Wednesday, February 03, 2010

Nawawala



Nakita ko ito sa estasyon ng tren.

Kaninong kamay kaya ang nasa balikat niya?

Naligaw kaya siya, o sadyang iniwan ang mga naghahanap sa kanya?

Tingin

Nakailang tigil na ang tren nang mapansin ko sila--dalawang lalaki, ang isa'y mga bente anyos marahil, ang isa pa'y baka trenta. Tingin sila nang tingin sa ticket nila at sa tanawin sa labas ng tren; mga bagong salta sa lungsod. Kapwa sila may kilik na folder na tila may lamang mahahalagang papeles. Halos hindi sila nag-uusap. Mukhang kinakabahan ang mas matanda.

Pagkaraa'y napansin kong may isa pa silang katabi--lalaking marahil ay gitna ng edad nila, may dalang malaking bag. Paminsan-minsa'y may sinasabi siya sa dalawa; hindi ko marinig pero mukhang may itinuturo. Tango lang nang tango ang dalawa. Paminsan-minsa'y ngumingiti ang mas bata.

Sa babaan ko rin sila bumaba at pinanood ko sila. Nauna ang may malaking bag, malinaw na alam kung saan pupunta. Mabilis ang lakad ng nakasunod sa kanyang mas matanda, hindi inaalis ang tingin sa sinusundan. Ang mas bata'y pangiti-ngiti, palinga-linga, mukhang hindi nagmamadali, mukhang walang pakialam kung maiwan man siya, mapadpad kung saan, mawala, magwala.