Monday, May 12, 2008

Mali

Pagkaraan ng sampung araw na pakikipagtipan sa maraming kaibigan at pagnamnam sa mga tanawin at pagkain, nagpaalam ako sa mga kaibigang tinuluyan. Niyakap ako nang mahigpit ng kanilang bunso, na aking inaanak, at sinabi niyang, "I'll miss you."

Kaninang umaga, nagtaksi ako patungo sa paliparan, mabigat ang puso ngunit inaasam na rin na makita ang mga minamahal na sandaling nakawalay. Sa check-in counter, natuklasan kong bukas pa pala ang aking lipad. Nang malaman kong napakalaki ang babayaran ko kung tumuloy akong umalis, ipinasya ko siyempreng manatili.

Narito akong muli sa kamang tinulugan ko nang sampung gabi. Wala pang kamalay-malay ang inaanak ko na hindi ako nakaalis.

Friday, May 02, 2008

Sana

Nasa hardin ako ngayon ng isang coffee shop sa tabi ng ilog, sa munting bansang ang totoo'y isa lamang lunsod. Sa tabi ko'y dalawang kaibigang nagsusulat naman ng nobela para sa mga kapwa nila babae.

Panlima ko na palang dalaw sa bansang ito. Tuwina'y mga kaibigan lamang ang pakay ko--wala akong ginagawa kundi kumain, magkipagkuwentuhan, at mamasyal kung saan-saan. Kahit napakaraming puwedeng isulat, hanggang pagnamnam lamang ako ng sandali at tanawin na napakabilis lumipas. Kasi nga'y sa dami ng kaibigan ko dito, kulang na kulang ang oras. Kaya kahit marami-rami rin sa kanila ang manunulat, ngayon lamang ako nakapagsusulat nang may kasabay dito.

Ito na sana ang simula.

Tingnan natin.