Tuesday, November 07, 2006

Hapunan

Bago pa ako magsimba kaninang a las sais ng hapon ay naipasya ko nang maghapunan sa Italian restaurant sa tabi ng aking parokya. Dinala ko pa nga ang Under The Tuscan Sun para may mabasa ako habang hinihintay ang oorderin kong spaghetti na iginisa sa olive oil, bawang at paminta.

Pagkatapos nga ng misa ay tumuloy ako sa restaurant. Limang tao na ang nauna sa akin sa pila sa pag-order ng pasta at dahil likas akong mainipin, lumabas ako’t naglakad palayo. Pero bago ako makalampas sa simbahan ay bumalik ako sa restaurant. At kahit mas marami nang nakapila bago sa akin, naghintay pa rin ako. Pagka-order ko’y tinulad ko pa ang gawi ng kaibigan kong ang pagkai’y sintaimtim ng pagdarasal—nagdala ako sa mesa ko ng maliit na garapon ng tinuyong paminta at maliit na bote ng olive oil.

Umupo ako’t binuklat ko ang dalang libro. Maingay sa paligid—puno ang lugar—at nang basahin ko ang pagtikim ng manunulat sa katas ng mga bagong pisang olive, inisip ko na lamang na Italyano ang naririnig kong usapan.

Biglang bumuhos ang ulan—malakas na malakas. Dahil fiberglass ang bubong ng restaurant, lalong lumakas ang patak at nalunod ang lahat ng tinig. At nang tumingala ako’y nakita kong dumudulas ang ulan. Tumigil na akong magbasa, at nagmasid na lamang ng mga taong wari’y mga tauhan sa isang pelikulang walang tunog.

Nang dumating ang order ko’y binudburan ko ito ang tinuyong sili at olive oil. Taimtim akong sumubo, dahan-dahan. Ninamnam ko ang bawat nguya, maging ang bawat lagok ng tubig na may yelo. Bago ko maubos ang spaghetti at ang tinapay na may basil at olive oil, tumila ang ulan. Kaya nag-lemon sherbet muna ako bago umalis.

Naglakad akong nakangiti ang puso. Ni hindi ko iniwasan ang mga lawa-lawaang iniwan ng ulan sa bangketa. At nang mapatingala ako’y nahuli kong waring nakaluklok sa tuktok ng gusaling aking uuwian ang buwang bilog na bilog, pinalalamlam ang sinag ng nagwawatak-watak nang ulap-ulan.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

sir!naalala ko yung kuwento mo dati sa amin. yung kapag may nakikita kang tagpong intense, may gumuguhit na kiliti sa inyong bumbunan. :D

12:29 PM  
Blogger sandalilamang said...

Oo nga, pero gumuguhit sa noo, hindi sa bumbunan. Nangyari kanina lang sa LRT habang pinanonood ko ang kaharap kong nagbabasa nang bumubuka-buka ang bibig at pangiti-ngiti pa.

9:18 AM  

Post a Comment

<< Home