Wednesday, September 24, 2008

Mukha

Binabasa kong muli ang maikling nobela tungkol sa matandang gabi-gabi'y katabi ang iniibig niyang hindi pa niya nakakapiling nang gising nang dumating ang tren. Pagpasok ko'y nasulyapan ko ang mukhang agad umakit sa akin.

Tinitigan ko ito, pilit na sinaulo ang makinis na noo at mapupungay na matang bahagyang natatabingan ng mga hibla ng buhok na tuwid na tuwid at itim itim, ang ilong na hindi gaanong matangos, ang pisnging naaninagan ng mumunting pekas, at ang mga labing tila kababasa lamang ng laway. Nakaharap ito sa bintana, nakatanaw sa malayo, mukhang hindi napapansin ang aking titig.

Bumigat ang puso ko nang tumigil ang tren sa aking babaan. Bago ako lumabas, nilingon ko ang mukhang malamang na malamang ay hindi ko na makikilala kung muli ko mang masilayan.

Wednesday, September 10, 2008

Lungsod

Samantalang naglalakad ako patungo sa estasyon ng tren kaninang madaling araw, naisip ko, "Tahanan ko nang talaga ang isa sa mga paborito kong lungsod."

Noong maliit pa ako't nakatira sa lalawigan, lagi kong inaasam-asam ang pagpunta naming mag-anak sa lungsod na ito. Sa malaking supermarket pa lamang ay masaya na ako. Nagbababad ako sa hilera ng mga aklat at magasin. At gustung-gusto ko ang spaghetti at hamburger steak sa coffee shop nito. Dito rin ako unang nakatikim ng pizza.

Nang lumaki ako't hinayaan nang maglibot nang mag-isa sa labas ng supermarket, natuklasan ko ang tindahang pagkarami-rami ang tindang aklat. At minsan, nakasumpong ako ng shooting ng isang pelikula sa restaurant na dati'y ang pang-akit lamang sa akin ay chicken barbecue at java rice.

Sa disco sa isang hotel sa lungsod na ito sandaling nagpakipot ang sa gabing iyo'y naging una kong kasintahan. At sa malawak na harding may sari-saring ibon at halaman, at talukbong na malaking lambat, ako iniyakan ng isa pa nang makipagkalas ako sa kanya. Wala na ang disco na iyon. Wala na rin ang malawak na hardin--sa halip nito'y may simbahan nang napaliligiran ng mumunting hardin at malalaking mall.

Ang tahanan ko'y nasa bahagi ng lungsod na ilang taon lamang ang nakakaraa'y bihirang-bihira ko pa ring matungtungan. Ngayo'y kahit siguro pikit ako, mula dito'y makakarating ako nang lakad sa estasyon ng tren. Ngunit kahit kabisadung-kabisado ko na ang landas, at ang mga gusali't kung anu-ano pang nadaraanan, tuwing maglalakad ako'y may bago pa ring pakiramdam, may sariwa pa ring pananabik. Lalo na kapag umuuwi ako, araw man o gabi, sa tahanan kong pang-isahan.

Tuesday, September 09, 2008

Dalaw

Ipinagdiwang namin ang ika-tatlumpung kaarawan ng bunso kong pamangkin nitong nakaraang Sabado. Maghapo't magdamag sa amin ang kanyang tanging pamangking-buo, ang tangi kong apo sa pamangking-buo, at tanging buong apo-sa-tuhod ng aking mga magulang. Inawitan siya ni Itay, masuyong pinangaralan ni Inay, at inalagaan ko tulad ng pag-aalaga ko sa kanyang ama at tiyo noong sanggol pa sila.

Nang araw na iyon ay may pumasok na maliit na puting paru-paro sa aming kumedor. Bihirang-bihirang mangyari iyon; bihira na nga akong makakita ng paruparo maging sa munting hardin ni Inay sa labas ng kuwarto nila ni Itay. Kaagad kong naisip na dinadalaw kami ng pinsan kong pumanaw kamakailan lamang--ninang kasi siya sa binyag ng pamangkin kong may kaarawan, at wala na siya nang isilang ang aming apo. Dahil matatakutin ang aming manugang, banayad kong itinaboy ang paruparo palabas. Dumapo ito sa kamay ko at nanatitili doon hanggang hipan ko. Lumipad-lipad ito sa hardin ni Inay. Ang pinsan ko nga, ang paboritong pamangkin ni Inay, sa loob-loob ko. Ikinuwento ko sa Ate ko at ang sabi niya'y baka si Ate Angelita, ang panganay naming kapatid na pumanaw mga apat na oras lamang pagkaraang isilang.

Pagkapananghalian, napansin kong nasa hardin pa rin ang paruparo. Hinabol ko para kunan ng larawan. At dumapo ito sa noo ko, nanatili doon nang mas matagal pa, kahit naglakad-lakad ako't pumasok sa banay--nakunan ko pa ng ilang larawan sa salamin sa kumedor. Kinagabihan, sinabi ko kay Inay na dinalaw kami ng paborito niyang pamangkin. Nang malaman niyang maliit at puti ang paruparo, ngumiti siya't agad sinabi sa amin ng Ate ko, "Ang Ate Angelita n'yo."

Wednesday, September 03, 2008

Kalinga

May nagpatiwakal na namang estudyante sa aking unibersidad; kamakailan lamang ay may nagpatiwakal rin at sa isang silid pa dito. Kaya kahapon, sa simula ng una kong klase, sinabi ko sa mga mag-aaral ko na kung may anumang gumagambala sa kanila, o kung may kaibigan silang sa pakiramdam nila'y nagagambala ng kung ano man, tandaan nilang may mga nakapaligid sa kanilang handang makinig at dumamay--pamilya, kaibigan, guro. Sabi ko pa nga'y mukha man akong mahigpit at masungit, marunong rin naman akong makinig. Handa akong makinig.

Samantalang sinasabi ko ito, napansin kong nangingilid ang luha ng isa sa kanila. Hindi ko naman siya matanong sa harap ng lahat, at hindi ako nagkapagkakataong kumustahin siya dahil nagsulat sila hanggang matapos ang klase. Bukas, papasok ako nang maaga upang makumusta siya--nakapagkuwentuhan na naman kami dati bago magklase.

Nitong nakaraang buwan, natuklasan kong may malalim na problema ang isang dati kong estudyante. Sinadya kong magkita kami upang makakuwentuhan siya. Maganda ang naging usapan namin, at ngayon nga'y higit na siyang panatag. Natututo na siyang muling maging masaya. Nagkikita pa rin kami paminsan-minsan, at nagagalak akong kahit paano'y nakatutulong ako sa kanya.

Kanina naman, dumalaw ang isang estudyanteng dati'y madalas magkuwento sa akin ngunit ilang linggo ring hindi nagpakita. May problema pala siya. At ngayong nakakonsulta na siya sa doktor at umiinom na ng gamot para dito ay nagkuwento na siya sa akin. Mas mabuti na raw ang lagay niya ngayon. Sandali nga lamang kaming nag-usap dahil sunud-sunod ang dating ng mga estudyanteng kumukunsulta sa akin tungkol sa kanilang proyekto. Sabi ko na lamang sa kanya, bumalik siya kailanman niya ibig.

Tanong ng ilang guro, "Bakit dumarami yata ang estudyante sa unibersidad na ito na sumusuko sa mabigat na problema? Ipinagpaparangalan pa naman natin na kinakalinga natin sila. Mayroon ba tayong hindi nagagawa? O labis ba natin silang kinakalinga, kaya hindi natin talaga natutulungang tumatag, tumibay?"