Wednesday, January 31, 2007

Kaya

Noong kalilipat ko pa lamang sa bago kong tahanan, anim na buwan na ang nakakaraan, ilang umagang sunud-sunod kong nakita sa isang tindahan ang matandang babaeng laging naka-itim, mukhang nakapantrabaho, at kumakain nang mag-isa. Pagkaraan ng mga dalawang linggo, hindi ko na siya nakita, at nang lumao'y inasahan kong retirado na siya't nakatira sa tabing-dagat, may kasama nang mag-almusal.

Nitong linggong ito, dalawang umaga ko na siyang nakikita, nakaayos pa ring pantrabaho, ngunit hindi na itim ang suot, abuhin na. Mag-isa pa rin siyang kumakain sa tindahang iyon, ngunit parang nahihiwatigan ko sa bukas ng kanyang mukha na may hinihintay siya. Lagi naman akong nagmamadali papasok sa trabaho kaya hindi ako makahinto para bantayan kung totoo nga ang hinala ko.

Minsa'y naiisip ko, "Ano kaya kung huminto nga ako't kumain din sa tindahang iyon, para lamang hintayin kung may tatagpo nga sa kanya?"

Mayroon nga rin akong ilang nakakasalubong sa paglalakad, at sa paghihintay at pagsakay ng tren, tuwing umaga na natatandaan ko na ang mga mukha. Minsan nga'y natutukso akong ngumiti sa kanila.

Marahil nga'y maraming hiwagang naghihintay lamang na sandali akong huminto, at mangahas.

Monday, January 29, 2007

Pagpili

Kamakalawa'y maghapon akong nakipag-usap sa mga estudyante tungkol sa mga subject na kukunin nila sa susunod na semestre. Laan ko'y sampung minuto sa bawat isa, ngunit may ilang lumampas dito dahil napag-usapan na rin namin ang nais nilang gawin pagkatapos nilang magkolehiyo.

Ang isa nga'y halos dalawampung minuto kong kausap. Ano raw ang mga subject na makakatulong sa kanyang maghanda para maging pulitiko? Pagkatapos naming pag-usapan ito, itinanong ko sa kanya kung bakit niya gustong magpulitiko. Ito raw kasi ang gusto ng ama niya, na konggresista ngayon. Sa darating na eleksiyon nga raw, tatakbo ang ina niya para palitan ang ama niyang ikasiyam na taon na sa posisyon. Mukha namang hindi napipilitan ang estudyanteng ito sa pagbabalak na maging pulitiko; nakangiti siya samantalang nag-uusap kami. Pero nalungkot ako para sa kanya. Ako kasi'y hinayaan ng mga magulang ko na pumili ng pag-aaralan ko, at ng gagawin ko pagkatapos noon.

Pagkaraa'y matagal ko ring kausap ang isa pang estudyante. Hindi naman niya malaman kung mananatili siya sa kurso niya ngayon o lilipat sa iba. Itinanong ko kung ano ang gusto niyang gawin pagkatapos ng kolehiyo, at ang sagot niya'y hindi nga niya alam. "Nakausap mo na ba ang mga magulang mo tungkol dito?" tanong ko. "Sabi nila, ako ang dapat magpasya," sagot niya kaagad, nakangiti rin. Natuwa ako para sa kanya at umasa--sana'y tulad kong nag-apuhap at ilang ulit na nagkamali, matagpuan din niya ang kurso, at trabahong, makapagpapaligaya sa kanya.

Tuesday, January 23, 2007

Kaarawan

Kahapo'y nag-91 si Inay. Dahil sa dami ng trabaho ko, nalimutan kong kaarawan niya nang tawagan ko siya. Ipinaalala pa niya sa akin.

Nitong nakaraang Biyernes ng gabi, naghapunan kami sa bahay para ipagdiwang ang kaarawan niya at magpaalam sa bunso kong pamangkin na lilipad na tungo sa Amerika kinabukasan. Ayaw na ni Inay na magsalu-salo sa mismong kaarawan niya--malulungkot lamang daw siya dahil kulang na kami. Masaya nga kami nitong Biyernes. Pinatawa kaming lahat ni Itay nang sabihin niyang sasama siya sa Amerika. Sandaling umiyak si Inay pero idiniin niyang masaya rin siya para sa aking pamangkin.

