Monday, September 18, 2006

Kaarawan

Kaarawan ngayon ng matalik kong kaibigan.

Hindi ko tiyak kung guniguni ko lamang ito pero ang tanda ko'y wala pa kaming apat na taon nang una ko siyang makita. Dinala siya ng pinsan niyang kaibigan ng pinsan ko sa bahay sa tabi ng sa amin. Tuwang-tuwa ang lahat sa kanya kasi'y hindi siya marunong mag-Tagalog; sa Amerika kasi ipinanganak. Ewan ko kung may sinabi ako sa kanya.

Malinaw na malinaw pa sa gunita ko ang sumunod naming pagkikita. Unang taon sa mataas na paaralan, at bago ako doon. Siya'y doon nagtapos sa mababang paaralan. Habang lumilinya kami para sa pambansang awit, nakita ko siyang bumubulong sa katabi at itinututuro ako. Hindi ko na matandaan kung paano, at kailan, kami unang nagkausap pagkatapos noon.

Noong nasa ikatlong taon kami, madalas siya sa bahay para magpaturo ng geometry. Pagkaraa'y dumarating na lamang siya para makinig kami ng paborito niyang The Doors sa bago naming stereo samantalang kumakain kami ng shoestring potatoes at umiinom ng Coke. Samantalang lumalagok pagkanguya ng isang dakot na shoestring potatoes, hihintayin niyang maubos ang laman ng lata, titingin sa baso niyang puno pa ng Coke, at sasabihin bago uminom, "Ito ang paraiso."

Nagkasamaan kami ng loob noong ikaapat na taon. Hindi kami nagkausap hanggang magkaiba na ang aming mga kolehiyo, kaibigan, at hilig. Kung anu-ano ang narinig ko tungkol sa kanya. Nag-asawa siya at hindi ako inimbita sa kasal. Lumipat sila sa Amerika. At natuklasan ko na lamang na pinsan ng asawa niya ang kasintahan kong di-naglaon ay nakahiwalay ko naman.

Noong 33 ako't 32 siya, nagkita kami sa Amerika. Sinalubong niya ako sa paliparan at halos hindi ko siya makilala. Ilang araw ang nakaraan, naghapunan kami sa bahay niya't nakilala ko ang kanyang asawa, na mabilis kong nakaibigan. Mula noon, dalawampung taon na ang nakakaraan, walang mintis ang pagkikita namin pag dumadalaw ako doon at sila'y dumadalaw dito. Magkaharap man o sa telepono o email, nagkukuwentuhan kami ng kung anu-ano, nagsasalo sa lungkot at saya.

At tiyak na kaming kahit matagal kaming hindi magkita o magkabalitaan, patuloy pa ring titibay ang aming pagkakaibigan.

Maligayang kaarawan. Maligayang-maligaya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home