Friday, April 20, 2007

Sine

Malamang ay wala pa akong apat na taon noon. Buhat ako ni Itay at umakyat kami sa ikalawang palapag ng sinehan. Hinihintay na raw kami sa loob nina Inay at Ate.

Noon lamang ako nakapasok doon kaya mahigpit ang yakap ko kay Itay. Makipot ang pasilyong daanan ng hagdan, maliwanag na maliwanag. May naririnig akong usapan at musika, parang iyong mula sa radyo sa kuwarto ni Lola sa ibaba pag matutulog na kami sa itaas at gusto naming marinig ang pinakikinggan niya.

Nakarating kami sa harap ng kurtinang itim—mukhang napakakapal ito. Hinawi ito ni Itay at pumasok kami sa dilim. Paglingon ko’y nakita ko ang napakalaking kamay na tumitipa sa piano. Takot na takot ako. Humikbi ako’t lalong kumapit kay Itay. Naramdaman kong lumapit na si Inay, kinukuha ako. Hindi ako sumama. Umiyak ako nang malakas, at dali-dali akong inilabas ni Itay.

Ilang linggo pagkaraan noon, napapayag ako ni Inay na sumama sa kanya sa sinehan. Pagpasok nami’y maliwanag ang screen kaya hindi ako natakot. May mga batang naglalaro sa paaralan, kaya naaliw ako’t nanood, kalong ni Inay. Nakatulog ako ngunit biglang nagising nang makarinig ng mga sigaw. At nakita kong nagtatakbuhan sa screen ang maraming bata, palayo sa paaralan nilang nasusunog. Humiyaw din ako’t umiyak. Inalo ako ni Inay pero lalo akong umiyak, malakas na malakas. Kinarga niya ako’t inilabas, at nakita kong may mga taong nakatingin, at tumatawa, sa amin.

Mula noo’y hindi na ako napapayag na manood ng sine. Nakikinig na lamang ako sa mga kuwento nila, tulad ng umiyak nang umiyak ang pinsan ko sa malungkot na palabas, at nang tanungin nila kung bakit ay sinabing nawawala ang panyo niya. Kahit nang mag-Grade One ako’y hindi pa rin ako nanonood ng sine. Hindi ko inaamin sa mga kaklase ko pero kutob ko’y nahalata na nila—hindi kasi ako makasali sa kanilang kuwentuhan.Ewan ko kung bakit pero isang araw ay napa-oo ako ni Ate na manood ng sine, kasama ang iba naming pinsan. “Wedding Bells” ang pamagat, pelikulang Tagalog, at black and white pa. Masaya ito, at tawa kami nang tawa. Talagang nagustuhan ko nang husto!

At noon nagsimula ang pagkahumaling na kailanma’y hindi ko pinagsisihan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home