Nitong Sabado ng umaga ay sumama ako sa mga magulang niya't nakatatandang kapatid paghahatid sa airport. Mangyari pa, may iyakan. Umiiyak pa rin nga ang kapatid niya nang paalis na kami sa airport. Malungkot na malungkot ako, kahit alam kong ang paglisang ito, at ang bagong buhay sa ibang bansa, ang matagal ng inaasam-asam ng aking pamangkin.

Kahapon, pagkatawag ko kay Inay, maghapon akong nakipag-usap sa mga estudyante tungkol sa mga kursong kukunin nila sa mga darating na semestre. Magulong trabaho ito, at nagulat ako na hindi ako nataranta--ang bait ko pa nga sa kanila. Tingin ko tuloy talagang ihihanda ako para sa simula ng pag-aaral ko ng Taichi kinahapunan.

Mahigit sa dalawampung kapwa guro ang kasama ko sa leksiyon. Ipinaliwanag muna sa amin ang mga prinsipyo at pamamaraan ng Taichi, kaya matamang-matama kaming sumunod nang turuan na kami. Pagkaraan ng isa't kalahating oras, naglakad ako papuntang estasyon ng tren nang masiglang-masigla, sabik na sabik sa kung anong hindi ko matukoy.

Ganoon pa rin ako pagdating ko sa aking tahanan. At pagkahapunan ko'y inensayo ko pa ang natutunan ko. Pagkaraan, samantalang nanonood ako ng TV, ka-text ko ang kapatid ko--ikinukuwento niya kung gaano kasaya ang pamangkin ko sa Amerika. Sinabi rin niyang dinalaw nila ng panganay niya sina Inay at Itay nang hapong iyon.

Nagdasal ako nang taimtim bago matulog. At kaninang umaga'y masigla rin akong nagbiyahe papasok sa trabaho. Hanggang ngayo'y nanabik pa rin ako, sa kung ano'y hindi ko pa rin mapiho.

Monday, January 22, 2007

Mag-isa

Nitong mga nakaraang araw, damang-dama kong mag-isa ako. Palagay ko'y dahil din marami akong nakasama nitong bakasyon at halos sabay-sabay silang umalis nang magsimula nang muli ang klase. At dahil malungkot ako, minsa'y nawawalan ako ng ganang pumasok at magturo.

Nitong nakaraang Huwebes, sandali akong nag-atubiling pumasok dahil pakiramdam ko'y hindi ako handa para sa klase ko sa pagsulat ng tula. Ngunit, siyempre, pumasok ako. At dahil maganda ang mga tulang tinalakay namin, at masigasig sa pakikilahok ang aking mga estudyante, ginanahan ako nang todo. Ang ganda ng takbo ng klase. At nagkuwento pa ako ng kung anu-ano.

Nitong Sabado naman, nananghalian kami ng dati kong estudyante. Nagkuwento siya tungkol sa kanyang trabaho, at sa kung anu-ano pang nangyayari sa kanya ngayon. Kinagabihan nama'y nagsimba kami ng isa pang dating estudyante, naghapunan, at nagkuwentuhan din. Nanood pa kami ng sine pagkatapos. Kahapon, nananghalian akong kasama ang ilang pinsan, at bago magdapit-hapon ay dinalaw ako ng mga kaibigang bagong kasal.

Maligaya ako siyempre nang makasama ko silang lahat. Ngayong mag-isa akong muli ay nalulungkot na naman ako. Ngunit ayon nga sa naitanong na sa akin ng marami: sino bang nagsabi na kailangang lagi kang maligaya?

Monday, January 15, 2007

Pistang Bayan

Pista ngayon sa bayan kong sinilangan.

Noong nasa unang taon ako ng mataas na paaralan, apatnapung taon na ang nakakaraan, naniwala kaming magkakaklase sa guro naming pari na walang kahulugan ang nakagawian naming pagdiriwang ng pista kundi pagyayabangan sa paghahanda at, para sa marami, pagkabaon pa sa utang dahil nga sa kayabangang ito. Hindi na raw ito pagpaparangal sa santong pintakasi ng aming bayan. At kasama ng mga guro at iba pang mag-aaral ng aming mataas na paaralan, nagmartsa kaming may dala pang mga plakard pupuntang munisipyo para igiit na dapat nang ipagbawal ang pista. Nakinig pa ang ilan sa amin sa mga konsehal na magtalu-talo tungkol dito pero wala na na akong maalala sa anumang pinag-usapan nila. Ilang buwan pagkalipas nito, natuloy ang pista sa amin at, mangyari pa, nagsama-sama kaming magkakaklase't namasyal sa buong bayan upang makipagdiwang, at kumain nang kumain, sa kung kani-kaninong bahay.

