Wednesday, September 26, 2007

Mga Kaibigan

Maliit pa ako'y pinalibutan na ako ng mga kaibigan. Una'y mga kaibigan ni Itay na paminsan-minsa'y nag-iinuman sa amin. May retrato ngang kuha noong ika-lima kong kaarawan. Karga ako ni Itay at napaliligiran kami ng mga kabarkada niyang may hawak na basong may alak o bote ng serbesa. Nakasimangot ako. Sabi ni Itay, galit ako kapag nakikipag-inuman siya.

Nang magdalagita ang Ate kong apat na taon ang tanda sa akin, halos araw-araw ay nasa amin ang kanyang mga kaibigan--nagkukuwentuhan, naglalaro ng kung anu-ano, nagkakantahan, nagliligawan. Hinahayaan nila akong manood, at kung minsa'y pinasasali sa kanilang ginagawa. Ramdam ko'y kabarkada na rin nila ako.

Noon mag-high school ako, naging tambayan din ng mga kaibigan ko ang aming bahay. Hanggang kusina ang mga kaklase ko, malayang kumakain ng anumang makita nila doon. Tuwang-tuwa naman sina Inay at Itay kasi hindi ako pagala-gala sa kalye at tumatambay sa kanto. Madalas pa ngang sabay-sabay kaming mag-aral ng mga kaklase ko sa aming sala. Pero, siyempre, minsan, tumutulad din kami sa ibang barkada--nagkukuwentuhan din kami sa kanto at naghihintay ng magagandang dadaan. At tuwing ganito, binibiro nila ako: "Tuwang-tuwa ka, ano? Kanto boy ka na rin!"

Pero hindi nila ako mapilit manigarilyo. Hindi nila alam, nakakapanigarilyo ako sa bahay paminsan-minsan. Ang sabi kasi ni Itay, na noo'y nakakadalawang pakete ng sigarilyo araw-araw, mas mabuti kung nakikita niya ako. Hindi raw puwede sa labas ng aming bahay.

Takang-taka tuloy ang mga kaibigan ko na kapag nakakasalubong namin si Itay sa kalye, hindi ako nagmamano sa kanya. Sa halip, agad ko siyang hinahalikan.

Tuesday, September 25, 2007

Mag-anak

Samantalang gumagawa kami ng katulong namin ng lumpiang bangus, dumating ang pamangkin ni Inay at pinakamatalik niyang kaibigan (hindi malayo ang agwat ng edad nila at magkasambahay pa hanggang sila'y magka-asawa). Nasa labas pa lamang ay nagsasalita na siya, "Naku, muntik na kaming hindi magkita kailanman ni Tia." Ilang araw na pala ang nakaraan, nahimatay siya dahil sa pagod at matinding init. Akala raw niya'y katapusan na niya. Mabuti na lamang at agad siyang nadala sa doktor. Wala namang malubhang problema, ngunit mula noo'y kinailangan na niya ng palagiang kasama. Magkatulad na sila ni Inay.

Tulad ng inasahan ko, umiyak si Inay sa tuwa nang makita ang kanyang pamangkin. Masaya silang nagkuwentuhan, at maganang nagmeryenda. Dinala ko si Itay sa kanila, at sa simula'y masaya rin siyang nanood. Ngunit paglao'y nakita kong tumamlay. Hinipo ko ang noo. Mainit. Kinunan ko ng temperature. May lagnat. Pinainom ko ng gamot, at dinala sa kanyang kama para pagpahingahin.

"Kung may anak na tulad mo," sabi sa akin ng pinsan kong sampu ang anak, "wala nang hahanapin pa ang magulang." Bago siya umalis, binigyan niya ng pera, tulad ng dati, si Inay. Ako'y inabutan din. Nang itanong ko kung bakit, ang sabi niya,
"Natutuwa lang ako sa iyo." At hinagkan niya ako.

Kinagabihan, dumating ang Ate ko, at ang panganay niyang anak at ang misis nito. Sabi ko'y baka kailangang dalhin namin si Itay sa ospital. Oo raw, sabi ni Ate. Tatawagan na niya ang doktor nang itanong ni Inay, "Kailangan bang dalhin agad? Ang laki na ng gastos ninyo sa amin." Sabi ng misis ng pamangkin ko, "Tingnan muna natin uli ang temperature." Tiningnan ko, at mas mababa na nga. Hindi na rin siya masyadong mainit. Nang tanungin ko kung ano ang pakiramdam, ang sagot ay "Mabuti na."

