Wednesday, November 26, 2008

Sa Wakas

Ilang linggo na akong naghihimutok kasi hindi ako makasulat-sulat dito. Paano nama'y kasisimula ng klase at, sa wakas, pagkaraan ng mahigit sa isang dekada, nagtuturo na naman ako sa aking unibersidad ng panitikan ng ating bayan. Kaya buhos na buhos ang panahon ko sa paghahanda para sa aking mga klase. At pinalad naman akong mukhang interesado ang aking mga estudyante. Minsan nga, sa talakayan namin, natataranta ako sa dami ng mga kamay na nakataas--hindi ko sila matawag na lahat. Iyon, kaya hindi ako makasulat.

Pero kaninang umaga, nang naglalakad ako malapit na sa aking gusali, napatungo ako't nakita ko ang isang ibon--maliit, asul at itim--na may tinutuka sa madamong lupa sa gilid lamang ng sementadong landas na tinatahak ko. Tumigil ako't nakita kong tuka-tuka niya ang isang malaking uod, para na ngang maliit na maliit na ahas. Kapagdaka'y umatras ang ibon, naramdaman yatang naroon ako. Dahan-dahan akong lumakad palayo, at paglingon ko'y kitang-kita kong tinutuka na naman ng ibon ang uod. Tuksung-tukso akong bumalik, hinayang na hinayang na wala akong dalang kamera. Nagmadali na lang ako papuntang opisina para makapagbukas ng kompyuter at, sa wakas, makasulat muli dito.

Kahapo'y mga sawikain ang tinatalakay namin sa klase ko sa panitikan. Sayang at hindi kabilang ang katumbas sa ating wika ng "The early bird catches the worm." Ewan ko nga kung may ganito. Sa anu't ano pa man, bukas ikukuwento ko sa mga estudyante ko ang nakita ko kaninang umaga.