Sunday, April 04, 2010

Aralin

Ilang araw ko nang kasama ang dalawa kong apo sa pamangkin. Ngiti na nang ngiti ang bunso. Nakapagsasalita na nang kaunti ang panganay. May tawag na nga siya sa akin, at kapag nakikita niya ako'y isinisigaw niya ito--hindi makapaghintay na kargahin ko siya't ipasyal. Minsa'y yumayakap siya sa akin nang mahigpit at idinidikit sa pisngi ko ang pisngi niya. Minsa'y hinahaplos ang ulo ko. At pagkaraan ng ilang minuto, pipiglas siya't magpapababa. "Baba, baba..." sabi pa. At pagkababa ko sa kanya'y tatakbo nang tatakbo, magpapahabol: "Bo, bo, bo," paulit-ulit niya, hinihila ako para habulin siya.

Kapag inihahatid na nila ako pauwi, nakakalong siya sa akin. At paghinto ng kotse sa bahay, tatayo siya't sasabihin, "Baba..," nagpapaalam nang parang walang anuman. Pagbaba ko ng kotse't nakakalong na siya sa iba, tatawagin niya ako, at kakaway, nakangiti.

Matutunan ko sana sa kanya ang ganitong pagtiwalag.