Friday, October 13, 2006

Pangarap

Dalawang tulog na lang at singkuwenta'y tres na ako.

Noong bata pa ako’y madalas akong magbasa ng Life at Saturday Evening Post at manood ng pelikulang Hollywood, kaya pampatulog ko ang pagguniguni na nakatira ako sa isang apartment sa mataas na gusali sa isang malaking lunsod. Uuwi ako nang gabi at bubuksan ang tatlo o apat na susian ng aking pinto, uupo sa sofa, at panoorin ang mga ilaw ng siyudad hanggang antukin ako.

At isa sa paborito naming laro ng mga pinsan ko ang paglipad tungo sa iba't ibang bansang may matinding taglamig. Pagtatabi-tabihin at ihihilera namin ang mga silya sa sala, isususot ang aming mga bata de banyo, pupunuin ng damit ang aming mga bag, at pag-aawayan kung sino ang magiging piloto ng aming eroplano.

Kapag sawa na kami dito’y nag-oopisina-opisinahan kami. Pero wala kaming makinilya. Noong Grade 5 ako’y nag-uwi nga si Itay ng segunda-manong Remington, luma na ngunit bagong pinta ng berdeng makintab. Pero hindi sa aming opisina ko ito ginamit. Madalas nga’y hindi na ako nakikipaglaro sa aking mga pinsan – mag-isa na lang akong nagmamakinilya ng kung anu-ano. Manunulat na ako sa isip ko. Kaya pangarap ko noo’y magkalibro, manalo ng gantimpala, at tumanggap ng tropeo.

Ngayon, dahil sa pagtula-tula ko, may tatlong aklat at dalawang tropeo na ako, kung saan-saang paliparan na ako nakalapag, at marami na akong nauwiang kuwarto sa matataas na gusali sa di-iilang bansang maginaw.

Samantalang sinusulat ko ito sa aking laptop, pasulyap-sulyap ako sa nakabukas na bintana ng aking tahanan sa ika-23 palapag, pinanonood ang masinsing ambon na nagpapapusyaw sa tanawin. At hinahaplos ako ng hanging malamig-lamig.

6 Comments:

Anonymous Anonymous said...

hapi bday!

1:22 AM  
Blogger sandalilamang said...

Maraming salamat, Eric!

7:12 AM  
Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Maligayang bati mula sa amin at ang mga bata!

4:22 PM  
Anonymous Anonymous said...

sir!mabuti na lang at tiningnan ko ang comments sa nauna kong mga post. mabuhay!kelan ba ang blowout ninyo?

12:26 PM  
Blogger sandalilamang said...

Maraming salamat sa inyong lahat, N, T, K at C :-)

11:20 AM  
Blogger sandalilamang said...

Sa second sem, na, Yol. Maraming salamat.

11:21 AM  

Post a Comment

<< Home