya ang bawat sandaling pinagsaluhan namin. At umaasa akong marami pa kaming pagsasaluhan, pagdalaw ko sa kanya, at tuwing siya'y uuwi sa amin.

Friday, October 13, 2006

Pangarap

Dalawang tulog na lang at singkuwenta'y tres na ako.

Noong bata pa ako’y madalas akong magbasa ng Life at Saturday Evening Post at manood ng pelikulang Hollywood, kaya pampatulog ko ang pagguniguni na nakatira ako sa isang apartment sa mataas na gusali sa isang malaking lunsod. Uuwi ako nang gabi at bubuksan ang tatlo o apat na susian ng aking pinto, uupo sa sofa, at panoorin ang mga ilaw ng siyudad hanggang antukin ako.

At isa sa paborito naming laro ng mga pinsan ko ang paglipad tungo sa iba't ibang bansang may matinding taglamig. Pagtatabi-tabihin at ihihilera namin ang mga silya sa sala, isususot ang aming mga bata de banyo, pupunuin ng damit ang aming mga bag, at pag-aawayan kung sino ang magiging piloto ng aming eroplano.

Kapag sawa na kami dito’y nag-oopisina-opisinahan kami. Pero wala kaming makinilya. Noong Grade 5 ako’y nag-uwi nga si Itay ng segunda-manong Remington, luma na ngunit bagong pinta ng berdeng makintab. Pero hindi sa aming opisina ko ito ginamit. Madalas nga’y hindi na ako nakikipaglaro sa aking mga pinsan – mag-isa na lang akong nagmamakinilya ng kung anu-ano. Manunulat na ako sa isip ko. Kaya pangarap ko noo’y magkalibro, manalo ng gantimpala, at tumanggap ng tropeo.

Ngayon, dahil sa pagtula-tula ko, may tatlong aklat at dalawang tropeo na ako, kung saan-saang paliparan na ako nakalapag, at marami na akong nauwiang kuwarto sa matataas na gusali sa di-iilang bansang maginaw.

Samantalang sinusulat ko ito sa aking laptop, pasulyap-sulyap ako sa nakabukas na bintana ng aking tahanan sa ika-23 palapag, pinanonood ang masinsing ambon na nagpapapusyaw sa tanawin. At hinahaplos ako ng hanging malamig-lamig.

Monday, October 09, 2006

Paglulunsad

Inilunsad ang pangatlo kong libro ng mga tula nitong nakaraang Miyerkoles. Maraming dumating sa pagtitipon. Sabi ng ilan, "Ang dami mo talagang kaibigan." Sa mga dumalo nga naman, iilan ang hindi ko kilala.

At para kanino nga ba ang bawat tula ko kundi sa aking mga kaibigan, sa kanilang itinatangi ko? Dagdag na biyaya na lamang kung masiyahan din dito ang mga hindi ko kilala. Ang mas masaya siyempre ay kung makilala ko ang mga nakilala lamang ako dahil sa aking mga tula. Tulad ng seminaristang lumapit sa akin pagkatapos ng programa para magpapirma ng aklat (tumutula rin daw siya, at umoo siya nang sabihin kong gusto ko ring mabasa ang mga nasulat niya).

Kinabukasan, may mga nagtanong sa akin, "O, ano, nakatapak ka na uli sa lupa?" At hanggang ngayo'y may mga nagsasabi pa, "Ang ganda-ganda ng launching mo. Ang saya." Sagot ko, "Punung-puno kasi ng pagmamahal."

Wednesday, October 04, 2006

Mga Pagsasalo

Nitong nakaraang Linggo, nagsimba ako sa parokyang ilang Linggo ko nang dinadaluhan ng Misa. Tulad ng dati, nagpalabas na naman ang koro, at halos walang nagsisimbang makasabay sa kanilang mga awit. Pinilit kong huwag itong labis na intindihin. Pero nang mag-homilya ang pari, nagpatawa siya nang nagpatawa na wala namang kinalaman sa mga babasahin nang araw na iyon, at tawa naman nang tawa ang ibang nagsisimba. Hindi ko rin mapiho ang tinutungo ng kanyang homilya. Inis na inis ako sa pari, at sa kongregasyon. Pagkaraan nga ng Ama Namin ay wala akong binati ng kapayapaan. Hindi na ako babalik sa simbahang ito, pasya ko. Nagalit din ako sa sarili ko. Ang yabang-yabang mo, sumbat ko sa sarili, nagkakasala ka na! Tinapos ko ang Misa nang masamang-masama ang loob.

