Friday, September 22, 2006

Ang Tagal Na

Noong 1985, lumabas ako ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon. Dinalaw ko ang mga kaibigan ko sa Bangkok, at tumigil nang dalawang linggo sa bahay nilang sinauna--pira-piraso raw itong inilipat mula sa lalawigan tungo sa gitna ng lunsod na maingay, buhay na buhay.

Isang gabi, dinala ako ng mga kaibigan ko sa Phat Pong. Palakad-lakad kami, patingin-tingin, at may mama sa labas ng isang club na nag-aanyayang pumasok ang lahat, sumisigaw, "Pakincho, pakincho..." "Ano raw?" tanong ng kaibigan ko. "Pakinggan mong mabuti," sagot ko. At pumasok nga kami't nanood. E di nakita namin ang hinahanap namin. Kinabukasan, dinala naman nila ako sa lumang lungsod. Sa Temple of the Emerald Buddha, nakita ko ang prinsesang ang larawan ay nakikita kung saan-saan--siya daw ang pinakasikat na dugong bughaw sa Thailand. Hindi raw sikat ang prinsipeng susunod sa trono dahil madalas ito sa mga lugar na maraming "pakincho".

Nang patapos na ang linggo, nagkotse kami papuntang Hua Hin, mga apat na oras, at inabot kami ng gabi. Sa daan, inasam kong makakita ng malalaking templo sa dilim, at sa pananabik pa lamang ay tumitindig na ang aking mga balahibo. Wala akong nakita. Kinagabihan sa hotel, napanagiginipan kong nakakita ako ng napakaraming templo sa bukang-liwayway. Nagising akong nakangiti.

Maagang-maaga akong bumangon at sa lobby ay may nakita akong karatula: "Catholic Mass". Itinanong ko kung saan at itinuro ako sa labas ng hotel, sa kabila ng daan. Pumunta ako sa malaking compound na puno ang mga puno't halaman, at natagpuan ko ang isang maliit na kapilya. Pagpasok ko'y may madreng nakaupo sa huling hilera, hubad ang tsinelas, at nakapatong ang paa sa luhuran.

Maya-maya pa'y sunud-sunod na pumasok ang mga binatilyong maiikli ang buhok, pare-pareho ang suot na t-shirt at shorts. Lumuhod sila't nagsimulang magdasal. Wala akong nakilalang salita kundi "Maria". At namalayan ko na lamang na punung-puno ang dibdib ko, at nangingilid ang luha ko.

Pagkatapos ng misa sa wikang hindi ko maunawaan, lumabas ako para bumalik sa hotel. Pero umaambon. Sumilong ako sa isang pergola sa tabi ng kapilya, at nagsulat sa dala kong kuwaderno. Nilapitan ako ng paring nagmisa, at nang malamang turista ako mula sa Pilipinas ay inanyayahang makipag-agahan sa kanila. Tuwang-tuwa siya nang malaman ang bayang sinilangan ko--nakapunta na raw siya doon. Inimbita niya ako sa misa kinabukasan, may malaking pagdiriwang daw. Dumalo ako.

Mahigit na dalawampung taon na iyon ngunit malinaw na malinaw pa sa aking gunita ang lahat. At buhay na buhay pa rin ang biyaya.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

ang ganda

1:17 PM  
Blogger sandalilamang said...

Salamat, Reps!

4:30 PM  

Post a Comment

<< Home