Tuesday, October 31, 2006

Pagliliwaliw

Noong dalawampu’t tatlong taon ako’t hindi pa tiyak kung anong talagang gustong gawin, umakyat kami ng mga magulang at kapatid ko sa Baguio. Noon lamang makakapunta sina Inay at Itay doon kaya sabik na sabik kaming lahat.

Sumakay kami sa isang first class bus—kasabay pa namin ang isang sikat na dating senador at ang misis nito. Sa Baguio, tumigil kami sa malaking suite sa isang pension na malapit sa Burnham Park. Kaagad namasyal si Itay sa park at di-nagtagal ay nahilo. Dinala namin siya kalapit na ospital; tumaaas pala ang presyon. Binigyan siya ng gamot at kaagad namang gumanda ang kanyang pakiramdam.

Tatlong araw kaming namasyal, namili ng mga pasalubong, kumain kung saan-saan, nagpasarap sa sariwa't malamig na hangin. Parang walang nangyari kay Itay; naglakad muli siya sa park at lubos na nasiyahan. Tuwang-tuwa naman si Inay sa mga bulaklak; pakuha nang pakuha ng retrato sa mga hardin.

Ngayo’y nakapatong sa mesa ng aming sala ang ilang basket na binili namin noon. Kung anu-ano na ang naging gamit ng mga ito: pinagsilbihan ng mga kendi, idinekorasyon sa dingding, ngayo’y salalayan ng kandila.

Nubenta’y uno na si Inay; otsenta’y nuwebe si Itay. Kaninang umaga’y nagligalig si Itay—ayaw magpabihis, ayaw magpagalaw. Mabuti’t napaupo ko’t napakain kaninang tanghali. Si Inay nama’y nanlalambot daw—kulang sa tulog at naiinitan. Nagpabili nga ng silyang naisasandal, nang may mapagpahingahan daw siya. Ngayong pahapon na'y natutulog at humihilik pa si Itay. Pinapupunasan naman ni Inay ang bago niyang silya nang magamit na niya ito.

Nasa siyam na araw na cruise ang kapatid ko’t bayaw sa Hawaii. Tumatao sa kanilang tindahan ang kanilang bunso—malapit na siyang mangibang-bayan. Ang panganay ay nasa tindahan niya at naghihintay na makauwi para makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan; bukas ay maghapon silang mag-asawang magpapahinga sa kanilang tahanan.

Aaminin kong gusto sanang magliwaliw ngayon--lumayo't makalanghap ng ibang simoy ng hangin. Ngunit hindi ito ang panahon para doon. Napakarami ko nang napuntahan; nakapagpasasa na ako sa kung anu-ano. Ngayo’y dito muna ako sa aming tahanan, sa piling ng aking mga magulang.

2 Comments:

Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Ang ganda. Nakikita ko na ang susunod mong libro...

10:32 PM  
Blogger sandalilamang said...

Maraming maraming salamat, Noelle--ikaw ang nagsimula nito.

6:54 AM  

Post a Comment

<< Home