Tuesday, January 28, 2014

Balikbayan

Sunud-sunod ang dating ng mga balikbayan. Sa amin sa lalawigan, dalawang beses akong nagpakain sa labas; dalawang beses nagsasama-sama ang mga hindi madalas magsama-sama.

Nitong nakaraang Sabado, natulog naman sa condo ko ang pinsan kong si M------ at ang matalik niyang kaibigang si M----. Kapwa sila balikbayan.  Kinabukasan, naggala kami sa Sunday market sa malapit na park.  Sandali lamang kami pero nakabili na si M------ ng dalawang damit.  Nagmadali kami kasi papunta pa kaming A------, kasama ang ilang kamag-anak.

Sa A------, nakatagpo kong muli ang malaking pamilyang matagal ko ring hindi nakita dahil halos lahat sa kanila'y sa ibang bansa na nakatira.  Ang saya, dahil napakainit ng pagtanggap nila. Para kaming malaking pamilya.  Kaarawan ng tatay nila, kaya ang daming handa.  Ang dami kong nakain.

Pagbalik ko sa tahanan kong malapit sa unibersidad, mag-isa na naman ako.  Ngunit iniuwi ko ang isang araw na pagsasama-sama, isang araw na puno ng ligaya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home