Friday, April 27, 2007

Tatanawin

Dahil marahil nasa burol ang bayang sinilangan ko, mas gusto ko ang mataas na lupa kaysa sa kapatagan. Gustung-gusto ko kasi ng mga tanawin mula sa itaas.

Tuwang-tuwa ako noong bata pa ako tuwing luluwas kami sa Maynila. Binabagtas kasi namin ang paliku-liko at pababang kalsada bago dumating sa kapatagan. At pabalik, lalo na sa gabi, natatakot ako't nananabik sa daang pataas.

Sabik na sabi ako, mangyari pa, nang sa wakas ay nakaakyat ako sa Baguio--kung puwede lang ay ilalabas ko ang ulo ko sa kotse nang mas malinaw kong makita ang matatarik at paliku-likong daan. Mula noo'y nagpabalik-balik na ako sa lunsod na iyon, at sa iba pang matatarik na lugar sa Hilagang Luzon.

Kaya nga hindi na ako nakahindi nang ganyakin ako ng mga kaibigan kong bumili ng unit sa isang matayog na gusali--tiniyak kong nasa mataas na palapag ako at maganda ang tanawin mula sa aking mga bintana.

Ngunit noong isang buwan, giniba ang isang mababang gusali sa kalsada sa harap ng aking bintana. At nitong isang linggo'y natuklasan kong may itatayong matayog na gusali na tatabing sa aking tanawin.

Sabi ng isa kong kaibigan, "E di tatanawin mo na ang mga pangyayari sa loob ng mga kapantay mong silid ng bagong gusali."

Tuesday, April 24, 2007

Agua de Mayo

Sabi ng mga tiya kong mapamahiin, dapat sahurin ang unang ulan ng Mayo. Ipinaiinom ito sa amin upang kami raw ay lalong maging malusog. At kapag ipinaligo raw ito’y mananatiling makinis ang aming mga balat.

Noong maliit pa ako, Abril pa’y sabik na sabik na kami sa unang ulang iyon. At pagpatak nga nito’y nakadungaw kami ng mga pinsan kong singliit ko pa sa bintana samantalang sinasahod ito ng aming mga katulong sa balde, tabo, palangana. Hindi kami puwedeng magpaulan dahil baka raw kami magkasakit, lalo na akong kagagaling lang ang hika. Agawan na lamang kami sa unang inom, at unahan kami sa banyo para makapaligo.

Inggit na inggit ako sa mga kapitbahay naming nalililigo mismo sa ulan. Kapag malakas nga ito’y nagsasabon pa sila, nagtatampisaw, minsa’y kunwang naglalangoy pa sa mga lawa-lawaan sa kalsada. Wala akong magawa kundi gunigunihin na malaki na rin ako, walang-wala nang hika, at hindi na magkakasakit maghapon mang magbabad sa malakas na malakas na ulan.

Friday, April 20, 2007

Sine

Malamang ay wala pa akong apat na taon noon. Buhat ako ni Itay at umakyat kami sa ikalawang palapag ng sinehan. Hinihintay na raw kami sa loob nina Inay at Ate.

Noon lamang ako nakapasok doon kaya mahigpit ang yakap ko kay Itay. Makipot ang pasilyong daanan ng hagdan, maliwanag na maliwanag. May naririnig akong usapan at musika, parang iyong mula sa radyo sa kuwarto ni Lola sa ibaba pag matutulog na kami sa itaas at gusto naming marinig ang pinakikinggan niya.

Nakarating kami sa harap ng kurtinang itim—mukhang napakakapal ito. Hinawi ito ni Itay at pumasok kami sa dilim. Paglingon ko’y nakita ko ang napakalaking kamay na tumitipa sa piano. Takot na takot ako. Humikbi ako’t lalong kumapit kay Itay. Naramdaman kong lumapit na si Inay, kinukuha ako. Hindi ako sumama. Umiyak ako nang malakas, at dali-dali akong inilabas ni Itay.

