Monday, September 17, 2007

Muling Pag-uwi

Nitong Sabado, sumabay ako sa isang kaibigan sa pag-uwi sa mga magulang ko. Dinalaw din niya ang ina niyang halos kasing tanda ng aking mga magulang at nakatira malapit sa aming bahay. Minsan nga raw ay sinabi nito kay Inay, "Mabuti ka pa, dadalawa ang anak mo pero palagi mong kasama. Ako, pito ang anak ko pero dadalawa na ang dumadalaw sa akin."

Tulad ng kinagawian, pagkarating ko sa bahay ay ibinaba ko ang bag kong puno ng palalabhan, humalik kay Inay, pumunta sa kuwarto ni Itay, isinakay ito sa wheelchair at dinala kay Inay. Nagmeryenda kami't nanood ng TV. Nang magpabalik si Itay sa kuwarto niya at umidlip si Inay sa silya sa komedor, mag-isa akong nanood ng TV sa sala. At may nag-text--inatake raw sa puso at sumakabilang-buhay ang ama ng isa kong kaibigan. Agad akong nag-text para makiramay, at agad ding sinagot ng pasalamat.

Sabay-sabay kaming nananghalian nina Inay at Itay, at sabay-sabay ding natulog nang tanghali. Kinahapunan, dinalaw ko ang pamangkin ko't Ate sa kani-kanilang tindahan. Inimbita kong maghapunan sa bahay ang pamangkin ko; dumating naman siya kasama ang kanyang asawa. Kaya masaya kaming kumain nang sabay-sabay, kasama sina Inay at Itay.

Kahapon ng umaga, ipinasyal ko si Itay tulad ng dati. Mula sa simbahan, dinala ko siya sa mas malayo--sa plasa na matagal na rin niyang hindi nakikita. Pagdating namin sa bahay, kumusta siya ni Inay, at nakangiti siyang sumagot, "Mabuti naman." Iniwan ko silang nagtitinginan nang magiliw.

Kinahapunan, umiyak si Inay nang magpaalam ako. Niyakap ko siya't tinanong kung bakit. "Kasi mahal kita," sabi niya.

Natutulog na nang tanghali si Itay kaya hindi ko na ginambala.

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Haaay Rofel! Labis akong naantig sa sinulat mong ito. Nanabik tuloy ako sa aking mga magulang.

7:18 AM  

Post a Comment

<< Home