Tuesday, March 04, 2008

Mga Babae sa Tren

Pare-pareho ang kanilang suot--puting blusang mahaba ang manggas, paldang asul na maluwang at lampas sa tuhod, sapatos na itim. At lahat sila'y may bitbit na itim na bag. Limang babaeng mukhang bagong salta sa lungsod, mukhang nag-aatubili, mukhang takot, hindi ngumingiti ni nag-uusap, samantalang naghihintay ng tren na sasakyan ko rin. May kasama silang madre, mas matanda sa kanila, pero mas maliit.

May nagkuwento na sa akin na may mga madreng umaakit sa mga dalaga sa probinsya para magmadre rin. At marami ang naaakit, kahit marahil walang tunay na bokasyong relihiyoso, dahil pagkakataon na nilang makaaalis sa maliit nilang nayon, at makapunta sa malaking lungsod, maging sa ibang bansa. Doo'y huhubugin silang maging madre, at karamihan sa kanila'y walang gagawin kundi ang magdasal, at mag-aalaga ng mga madreng patanda nang patanda, lalo na sa ibang bansa.

Ito ang nasa isip ko samantalang minamasdan ang limang babaeng ito, kahit nang makasakay na kami sa tren. At nang bumaba sila'y sinundan ko ng tingin, ginuguniguni ang buhay nilang iaaalay sa pag-aalaga ng matatanda. At naisip ko: Hindi ba't bokasyon din iyong puwedeng maging relihiyoso--ang mag-alay ng sarili, anuman ang dahilan, para sa kapakanan ng iba?