Kumain kami ng lumpiang ginawa ko, at nasarapan silang lahat. Hindi na muna namin binigyan si Itay--tinapay na lang muna ang kinain niya, at kumain naman nang marami. Bago umalis sina Ate, titingnan naming muli ang temperature ni Itay. Bumaba na naman nang bahagya. "Pero tumawag lang kayo kung kailangan," sabi ng pamangkin ko bago sila umalis.

Kinabukasan, wala nang lagnat si Itay. Maingay na ngang muli. Kaya lumuwas na ako kasi may birthday party ang kaibigan ko sa gabing iyon. Kinagabihan, nag-text ang pamangkin ko: maghapon daw nilang binantayan si Itay at hindi na raw nilagnat. Nang tawagan ko si Inay, ang sabi'y, "Huwag mo kaming masyadong alalahanin."

Masaya ang birthday party kinagabihan; kasama ko kasi ang mga kaibigang para ko na ring mga kapatid.

Monday, September 17, 2007

Muling Pag-uwi

Nitong Sabado, sumabay ako sa isang kaibigan sa pag-uwi sa mga magulang ko. Dinalaw din niya ang ina niyang halos kasing tanda ng aking mga magulang at nakatira malapit sa aming bahay. Minsan nga raw ay sinabi nito kay Inay, "Mabuti ka pa, dadalawa ang anak mo pero palagi mong kasama. Ako, pito ang anak ko pero dadalawa na ang dumadalaw sa akin."

Tulad ng kinagawian, pagkarating ko sa bahay ay ibinaba ko ang bag kong puno ng palalabhan, humalik kay Inay, pumunta sa kuwarto ni Itay, isinakay ito sa wheelchair at dinala kay Inay. Nagmeryenda kami't nanood ng TV. Nang magpabalik si Itay sa kuwarto niya at umidlip si Inay sa silya sa komedor, mag-isa akong nanood ng TV sa sala. At may nag-text--inatake raw sa puso at sumakabilang-buhay ang ama ng isa kong kaibigan. Agad akong nag-text para makiramay, at agad ding sinagot ng pasalamat.

Sabay-sabay kaming nananghalian nina Inay at Itay, at sabay-sabay ding natulog nang tanghali. Kinahapunan, dinalaw ko ang pamangkin ko't Ate sa kani-kanilang tindahan. Inimbita kong maghapunan sa bahay ang pamangkin ko; dumating naman siya kasama ang kanyang asawa. Kaya masaya kaming kumain nang sabay-sabay, kasama sina Inay at Itay.

Kahapon ng umaga, ipinasyal ko si Itay tulad ng dati. Mula sa simbahan, dinala ko siya sa mas malayo--sa plasa na matagal na rin niyang hindi nakikita. Pagdating namin sa bahay, kumusta siya ni Inay, at nakangiti siyang sumagot, "Mabuti naman." Iniwan ko silang nagtitinginan nang magiliw.

Kinahapunan, umiyak si Inay nang magpaalam ako. Niyakap ko siya't tinanong kung bakit. "Kasi mahal kita," sabi niya.

Natutulog na nang tanghali si Itay kaya hindi ko na ginambala.

Wednesday, September 12, 2007

Traslacion

Sa kauna-unahang pagkakataon, nasaksihan ko ang paglilipat ng imahen ng Birhen ng Penafrancia mula sa simbahan nito tungo sa katedral ng lunsod. Matagal ko nang nababalitaan ito ngunit nitong nakaraang Sabado ko lamang nakita ang napakaraming deboto na nagkumpul-kumpol sa daraanan ng prusisyon at ilang oras na naghintay sa Birhen. Namangha ako sa napakaraming bayadores--mga lalaking nakayapak, karamiha'y lasing, na siya lamang maaring magkarga nang hali-halili sa karo ng Birhen. Mga lalaki rin lamang ang nakapagtatangkang mahipo ang Birhen, o ang karo man lamang. Ang mga babae at iba pang hindi ganoong kapangahas ay nagkakaway na lamang ng puting panyo, humihiyaw ng "Viva Ina", tumatalon at umiiyak sa tuwa. Ang kuwento sa akin ng kaibigang nakalapit sa karo, umiiyak din ang mga bayadores.

Kinabukasan, dumalo ako sa ordinasyon sa pagkadiyakono ng dalawang binatang kaibigan ko't dating estudyante. Marami silang nasulat sa mga klase ko; ang ila'y ipinababasa ko pa hanggang ngayon sa mga esudyante kong magpapari rin. Hindi ko alam kung deboto sila ng Birhen ng Penafrancia. Ngunit nang pinanonood ko silang maglakad patungo sa altar, kasunod ang mga nauna nang magpari sa kanila, nagunita ko ang mga bayadores. At napaluha ako.