Monday, January 25, 2010

Kaarawan ni Inay

Nagdiwang ng kanyang ika-94 kaarawan si Inay nitong nakaraang linggo. Ayaw niya ng handaan, ngunit siyempre nagsalu-salo kami nina Itay, Ate ko't bayaw, at ang kanilang mga anak, manugang at apo, sa bahay.

Kahapon, nagbibilin si Inay tungkol sa kung anu-ano sa bahay. Matagal na niyang ginagawa ito--kasi hindi na raw naman siya magtatagal. Sabi ko, hindi naman siya ang makapagsasabi kung hanggang kailan siya mabubuhay; nananatili siya sa aming piling dahil ito ang kaloob ng Diyos. At inulit ko lagi kong sinasabi, narito pa sila ni Itay dahil patuloy nila kaming tinututuruan kung paano magmahal nang tunay.

Wednesday, January 06, 2010

Isabella

Isinilang si Isabella, ang bago kong apo sa pamangkin, siyam na araw pagkaraan ng ika-limampu't anim kong kaarawan. Mangyari pa'y wala kaming pagsidlan ng tuwa. Malusog siya't napakaganda.

Wala pa siyang limang araw ay nabuhat ko na siya. At nang maopsital ang kanyang ina dahil sa kaunting kumplikasyon, magdamag akong kasama ng kanyang ama, yaya at Kuya Matt. Halos hindi ako makatulog--sa kanan ko'y si Isabella sa kuna, sa kaliwa ko sa kama'y si Matt. Malakas pa ang bagyo noon at paminsan-minsa'y nawawalan ng koryente. Ilang ulit kong kinarga si Isabella, at pinatulog pa sa aking dibdib.

Ngayo'y sinusundan na ng mga mata ni Isabella ang kilos namin. Ngumingiti na siya kapag kinakausap. Maya-maya pa'y makakatagilid na siya, makakadapa, makakagapang. Pero maya-maya pa iyon. Ngayo'y ninanamnam pa namin ang bawat ingit niya, bawat ngiti, bawat pahiwatig na nais na niyang tumagilid.

Tatlong Tahanan

Isang buwan na ako sa bago kong tahanan.

Salamat sa mababait na kaibigan, nakabalik na ako sa kapit-bahayang tahanan ko nang ilang dekada bago ako lumipat sa munti kong tahanan sa matayog na gusali dalawang sakay ng tren ang layo sa aking unibersidad. Ngayo'y may silid din ako, banyo, at kusina--lahat ay kumpleto ang gamit--dalawang bloke lang mula sa trabaho. At malapit na naman ako sa matatalik na kaibigang kapwa-guro ko sa pamantasan.

Ang maganda nito'y hindi ko kinailangang iwan ang tahanan ko sa matayog na gusali. Naroon pa rin ako sa mga araw na hindi ko kailangang pumasok sa unibersidad. Patuloy pa rin akong nakapaglalakad-lakad sa malalapit na liwasan at pamilihan, nakapanonood ng sine, nakakatagpo ang mga kaibigan sa iba't ibang kainan.

At, mangyari pa, sa pagtatapos ng bawat linggo, umuuwi ako sa tunay kong tahanan--sa aking mga magulang, kapatid, pamangkin, apo. Dalawa na ang apo ko. Nasasambit na ng panganay ang nais kong itawag niya sa akin; napangingiti ko na ang bunso.

Tatlo na ang aking tahanan. At sa bawat isa'y panatag na panatag ako. Maligayang-maligaya.