Wednesday, November 29, 2006

Linggo

Nitong nakaraang Linggo, nasumpungan kong magsimba nang tanghali. At natuklasan kong may mga binyag sa misang iyon. Una'y naisip kong masyadong mahaba ito. Pero hindi ako umalis. At sa halip na mainip (at likas akong mainipin), nasiyahan ako sa panonood ng mga binyag--sampung bata ang isa-isang binuhusan ng tubig sa bumbunan, pinahiran ng langis, at kinunan ng larawan kasama ng mga ninong at ninang. Palagay ko'y nakadagdag sa kasiyahan ko ang nakita ko bago nagsimula ang misa: pinagtutulungan ng isang tatay at nanay na palitan ng lampin ang kanilang anak. Naalala ko ang mga sanggol na napalitan ko na ng lampin, lalo na ang mga anak ng ate ko't bayaw. Ngayo'y nagsisikap nang magkaanak ang panganay kong pamangkin at ang misis niya. Ang bunso nama'y malapit nang umalis para makipagsapalaran sa ibang bansa.

Kinahapunan naman, dumalo ako sa isang kasal na Muslim sa isang hotel. Dalawampung taon pa lamang ang prinsesang ikinasal; kasing-bata niya ang kaklaseng napangasawa. Ang ganda nilang tingnan; parang mga tauhan sa isang marangyang pelikula. At naalala ko ang kauna-unahang kasal na Muslim na dinaluhan ko, mahigit na dalawampung taon na ang nakakaraan--ang kasal ng tiya at tiyo ng prinsesang ito, matatalik kong kaibigan, magkakapatid na nga ang aming turingan.

Pagkatapos ng pagdiriwang, tinanggihan ko ang alok nilang ihatid akong pauwi sa kanilang kotse, tulad ng nakagawian na namin tuwing lalabas kami sa gabi. Iilang kalsada naman ang layo ng tahanan ko, at maaliwalas ang gabi. Inilupi ko na lamang ang manggas ng aking barong-Tagalog, at mag-isa akong naglakad pauwi. Masiglang-masigla. Nakangiti.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home