Wednesday, January 08, 2014

Ang Asong si Kitty

Nitong isang linggo, nag-uwi ang bayaw kong si Kuya A--- ng tuta.  Itim na mini-pinscher--napakaliit, kaya kong dalhin nang buo sa iisang kamay.  Nakakatuwa, nakakaaliw.

Natutulog nang tanghali ang aming mga apo nang dumating ang tuta.  Nang magising ang panganay, 5 taon, lalaki, si M--, tuwang-tuwa siya nang makita ito sa kulungan.  Itinanong ko kung ano ang gusto niyang itawag.

"Tampi", sabi niya.

"Pero iyon na ang pangalan ng isa nating aso," sabi ko.

"Gusto ko kasi magkapatid sila", sagot niya.

"Pero bakit kayo ni S--, magkapatid pero magkaiba ng pangalan?"

"E di S-- ang itawag natin sa tuta,"

"Pangalan na ang kapatid mo 'yon."

"E di Nanay R na lang,"

"Pero pangalan 'yon ng Lola mo, magagalit si Tatay A---; siya pa naman ang nag-uwi ng tuta."

Sumali sa usapan si Kuya A---, "Gusto mo, Hello Kitty ang itawag natin?"

"Opo!" sagot agad ni Mat.

E di Kitty na nga.  Bagay naman kasi parang kuting, at lumaki man ito'y kasing-liit pa rin ng tuta.

Nang magising si S--, inilabas ko si Kitty sa kulungan, pinahahaplos namin ni Kuya A sa dalawa.  Pinaglakad namin at pinaglaro.  At dinala ko si Tampi at ipinakilala ito.  Nag-amuyan sila.

Kinagabihan, nang matutulog na ako, narinig kong bumabatok, umiiyak si Kitty.  Kinuha ko sa kulungan, hinaplos-haplos, idinantay sa aking tiyan, hanggang ito'y makatulog.  Nang ibalik ko sa higaan nito sa kulungan, nagising ito't naglikot muli.  Pero iniwan ko't bumalik ako sa aking higaan.  Bumatok na naman ito, umiyak.  Pero hinayaan ko na lamang.  Ganoon talaga.  Matututo rin itong matulog nang mag-isa.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home