Tuesday, February 11, 2014

Tila Ngayon Lang

Noong isang linggo, paglabas ko ng gusali sa unibersidad, binati ako ng mumunting tuyong dahon, idinuduyan ng hangin bago pumatak sa lupa. Ang ganda. Tila noon ko lamang napansin ang ganoon, sa tinagal-tagal ko na dito.  Naitanong ko nga sa sarili ko kung nagandahan ako nang ganito sa ilang taglagas ko sa ibang bansa.

Palibhasa't papunta ako sa klase, napadpad ang tuon ko sa gagawin ko doon, at nakaligtaan ko na ang ganda ng taglagas na ito.

Kanina, paglabas ko ng kapilya makaraang tumulong magbigay ng komunyon, marahan akong naglakad pabalik sa opisina, di-tulad ng karaniwan kong mabilis na lakad para makapananghalian na, o makapag-siesta.  Marahil ito'y dahil bahagyang makulimlim--mas maraming madilim na ulap pero sumusungaw pa rin ang araw.  At nadama ko ang tila hindi ko pa--o napakatagal ko nang--nadama.  Nadama kong napakalaking pribilehiyo--"biyaya" ang tanging salitang Pilipino na maitumbas ko--napakalaking biyaya na naglalakad ako sa unibersidad na ito, na nagtuturo ako sa unibersidad na ito.  Napakaraming naghahangad nito't nabibigo.  Ako'y ilang dekada nang narito, ngunit tila hindi ko napapahalagahan nang lubusan.

Marahil dahil mas nais ko nang magbakasyon at magliwaliw, trabaho na lamang ang tingin ko sa ginagawa ko dito sa unibersidad.  Hindi ko na naiisip na malaking biyaya ang pagkakataong humubog ng mga murang isip at puso.  Malaking biyaya ang narito ako.

At naisip ko rin na hindi ko gaanong napahahalagahan ang mga sandaling naglalakad lamang ako't hindi gaanong inaalintana ang patutunguhan.

Ang sandali, ito ang patuloy na tumatawag sa akin.  Ito ang dapat kong higit na pagtuunan.