Tuesday, October 17, 2006

Ang Aking Pamangkin

Mangingibang-bansa ang aking bunsong pamangkin. Dalawampu't walong taon na siya, nakadalawang trabaho't dalawang negosyo na, kaya, tulad ng sabi ng kanyang mga magulang, panahon na nga marahil na magsarili siya, malayo sa amin.

Malapit na malapit ako sa kanya at sa kanyang kuya. Sa bahay na aking sinilangan sila iniuwi pagkasilang nila, at doon sila nakatira, kasama namin nina Inay, Itay, ng ate ko't bayaw, hanggang matuto silang magsalita't maglakad. Tumulong ako sa pag-aalaga sa kanila--sinusubuan ko sila't pinatutulog, tinuturuan, pinaliliguan, iniiwangan, pinagagalitan kung kinakailangan, palaging niyayakap at hinahagkan, minamahal nang lubusan. Kasama ko sila sa panonood ng TV, kakuwentuha't kakulitan, kalaro, hanggang magsawa sila sa mga larong-bata at ako nama'y magtrabaho sa ibang bayan. At hanggang makatapos sila ng high school ay kina Inay at Itay sila nananghalian at umaawas pag hapon. Ngayong may asawa na't nagsasarili ang kanyang kuya, kina Inay at Itay umuuwi ang bunso kong pamangkin. Kaya pag-uwi ko tuwing Sabado't Linggo'y madalas ko pa rin siyang kasabay manood ng TV. Nagkukuwentuhan pa rin kami paminsan-minsan. Pero kadalasa'y tahimik siya. Malihim.

Nalulungkot ako na lalayo siya. Nangingilid nga ang luha ko samantalang sinusulat ko ito. Ngunit nananalig akong saan man siya mapadpad, dala niya ang bawat sandaling pinagsaluhan namin. At umaasa akong marami pa kaming pagsasaluhan, pagdalaw ko sa kanya, at tuwing siya'y uuwi sa amin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home