Wednesday, September 20, 2006

Sa Tren

Samantalang ineensayo ko sa isip ang gagawin ko sa mga klase ko sa araw na ito, napasulyap ako sa kasakay kong nakatayo sa aking harap, nakakawing ang kamay sa bakal na sabitan, nakahilig ang ulo sa braso, at matamang nagbabasa. Hindi ng munting peryodikong napupulot bago sumakay sa escalator. Isang aklat na natatakpan ng malaking sobre ang pabalat.

Gusto ko sanang silipin ang binabasa niya, para malaman kung ano ang nagpapakibot ng kanyang labi, minsa'y nagpapakunot ng kanyang noo, minsa'y nagpapangiti, minsa'y nagpapapikit na wari'y nasasarapan, minsa'y nagpapatitig sa malayo, sa kabila ng bintana ng tren, sa kabila ang mga tanawing mabilis na mabilis na lumalampas.

Natukso akong hindi bumaba sa aking dapat hintuan, panoorin na lamang ang kasakay kong nagbabasa, bumaba rin sa bababaan niya, sundan siya kung saan siya humantong, tuklasin ang iba pang magpapakibot ng kanyang labi, magpapakunot ng kanyang noo, magpapangiti, mapapapikit kapag nasasarapan, magpapatitig sa malayo, sa kabila ang anumang kanyang matatanaw, ng anumang mabilis na lalampas.

3 Comments:

Blogger Jason K. Dy, SJ said...

mga sandaling gusto mong sumabay
ngunit kailangang magpatuloy sa paglalakbay dahil malayo pa ang pupuntahan, may pangakong pang kailangang tuparin... (ala robert frost... "the woods are lovely dark and deep. but i have promises to keep. and miles to go before i sleep.")

welcome to blogshpere rofel!

jason,sj

2:48 PM  
Anonymous Anonymous said...

hello rofel!

marami na tayong "utang" na kwento. usap naman tayo minsan.

welcome to blogging!

8:49 PM  
Anonymous Anonymous said...

natutuwa akong dumarami ang mga mambabasa nitong blog mo.

baka nakatulong na mas madaling mahanap ang tagalog na blog.

o baka dahil kakaiba ang pangalang "sandalilamang."

halimbawa, subukan mong hanapin ang pangalang..."red"? siguradong aabutin ka ng siyam-siyam.

p.s.
gusto ko ring kalikutin ang pangalan ko.

katulad ni rio alma.

ano kaya...?

at bakit nga ba rio alma siya? bakit hindi...

a. "malario"?

b. "mariola"?

c. "ola, mari!"?

12:49 PM  

Post a Comment

<< Home