Wednesday, October 04, 2006

Mga Pagsasalo

Nitong nakaraang Linggo, nagsimba ako sa parokyang ilang Linggo ko nang dinadaluhan ng Misa. Tulad ng dati, nagpalabas na naman ang koro, at halos walang nagsisimbang makasabay sa kanilang mga awit. Pinilit kong huwag itong labis na intindihin. Pero nang mag-homilya ang pari, nagpatawa siya nang nagpatawa na wala namang kinalaman sa mga babasahin nang araw na iyon, at tawa naman nang tawa ang ibang nagsisimba. Hindi ko rin mapiho ang tinutungo ng kanyang homilya. Inis na inis ako sa pari, at sa kongregasyon. Pagkaraan nga ng Ama Namin ay wala akong binati ng kapayapaan. Hindi na ako babalik sa simbahang ito, pasya ko. Nagalit din ako sa sarili ko. Ang yabang-yabang mo, sumbat ko sa sarili, nagkakasala ka na! Tinapos ko ang Misa nang masamang-masama ang loob.

Gumaan lamang ang loob ko nang makipananghalian ako sa bahay ng mga kaibigang para ko nang kapatid, at pagkaraa'y makipag-usap nang masinsinan at makipaghapunan sa isang kaibiga't dating mag-aaral.

Kinabukasa'y wala akong pasok kaya sa wakas ay sinubukan ko ang restawrang Italyano na matagal nang inirerekomenda sa akin. Pagkaraan kong mananghalian, nalaman kong may magsisimulang Misa sa katabing simbahan. Pumasok ako. Nakita ko na dati ang simbahang iyon pero nitong Lunes ko lamang napansin na maganda ito't maaliwalas.
Nagsimula ang korong umawit ng kantang alam na alam ko, at sumabay ako. At nasiyahan ako sa homilya ng pari--malinaw ito't tuwiran. At sa paligid ko'y mukhang taimtim na nakikinig ang lahat.

Nang may mga munting ibong lumipad patungo sa malaking krus na nakasabit sa kisame, sumiyap-siyap at dumapo nang matagal dito, natiyak kong natagpuan ko na ang bago kong parokya.

At nang makipagbatian ako ng kapayapaan sa mga noon ko lamang nakita, inasahan kong muli't muli silang makasalo.

1 Comments:

Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Mahalagang makatagpo nang simbahan na nababagay sa katauhan. Masaya ako para sa 'yo. Kaya naman masaya rin ako na natagpuan namin ang St. Ignatius - kung hindi, marahil ay hanggang ngayon, hindi kami nakakapagsimba lingo-lingo - kawawa naman ang mga anak ko. Dahil kahit na dumadating ang panahon na nahihirapan kaming magasawa na magkaroon nang makabuluhang pananampalataya, alam ko na dapat mabigyan ang aming mga anak nang pagkakataon at posibilidad upang makapaniwala...

9:42 AM  

Post a Comment

<< Home