Monday, January 15, 2007

Pistang Bayan

Pista ngayon sa bayan kong sinilangan.

Noong nasa unang taon ako ng mataas na paaralan, apatnapung taon na ang nakakaraan, naniwala kaming magkakaklase sa guro naming pari na walang kahulugan ang nakagawian naming pagdiriwang ng pista kundi pagyayabangan sa paghahanda at, para sa marami, pagkabaon pa sa utang dahil nga sa kayabangang ito. Hindi na raw ito pagpaparangal sa santong pintakasi ng aming bayan. At kasama ng mga guro at iba pang mag-aaral ng aming mataas na paaralan, nagmartsa kaming may dala pang mga plakard pupuntang munisipyo para igiit na dapat nang ipagbawal ang pista. Nakinig pa ang ilan sa amin sa mga konsehal na magtalu-talo tungkol dito pero wala na na akong maalala sa anumang pinag-usapan nila. Ilang buwan pagkalipas nito, natuloy ang pista sa amin at, mangyari pa, nagsama-sama kaming magkakaklase't namasyal sa buong bayan upang makipagdiwang, at kumain nang kumain, sa kung kani-kaninong bahay.

Kahapon, naghanda kami nina Inay at Itay sa aming tahanan ng tanghalian na inihaw na tilapia, kulawo, sinaing na tulingan, nilabong alimango, pritong galunggong, ihihaw na manok, ensaladang itlog na pula at kamatis, katas ng buko, at chocolate cake para sa sampu kong kaibigan mula sa mataas na paaralan--ang dalawa'y dumadalaw mula sa Amerika. Kinahapuna'y nanood kami, mula sa balkonahe ng tahanan ng kapatid ng isa sa kanila, ng timpalak ng sayawan mga mag-aaral sa kalye, at nagkuwentuhan nang nagkuwentuhan tungkol sa mga dati at bago naming mga pakikipagsapalaran.

Bago lumubog ang araw ay nagpaalaman kami't nangakong sisikaping muling magsama-sama para magkuwentuha't kumain, bago pa man dumating ang pista sa isang taon.

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

sir!nabasa niyo na ba yung personal ni rene villanueva? kapag fiesta naman sa amin, laging may nagpapatayan pero wala namang namamatay.

5:02 PM  

Post a Comment

<< Home