Gumaan lamang ang loob ko nang makipananghalian ako sa bahay ng mga kaibigang para ko nang kapatid, at pagkaraa'y makipag-usap nang masinsinan at makipaghapunan sa isang kaibiga't dating mag-aaral.

Kinabukasa'y wala akong pasok kaya sa wakas ay sinubukan ko ang restawrang Italyano na matagal nang inirerekomenda sa akin. Pagkaraan kong mananghalian, nalaman kong may magsisimulang Misa sa katabing simbahan. Pumasok ako. Nakita ko na dati ang simbahang iyon pero nitong Lunes ko lamang napansin na maganda ito't maaliwalas.
Nagsimula ang korong umawit ng kantang alam na alam ko, at sumabay ako. At nasiyahan ako sa homilya ng pari--malinaw ito't tuwiran. At sa paligid ko'y mukhang taimtim na nakikinig ang lahat.

Nang may mga munting ibong lumipad patungo sa malaking krus na nakasabit sa kisame, sumiyap-siyap at dumapo nang matagal dito, natiyak kong natagpuan ko na ang bago kong parokya.

At nang makipagbatian ako ng kapayapaan sa mga noon ko lamang nakita, inasahan kong muli't muli silang makasalo.

Tuesday, October 03, 2006

Bagyo

Isang araw, ilang taon na ang nakakaraan, pagkahupa ng isang malaking bagyong nagpaapaw sa malaking ilog at kumitil ng ilang buhay, naglalakad-lakad ako sa aming campus, sa gitna ng nagkalat na dahon, sanga, at natumbang puno, nang makasalubong ko ang isang kaibigang makata. Ang sabi niya, "Ang ganda ng bagyo, ano?" May mga nasawi, naisaloob ko pero hindi mabigkas, bakit mo sasabihin 'yan?

Pero nitong Huwebes, samantalang humahagupit ang bagyo, dumungaw ako sa aking bintana sa ika-dalawampu't tatlong palapag at pinanonood ko ang napakalakas na ulan na paikut-ikot, parang iniipu-ipo, dala-dala ang mga dahong dumidikit sa salamin ng aking bintana at pinapaypay ang yero sa bubong ng gusaling malapit sa akin. At hindi ko mapigilan ang sariling mamangha, at, oo, magandahan pa nga.

At dumating ang alaala ng iba pang bagyo.

Noong maliit pa ako't hindi pa nag-aaral, at araw-araw na nasa tindahan sina Inay at Itay at nasa eskuwelahan ang Ate ko, bumagyo nang malakas, nawalan ng koryente, at nakulong kaming apat sa bahay. Ang saya-saya ko noon. Malinaw na malinaw pa sa isip ko ang isang tanghali, nagbabasa ng komiks sina Inay at Ate, at nakahiga kami ni Itay sa malaking sopa, nag-aagaw-tulog, nakadantay ang binti ko sa binti niya.

At noong nasa kolehiyo na ako't kadedeklara ng batas militar, bumagyo nang pagkalakas-lakas, at pagkaraan nito'y pinagupit ko ang buhok kong hanggang balikat (pinaghihinalaang subersibo o durugista, at madalas daw ay hinuhuli, ang ganoon ang hitsura) para payagan ako nina Inay at Itay na sumama sa mga kabarkada kong magdala ng pagkain, gamot at lumang damit sa mga nayong nalubog sa baha. Isang umaga'y lumusong at tumawid kami sa sapang hanggang leeg na ang tubig at natagpuan namin sa pampang ang isang matanda, nilalagnat at nag-iisa sa kaniyang kubo. Hindi matapus-tapos ang pasasalamat niya.