Tuesday, April 10, 2007

Mahal na Araw

Nakagisnan ko nang taun-taon, tuwing Mahal na Araw, pinanonood namin ng Ate ko sina Inay at Itay samantalang binibihisan nila ang aming Mater Dolorosa para maiprusisyon ito sa Biyernes Santo. Bunsong anak si Itay kaya siya ang nagmana ng gawaing ito.

Noong maliit pa ako'y maliit pa rin ang birhen. Kahoy ang katawan nito, at ni wala itong mga paa--sa ibaba ng baywang nito'y may mga piraso lamang ng kahoy na nagpapakambang ng palda. Pero ang ganda-ganda ng mukha nito, at ang pinu-pino ng mga daliri ng kamay na pinagdadaop. May mga luha itong kristal na inaalis ni Inay tuwing Sabado de Glorya dahil ito rin ang sasalubong kay Kristo sa madaling araw ng Pasko ng Pagkabuhay.

Noong nasa mataas na paaralan ako, nagpagawa si Itay ng mas malaking birhen, na may mga paa na rin. Hindi ko nagustuhan ang bagong mukha (na hindi na natatanggal ang mga luha) at mga kamay (na magkakasalikop na ang mga daliri), pero hindi na ako nagreklamo. Itinago ko na lamang ang lumang ulo at kamay at inilagay ang mga ito sa estante ng mga libro ko.

Nang magtapos na ako ng kolehiyo at nagtrabaho sa aming bayan, sinimulan na ni Itay na ilipat sa akin ang pagbibihis ng birhen--ako kasi ang bunso. Nang magkasakit siya't hindi na gaanong makakilos, ako na lamang ang nagbibihis nito; tinutulungan na lamang ako ni Inay. Noong magtrabho ang bunso kong pamangkin sa aming bayan, sinimulan kong itulong siya sa gawain. Ngunit nitong Enero'y nangibang-bayan na siya at malamang na hindi na umuwi.

Nitong Miyerkoles Santo ng umaga, pinanood ako ni Itay na bihisan ang aming birhen. Noong Biyernes Santo, naupo sina Itay at Inay sa harap ng aming bahay at hinintay ang prusisyon, may kandilang nakasindi sa mesita sa harap nila.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home