Thursday, December 18, 2008

Na Naman

Ilang minuto bago ako bumaba ng tren kaninang umaga, napansin kong umiiyak ang babae sa harap ko. Mag-isa lamang siya, walang katabi. Punas siya nang punas ng mga mata, at pulang-pula na ang ilong. Mangyari pa'y kung anu-ano ang sumagi sa isip ko: May problema kaya siyang iniwan nang sandali sa bahay? May karamdaman kaya siyang katutuklas lamang? Hinahanap-hanap kaya niya ang asawang nangibang-bayan?

Ang sabi'y lalong lumulungkot ang malulungkot tuwing papalapit ang Pasko. At ang marami sa kanila'y nangungulila.

Kahit masaya ako nang sumakay ng tren kanina--dahil malamig ang umaga, sunud-sunod ang mga dinadaluhan kong pagtitipon, malapit na ang bakasyon, at uuwi na ako't makakapiling ang aking mga pinakamamahal--bahagyang sumikip ang dibdib ko nang hanap-hanapin ko ang kung sinu-sino. Ang mga kaibigan kong nasa ibang bansa't madalas na narito tuwing Disyembre ngunit sa kung anu-anong dahilan ay hindi makakauwi ngayon. Ang mga pinsan kong kasama-sama sa pamamasko noong maliliit pa kami at ngayo'y kung saan-saang lupalop na nakatira. Ang mga kaklase ko sa mababang paaralan na kasalu-salo ko sa kung anu-anong baon at kapalitan ng regalo sa huling araw namin sa eskuwelahan bago mag-Pasko; hindi ko na alam kung nasaan sila ngayon.

NA NAMAN

Hatid na naman ng hangin
Ang hangaring makapiling
Ang pinakamalalapit
At, lalo pa nga,
Ang pinakamalalayo sa atin.

Ganito rin daw ang simoy
Nang magningning ang tala
Dahil binitiwan ng isang dalaga
Ang matamis niyang oo
At ang kanyang supling
Sa atin ipiniling.