Wednesday, November 13, 2013

Himig

Isang umaga ilang araw lang ang nakararaan, naglakad ako nang matulin sa parking lot malapit sa condo ko, tulad ng nakagawian ko na.  Papalapit pa lamang ako'y nakarinig ako ng himig, tunog-plawta.  Patuloy akong naglakad at nasiglawan ko ang tumutugtog--lalaking payat, may kaharap na tayuan ng music sheets, at katabing bisekleta.  Hindi ko makita ang plawta, dahil ang hinahanap ko'y mahabang instrumento.  Sa anu't anupaman, naglakad ako nang ilang ikot sa parking lot bago lumabas sa mga kalsada.

Dalawang araw pagkaraan, naglakad muna ako sa mga kalsada, at nang lalabinlimang minuto na ang nalalabi sa isang oras kong lakad, pumunta ako sa parking lot.  Tumutugtog na naman siya, binabasa ang mga nota.  Sumisikat na ang araw, at dahil naakit ako sa himig na tunog-Tsino, sinulyap-sulyapan ko siya samantalang patuloy akong naglakad nang matulin.  Nakita kong maliit ang tinutugtog niya, kung anong tila bilog na instrumento.  May lumapit sa kanyang isa pang lalaki, at pag-alis nito para maglakad din, lumayo ang plawtista sa tayuan ng music sheets at tumugtog ng "Amazing Grace."  Guro niya marahil iyon, naisip ko, at ipinakikita niyang kaya niyang tumugtog nang hindi nagbabasa ng nota.  Sensei pa nga ang pumasok sa isip ko.

Di-naglao'y nilapitan ko ang plawtista.  Pinasalamatan ko siya sa kanyang musika at itinanong kung ano ang tawag sa plawta.  Ipinakita niya ito sa akin--puting ceramic, hugis medyas (o ulo ng golf club), makintab, may mga butas na iba't iba ang laki.  "It's an ocarina," sabi niya, "made in Japan."  Halos hindi siya makapag-Ingles, at natanto kong Hapon siya.  Itinanong ko kung palagi na siya sa parking lot.  Sabi niya, "Every morning, from six to six and a half.  But today is Saturday..."  Lampas a las siyete na kasi noon.  Nagpasalamat akong muli sa kanya at lumakad palayo, palibot, at ang himig na'y tunog-Hapon, paulit-ulit, matamis, maganda.  Kahit lampas nang isang oras akong naglalakad, hindi pa rin ako umalis.  Napansin kong may punong baluktot ang katawan at naisip kong masarap sumandal doon at makinig sa himig.  Ngunit nagugutom na rin ako.

May Starbucks sa tabi ng parking lot, at tumungo ako doon, baon ang himig.  Kahit sa loob, wari ko'y naririnig ko pa rin ito.  Paglabas ko, dala ang aalmusalin, naririnig ko pa rin ito.  Ngunit nang papalapit na ako sa punong sasandalan ko, nakita kong inilalagay na ng plawtista ang ocarina sa isang bulsikot.  Tumalikod na ako't naglakad pauwi, baon pa rin ang himig sa gunita ko.

-----

Kinalingguhan ng umaga, may palengke sa parking lot ngunit naglakad pa rin ako sa paligid nito, nagbabaka-sakaling naroon ang plawtista.  Wala.  Naglakad ako sa mga kalsada at nang patapos na ako'y bumalik ako sa palengke para mamili.  Malayu-layo pa ako'y nakarinig na ako ng himig ng plawta!  Naroon siya.  Nilapitan ko't kinunan ng pelikula sa aking telepono.  Nang makita niya ako, ngumiti siya't nagsabi, "Good morning!"  Sinimulan pa niyang muli ang tinutugtog na awiting pampasko--nagpalabas sa akin.  Pagkatapos, kinausap ko siya at nahirapan siyang maunawaan ang sinasabi ko. Nahirapan siyang sumagot.  Ang nakuha ko lamang ay handa siyang tulungan akong matutong tumugtog ng ocarina, pero pauwi na siya sa sa Japan ilang araw ang makaraan at ang balik niya'y sa Enero na.  Nagpalitan kami ng numero ng cellphone, at nagtipan na muling magkikita kinabukasan para magpalitan ng calling card at email address.  Pumayag siyang kunan siya ng retrato, at itinanghal pa niya ang ocarina.  Muli ko siyang kinunan ng pelikula samantalang tumutugtog ng "El Condor Pasa".

Hindi ako nakarating sa tipanan kinabukasan dahil kinailangan kong pumasok sa trabaho nang maaga.  Pero nag-text ako sa kanya at nagpalitan kami ng email address.  Ini-email ko sa kanya ang mga retratong kinuha ko.  Hindi pa siya sumasagot.

Naikuwento ko ito sa mga kaibigan ko.  Ang isa'y nangakong bibigyan ako ng ocarina para sa kaarawan ko.  Ang isa pa'y nagsabing may mga leksiyon sa ocarina sa youtube.  Hinihintay ko pa ring sumagot ang plawtista.  Nais kong siya ang magturo sa akin ng pagtugtog ng ocarina pagbalik niya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home