Saturday, December 22, 2007

Maligaya Ang Pasko

Noong maliit pa ako, nagsasabit kami ni Ate Nene ng medyas sa rehas ng bintana naming nakaharap sa loobang tinitirhan ng aming labandera at ilan pang pamilyang may mga batang nakikipanood sa aming TV mula sa labas ng bintana naming may rehas din sa sala.

Isang Pasko, dahil nakita kong may bisikleta ang isa sa mga batang iyon, sinabi ko kina Inay at Itay na sana'y bisikleta ang ibigay sa akin ni Santa Claus. Sabi ni Itay, "Hindi yata magkakasya ang bisikleta sa medyas mo." Pagdating nga ng Pasko, ang nakita kong laman ng medyas ko ay isang bagung-bago at makinang pang kristal na baso.

Sa Paskong iyon, tulad ng marami pang ibang Pasko ng aking kabataan, kasama ako ni Ate Nene at ng marami naming pinsan sa pagbabahay-bahay, sa mga kamag-anak lamang naman namin, para mamasko. Barya ang natatanggap namin--karaniwa'y diyes o beinte singko. Minsa'y singko, o kending de-limon, ang abot ng kuripot. At siyempre, para kaming nakaabot sa langit kapag nakakatanggap kami--at bihirang-bihira ito--ng dalawang piso mula sa iisang tao.

Kinahapunan, binibilang namin ang aming naipon, at nagpapaligsahan kami kung sino ang nakakuha ng pinakamaraming pera. Sa tanda ko'y walang manalo sa amin sa pinsan naming inaanak ng isa sa pinakamayaman sa aming bayan--sa bahay na 'yon pa nga lang, beinte pesos na ang natatanggap niya (at kami'y tigdadalawang piso). Binabalatuhan naman niya kami ng kending de-limong natanggap niya mula sa pinakakuripot naming tiyo.

At kinagabihan, uupo kami ni Ate Nene, kasama sina Inay at Itay, sa tabi ng Christmas tree naming di-tunay ang mga dahon at may bulak na kunwari'y niyebe, at bubuksan namin ang mga nakabalot na regalo mula sa aming mga kamag-anak na nagpapasko kapiling ang tunay na niyebe at pinalamutiang tunay na pino.