Thursday, September 14, 2006

Ang Aking Inaanak

Nalulungkot daw ang inaanak ko dahil tinutukso, at sinasaktan, siya ng kanyang mga kaklase. At mangyari pa'y mabigat din ang puso ng kanyang mga magulang. Ano nga ba talaga ang kanilang magagawa?

Noong maliit ako'y madalas din akong tuksuhin. Masakit, at tandang-tanda ko pang lahat. Ang nakasagip sa akin noon ay pag-uwi ko'y damang-dama ko ang pagmamahal sa aking tahanan. At kahit walang nagawa ang mga magulang ko tungkol sa mga panunukso sa akin--kasi hindi ko naman talaga sinabi sa kanila--humuhupa ang sakit kapag hinahagkan nila ako, nilalambing, minamahal.

May mga kaibigan din naman akong mababait sa akin. At sa kung anumang himala--marahil naawa sila sa akin, o nagsawa na sa kaloloko, o namangha sa tatag ko, o may nagawa akong mabuti para sa kanila--ang ilang nanunukso sa aki'y naging kaibigan ko rin. Mayroon ngang matalik ko pa ring kaibigan hanggang ngayon.

Palagay ko'y ang mga panunuksong iyon, ang mga kababatang sumakit sa akin, ay nakatulong magpatingkad sa pagmamahal na dulot ng aking pamilya't mga kaibigan. Kaya maaaring ang mga panunukso at pananakit na iyon ay dahilan din kung bakit hanggang ngayo'y mahalagang-mahalaga sa akin ang aking mga kaibigan, at ang aking pamilya.

Alam kong maraming nagmamahal sa aking inaanak, at damang-dama niya ito palagi. Wala man kaming magawa, kaming mga nagmamahal sa kanya, para tumigil ang mga panunukso at pananakit, alam kong malaki ang nagagawa ng pagmamahal na ito sa pagpapatatag sa kanya, sa paghugot niya mula sa kanyang kalooban ng lakas na harapin ang anumang dapat harapin.

Kung nasa iisang bansa sana kami ng aking inaanak, yayakapin ko siya't kahit paano'y maiibsan ang kanyang lungkot, at ang sa akin.

3 Comments:

Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Maraming maraming salamat, Rofel.
pero ano po ang kahulugan nang salitang "humuhupa" na hindi rin alam nang asawa kong marunong naman magpilipino. Sabi ko sa yo, kailangan mo nang sidebar para sa talasalitaan...

9:41 PM  
Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Nakiki-blog ang lola.

Naiyak and lola at nagpapasalamat sa iyong sinulat. Ako'y narito sandali at magbabantay ng mga apo habang maglalakbay ang kanilang mga magulang. Sa palagay ko'y magpapalakas at makatutulong kay Coby ang kalungkutan na ito. Pero malungkot pa rin.

9:54 PM  
Blogger sandalilamang said...

Noelle, nagawan ko na ng paraan ang pagpapapasok ng comments. Wala nang hadlang.

Pero hindi pa ako marunong gumawa ng sidebar.

"Humuhupa: pumapayapa (kung bagyo halimbawa), lumiliit".

Meli, pakiyakap nang mahigpit sina Coby at Kaylee. Pakisabing mula sa kanilang Nino.

8:26 AM  

Post a Comment

<< Home