Kahapon, naghanda kami nina Inay at Itay sa aming tahanan ng tanghalian na inihaw na tilapia, kulawo, sinaing na tulingan, nilabong alimango, pritong galunggong, ihihaw na manok, ensaladang itlog na pula at kamatis, katas ng buko, at chocolate cake para sa sampu kong kaibigan mula sa mataas na paaralan--ang dalawa'y dumadalaw mula sa Amerika. Kinahapuna'y nanood kami, mula sa balkonahe ng tahanan ng kapatid ng isa sa kanila, ng timpalak ng sayawan mga mag-aaral sa kalye, at nagkuwentuhan nang nagkuwentuhan tungkol sa mga dati at bago naming mga pakikipagsapalaran.

Bago lumubog ang araw ay nagpaalaman kami't nangakong sisikaping muling magsama-sama para magkuwentuha't kumain, bago pa man dumating ang pista sa isang taon.

Monday, January 08, 2007

Sa Kapistahan ng Pagpapahayag ng Panginoon

7 Enero 2007

Muli, narito ako sa gusali sa mataas na lupang maraming ulit ko nang natuntungan. Dito'y laging mga kapwa guro ang kasama ko. Sa tuktok ng gusaling ito, nakatula na ako nang hindi miminsan. Ilang taon na ang nakakaraan, sa malaking bulwagan dito'y ginapangan ako ng kilabot at napaluha nang bahagya dahil namalayan ko nang matindi na guro nga ako--atas ng Panginoon ang maging lagusan ako ng karunungan, ng kanyang biyaya.

Marami akong kasamang kapwa guro ngayon. Kahapo'y nagbahagi ako ng karanasan ko sa pakikipag-ugnay sa mga nagturo't humubog sa akin, at sa mga naturuan ko't nahubog. Pinangalanan ko ang ilan sa kanila--ang mga taong tumimo sa aking puso. Pahintu-hinto tuloy ang pagsasalita ko dahil nagpupumilit kumawala ang aking mga luha.

Ngayong pakiramdam ko'y dahop na dahop ang diwa ko't madalas ay hindi ako karapat-dapat na tawaging guro, napananariwa ng pakikinig at pakikibahagi sa mga kapwa ko guro sa mataas na lupang ito ang atas ng Panginoon sa amin, at nagpapasalamat ako sa biyayang inakala ko'y mailap at matagal-tagal ding inasam na muling maapuhap.

Wednesday, January 03, 2007

Bago

Kaninang papalubog na ang araw, naglakad ako mula sa unibersidad tungo sa supermarket na lagi kong binibilhan bago ako lumipat sa aking bagong tahanan anim na buwan na ang nakakaraan. Dumaan ako sa bagong pedestrian overpass sa kauna-unahang pagkakataon. Pagdating ko sa supermarket ay napansin kong kakaunti naman ang pagbabago. Mabilis lamang ako doon--bumili ng dalawang paketeng ubas, nagbayad, at lumabas.

Madilim-dilim na nang maglakad akong pabalik sa unibersidad. Nang paakyat na ako sa overpass ay napansin kong may mga ilaw sa ilang tindahan at kainan sa tabi ng kalsada sa ilalim nito--wala pa ang mga ito nang lumipat ako. Paakyat ko ng hagdan ay naisip ko--kung dito pa ako nakatira, madaling-madali akong makakabili sa mga tindahan at kainang iyon.

Nang makaakyat ako sa overpass ay napansin ko ang mga ilaw nito. At hinanap-hanap ko ang panahong dito pa ako sa lugar na ito nananahan. Bahagya akong nalungkot na lumipat na ako. Pinangarap kong makapaglakad sa overpass na ito pauwi araw-araw.

Pinangarap kong sa lugar na ito muling manahan; pinangarap kahit nang sandali lamang.