Tuesday, October 03, 2006

Bagyo

Isang araw, ilang taon na ang nakakaraan, pagkahupa ng isang malaking bagyong nagpaapaw sa malaking ilog at kumitil ng ilang buhay, naglalakad-lakad ako sa aming campus, sa gitna ng nagkalat na dahon, sanga, at natumbang puno, nang makasalubong ko ang isang kaibigang makata. Ang sabi niya, "Ang ganda ng bagyo, ano?" May mga nasawi, naisaloob ko pero hindi mabigkas, bakit mo sasabihin 'yan?

Pero nitong Huwebes, samantalang humahagupit ang bagyo, dumungaw ako sa aking bintana sa ika-dalawampu't tatlong palapag at pinanonood ko ang napakalakas na ulan na paikut-ikot, parang iniipu-ipo, dala-dala ang mga dahong dumidikit sa salamin ng aking bintana at pinapaypay ang yero sa bubong ng gusaling malapit sa akin. At hindi ko mapigilan ang sariling mamangha, at, oo, magandahan pa nga.

At dumating ang alaala ng iba pang bagyo.

Noong maliit pa ako't hindi pa nag-aaral, at araw-araw na nasa tindahan sina Inay at Itay at nasa eskuwelahan ang Ate ko, bumagyo nang malakas, nawalan ng koryente, at nakulong kaming apat sa bahay. Ang saya-saya ko noon. Malinaw na malinaw pa sa isip ko ang isang tanghali, nagbabasa ng komiks sina Inay at Ate, at nakahiga kami ni Itay sa malaking sopa, nag-aagaw-tulog, nakadantay ang binti ko sa binti niya.

At noong nasa kolehiyo na ako't kadedeklara ng batas militar, bumagyo nang pagkalakas-lakas, at pagkaraan nito'y pinagupit ko ang buhok kong hanggang balikat (pinaghihinalaang subersibo o durugista, at madalas daw ay hinuhuli, ang ganoon ang hitsura) para payagan ako nina Inay at Itay na sumama sa mga kabarkada kong magdala ng pagkain, gamot at lumang damit sa mga nayong nalubog sa baha. Isang umaga'y lumusong at tumawid kami sa sapang hanggang leeg na ang tubig at natagpuan namin sa pampang ang isang matanda, nilalagnat at nag-iisa sa kaniyang kubo. Hindi matapus-tapos ang pasasalamat niya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home