Tuesday, January 14, 2014

Anghel

Nagising akong balisa at matamlay kanina.  Inisip ko ngang huwag pumasok sa trabaho.  Pero kaagad kong naalala ang sabi ni A-:  "Huwag mong bigyan ng energy ang negative thoughts."  Bumangon ako't humarap sa salamin.  Ngumiti.  At sinabi, "Okay ka!"  Naniwala ako.  Nagbihis ako't naglakad patungo sa trabaho.

Sa daan, naisip ko ang isa kong tula:

WALA

Wala akong ginawa
kundi sambitin ang Iyong ngalan,

at humulagpos ang pangamba
mula sa aking kaibuturan,

nagkapakpak, pumailanlang,
naglaho sa liwanag

at naiwan akong

tulala sa tuwa.

At sinambit ko sa aking sarili, "Hesus, tulungan mo ako."  

Ilang minuto pagkaraan, may tumapik sa likod ko, at narinig ko ang masiglang, "Sir!"  Paglingon ko'y kaagad kong namukhaan ang bumati sa akin, pero hindi ko mapiho kung dati ko siyang estudyante o madalas lamang siyang tumambay sa dati kong kagawaran.  Binati ko rin siya nang masigla.

"Kumusta na, sir?" patuloy niya.  "Hindi kayo tumatanda."

"Sixty na ako," sagot ko.

"Wala sa hitsura ninyo," dagdag niya.  "Alam ko na kung bakit.  Kasi ganito tayong magdamit--parang bata."

Siyempre, natuwa ako.  Sumigla. Hindi lamang dahil sinabi niyang mukha akong bata.  Itinanong ko kung ano ang ginagawa niya ngayon.  Nagtatrabaho daw siya sa isang cement business.  Hanggang doon na lamang ang usapan namin kasi naghiwalay na kami ng landas.  Tumuloy siya sa gym; ako nama'y sa unibersidad.  Ni hindi ko naitanong ang pangalan niya.

Sana'y muli kaming magkatagpo.  Sana'y masabi ko sa kanya na sa umagang ito, naging anghel siya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home