Sunday, October 22, 2006

Kung Talagang Ukol

Para sa aking kaarawan, pinadalhan ako mula sa Amerika ng matalik kong kaibigang nanahan nang matagal sa New York, at dalubhasa sa pagreregalo, ng postcard ng “Manhattan,” isa sa mga pinakaborito kong pelikula ni Woody Allen. Dahil kulang ang tiwala namin sa koreong Amerikano't Pilipino, halos dalawang linggo kaming nangamba na hindi ito makarating sa akin. Ngunit kamakalawa’y natanggap ko ito--ang kauna-unahang inihatid ng koreo sa akin sa bago kong tahanan. Agad kong ikinuwadro ang postcard at isinabit sa dingding, sa itaas ng aking telebisyon.

Kanina, nataunan kong palabas sa TCM ang lumang-lumang pelikula, itim at puti pa, tungkol kay George Gershwin. At samantalang pinakikinang ng katanghalian ang matatayog na gusaling lagi kong tanaw mula sa aking bintana, ninamnam ko ang paksiw na ulo ng bangus—na napakataba ng tiyan at manamis-namis ang asim ng ampalaya—sa saliw ng “Rhapsody in Blue.”

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Bibisitahin ko si Inang (a.k.a. Viring) sa isang taon. Kung tanungin niya ako kung ano nga ba ang natapos kong kurso, sasabihin kong, heto po, dalubhasa na ako sa pagreregalo. Sabay abot ng Virginia Ham.

Hello from sunny Sarajevo.

12:09 AM  

Post a Comment

<< Home