Ilang linggo pagkaraan noon, napapayag ako ni Inay na sumama sa kanya sa sinehan. Pagpasok nami’y maliwanag ang screen kaya hindi ako natakot. May mga batang naglalaro sa paaralan, kaya naaliw ako’t nanood, kalong ni Inay. Nakatulog ako ngunit biglang nagising nang makarinig ng mga sigaw. At nakita kong nagtatakbuhan sa screen ang maraming bata, palayo sa paaralan nilang nasusunog. Humiyaw din ako’t umiyak. Inalo ako ni Inay pero lalo akong umiyak, malakas na malakas. Kinarga niya ako’t inilabas, at nakita kong may mga taong nakatingin, at tumatawa, sa amin.

Mula noo’y hindi na ako napapayag na manood ng sine. Nakikinig na lamang ako sa mga kuwento nila, tulad ng umiyak nang umiyak ang pinsan ko sa malungkot na palabas, at nang tanungin nila kung bakit ay sinabing nawawala ang panyo niya. Kahit nang mag-Grade One ako’y hindi pa rin ako nanonood ng sine. Hindi ko inaamin sa mga kaklase ko pero kutob ko’y nahalata na nila—hindi kasi ako makasali sa kanilang kuwentuhan.Ewan ko kung bakit pero isang araw ay napa-oo ako ni Ate na manood ng sine, kasama ang iba naming pinsan. “Wedding Bells” ang pamagat, pelikulang Tagalog, at black and white pa. Masaya ito, at tawa kami nang tawa. Talagang nagustuhan ko nang husto!

At noon nagsimula ang pagkahumaling na kailanma’y hindi ko pinagsisihan.

Tuesday, April 10, 2007

Mahal na Araw

Nakagisnan ko nang taun-taon, tuwing Mahal na Araw, pinanonood namin ng Ate ko sina Inay at Itay samantalang binibihisan nila ang aming Mater Dolorosa para maiprusisyon ito sa Biyernes Santo. Bunsong anak si Itay kaya siya ang nagmana ng gawaing ito.

Noong maliit pa ako'y maliit pa rin ang birhen. Kahoy ang katawan nito, at ni wala itong mga paa--sa ibaba ng baywang nito'y may mga piraso lamang ng kahoy na nagpapakambang ng palda. Pero ang ganda-ganda ng mukha nito, at ang pinu-pino ng mga daliri ng kamay na pinagdadaop. May mga luha itong kristal na inaalis ni Inay tuwing Sabado de Glorya dahil ito rin ang sasalubong kay Kristo sa madaling araw ng Pasko ng Pagkabuhay.

Noong nasa mataas na paaralan ako, nagpagawa si Itay ng mas malaking birhen, na may mga paa na rin. Hindi ko nagustuhan ang bagong mukha (na hindi na natatanggal ang mga luha) at mga kamay (na magkakasalikop na ang mga daliri), pero hindi na ako nagreklamo. Itinago ko na lamang ang lumang ulo at kamay at inilagay ang mga ito sa estante ng mga libro ko.

Nang magtapos na ako ng kolehiyo at nagtrabaho sa aming bayan, sinimulan na ni Itay na ilipat sa akin ang pagbibihis ng birhen--ako kasi ang bunso. Nang magkasakit siya't hindi na gaanong makakilos, ako na lamang ang nagbibihis nito; tinutulungan na lamang ako ni Inay. Noong magtrabho ang bunso kong pamangkin sa aming bayan, sinimulan kong itulong siya sa gawain. Ngunit nitong Enero'y nangibang-bayan na siya at malamang na hindi na umuwi.

Nitong Miyerkoles Santo ng umaga, pinanood ako ni Itay na bihisan ang aming birhen. Noong Biyernes Santo, naupo sina Itay at Inay sa harap ng aming bahay at hinintay ang prusisyon, may kandilang nakasindi sa mesita sa harap nila.