Tuesday, January 23, 2007

Kaarawan

Kahapo'y nag-91 si Inay. Dahil sa dami ng trabaho ko, nalimutan kong kaarawan niya nang tawagan ko siya. Ipinaalala pa niya sa akin.

Nitong nakaraang Biyernes ng gabi, naghapunan kami sa bahay para ipagdiwang ang kaarawan niya at magpaalam sa bunso kong pamangkin na lilipad na tungo sa Amerika kinabukasan. Ayaw na ni Inay na magsalu-salo sa mismong kaarawan niya--malulungkot lamang daw siya dahil kulang na kami. Masaya nga kami nitong Biyernes. Pinatawa kaming lahat ni Itay nang sabihin niyang sasama siya sa Amerika. Sandaling umiyak si Inay pero idiniin niyang masaya rin siya para sa aking pamangkin.

Nitong Sabado ng umaga ay sumama ako sa mga magulang niya't nakatatandang kapatid paghahatid sa airport. Mangyari pa, may iyakan. Umiiyak pa rin nga ang kapatid niya nang paalis na kami sa airport. Malungkot na malungkot ako, kahit alam kong ang paglisang ito, at ang bagong buhay sa ibang bansa, ang matagal ng inaasam-asam ng aking pamangkin.

Kahapon, pagkatawag ko kay Inay, maghapon akong nakipag-usap sa mga estudyante tungkol sa mga kursong kukunin nila sa mga darating na semestre. Magulong trabaho ito, at nagulat ako na hindi ako nataranta--ang bait ko pa nga sa kanila. Tingin ko tuloy talagang ihihanda ako para sa simula ng pag-aaral ko ng Taichi kinahapunan.

Mahigit sa dalawampung kapwa guro ang kasama ko sa leksiyon. Ipinaliwanag muna sa amin ang mga prinsipyo at pamamaraan ng Taichi, kaya matamang-matama kaming sumunod nang turuan na kami. Pagkaraan ng isa't kalahating oras, naglakad ako papuntang estasyon ng tren nang masiglang-masigla, sabik na sabik sa kung anong hindi ko matukoy.

Ganoon pa rin ako pagdating ko sa aking tahanan. At pagkahapunan ko'y inensayo ko pa ang natutunan ko. Pagkaraan, samantalang nanonood ako ng TV, ka-text ko ang kapatid ko--ikinukuwento niya kung gaano kasaya ang pamangkin ko sa Amerika. Sinabi rin niyang dinalaw nila ng panganay niya sina Inay at Itay nang hapong iyon.

Nagdasal ako nang taimtim bago matulog. At kaninang umaga'y masigla rin akong nagbiyahe papasok sa trabaho. Hanggang ngayo'y nanabik pa rin ako, sa kung ano'y hindi ko pa rin mapiho.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home