Saturday, November 11, 2006

Sa Paligid ng Lawa

Pagkaraan ng halos isang taon, naglakad akong muli sa paligid ng lawang malapit sa tahanang aking sinilangan (oo, sa bahay na kapatatayo lamang ng aking mga magulang ako ipinanganak--sa noo'y silid ng Lola ko at ngayo'y siya kong tulugan).

Noong malakas pa si Itay, araw-araw siyang lumilibot sa lawa kasama ang tatlo kong ninong hanggang isa-isang yumao ang mga ito. Pagkaraa'y isang bagong kaibigan (Intsik na lagi niyang binibirong Komunista) ang kasa-kasama niya; yumao na rin ito ilang taon na ang nakakaraan. Ngayo'y natatanaw na lamang ni Itay ang lawa kapag ipinapasyal ko siya sa kanyang wheelchair.

Noong tumigil ako sa kolehiyo nang isang taon, madalas kaming umikot sa lawa ni Inay--noon ko narinig ang tungkol sa paglaki niya sa hirap, ang panliligaw sa kanya ni Itay, ang pagsisimula ng aming kabuhayan. Matagal-tagal na ring hindi nakakagawi sa lawa si Inay; bihira na nga siyang lumabas ng bahay.

Naglalakad na rin ang Ate ko't bayaw sa paligid ng lawa kung umaga, ngunit bihira kaming magkasabay dahil hindi na iisa ang aming tahanan.

Tabi-tabi pa rin ang mga iskwater sa paligid ng lawa. Tulad ng dati'y pinilit ko na lamang hindi indahin ang sari-saring ingay at amoy. Tapos na ang dalawang malaki't magarang bahay sa burol na nakatanaw sa lawa. Sa di-kalayuan sa mga ito'y may bahagi ng burol na dumausdos ang lupa't umabot sa pampang.

Maraming naglalakad kanina ngunit iilan ang kilala ko. Ang isa ngang kasalubong ko'y nakalampas na nang ilang hakbang sa akin nang isigaw ang aking pangalan. Asawa siya ng kaibigan kong nagpasyal sa akin sa California nitong nakaraang Mayo--tatlong taon na silang kasal pero wala pa yatang kalahating taon silang nagkakasama. Kasunod niya ang nakababatang kapatid ng malapit kong kaibigan sa high school. Tinanong ako nito kung kailan ako dumating--ang akala yata ng ilan sa bayan nami'y sa Amerika na ako nakatira.

Pagkaraan ng maraming hakbang, nakasalubong ko ang kaibigan ng Ate ko noong nasa mataas na paaralan at kolehiyo sila. Madalas siya sa aming bahay kaya naging kaibigan ko na rin. Magaling siyang kumanta at maggitara; magalang at galante. Nanligaw siya sa Ate ko noon ngunit kahit naguguwapuhan nang husto ang Ate ko sa kanya, hindi siya sinagot dahil napakapalikero. Nang magkatrabaho ang Ate ko'y bihira na silang nagkasama. Pagkaraa'y nabalitaan namin na nalulong siya sa droga, nawalan ng trabaho, naging istambay na lamang sa kanto. Nakikita ko siya noon, nagbibisikleta at parang walang kilala. Ngayo'y mataba na siya't malaki ang tiyan, wala nang kabakas-bakas ng binatang nakaakit nang sandali sa Ate ko. Kanina, malayo pa siya'y nakangiti na sa akin. At nang magkalapit kami't batiin ko siya, sinabi niya nang malakas ang palayaw kong para sa mga kamag-anak at matalik na kaibigan lamang.

Ngayo'y haharapin ko na ang almusal na paborito namin nina Inay, Itay at Ate maging noong maliit pa ako: pritong tuyo, sawsawang suka't bawang, malasadong itlog, at sinangag.

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

hello rofel,

we live in the same city now. :-) just transferred this morning. bisita ako sa 'yo one of these weekends.

3:35 PM  

Post a Comment

<< Home