Wednesday, September 26, 2007

Mga Kaibigan

Maliit pa ako'y pinalibutan na ako ng mga kaibigan. Una'y mga kaibigan ni Itay na paminsan-minsa'y nag-iinuman sa amin. May retrato ngang kuha noong ika-lima kong kaarawan. Karga ako ni Itay at napaliligiran kami ng mga kabarkada niyang may hawak na basong may alak o bote ng serbesa. Nakasimangot ako. Sabi ni Itay, galit ako kapag nakikipag-inuman siya.

Nang magdalagita ang Ate kong apat na taon ang tanda sa akin, halos araw-araw ay nasa amin ang kanyang mga kaibigan--nagkukuwentuhan, naglalaro ng kung anu-ano, nagkakantahan, nagliligawan. Hinahayaan nila akong manood, at kung minsa'y pinasasali sa kanilang ginagawa. Ramdam ko'y kabarkada na rin nila ako.

Noon mag-high school ako, naging tambayan din ng mga kaibigan ko ang aming bahay. Hanggang kusina ang mga kaklase ko, malayang kumakain ng anumang makita nila doon. Tuwang-tuwa naman sina Inay at Itay kasi hindi ako pagala-gala sa kalye at tumatambay sa kanto. Madalas pa ngang sabay-sabay kaming mag-aral ng mga kaklase ko sa aming sala. Pero, siyempre, minsan, tumutulad din kami sa ibang barkada--nagkukuwentuhan din kami sa kanto at naghihintay ng magagandang dadaan. At tuwing ganito, binibiro nila ako: "Tuwang-tuwa ka, ano? Kanto boy ka na rin!"

Pero hindi nila ako mapilit manigarilyo. Hindi nila alam, nakakapanigarilyo ako sa bahay paminsan-minsan. Ang sabi kasi ni Itay, na noo'y nakakadalawang pakete ng sigarilyo araw-araw, mas mabuti kung nakikita niya ako. Hindi raw puwede sa labas ng aming bahay.

Takang-taka tuloy ang mga kaibigan ko na kapag nakakasalubong namin si Itay sa kalye, hindi ako nagmamano sa kanya. Sa halip, agad ko siyang hinahalikan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home