Wednesday, June 27, 2007

Trabaho

Nagsimula na naman ang klase, at subsob na naman ako sa trabaho. Kahit kasi ilang taon ko nang itinuturo ang mga kurso ko ngayon, mahabang panahon pa rin ang ginugugol ko bago ako pumasok. At gabi na akong makauwi. Wari'y parusa ang trabaho ko. Kaya nga ngayon lamang ako muling nakapagsulat dito.

Kanina, samantalang naglalakad ako patungo sa estasyon ng tren, naisip ko na wala akong ibang pinagkakaabalahan ngayon kundi ang trabaho ko (at ang aking mga magulang). Sabi ko sa sarili ko'y kailangan kong maghanap ng ibang gagawin--lumikha ng kung anuman, galugarin ang kung saan-saan, maibaling ang tuon sa ibang bagay.

Ngunit kanina lamang, samantalang muli kong binabasa ang mga sanaysay na ilang taon ko nang tinatalakay sa klase at inihahandang ituro ito sa mga estudyanteng hindi ko pa gaanong natatarok ang kabihasnan sa wika, sumangguni ako sa diksiyunaryo para matiyak na tama ang inaakala kong kahulugan ng mga katagang paulit-ulit ko nang nabasa. At nakatuklas ako ng mga ilang bagay; nanabik ako't natuwa na may bago kaming matatalakay sa klase. At muli kong namalayan ang noon pa'y alam ko na ngunit paminsan-minsa'y nakakaligtaan: gusto kong magturo hindi lamang dahil nasisiyahan ako sa pagtuklas at muli't muling pagkatuto, kundi dahil nakatutulong rin ako sa mga estudyante ko na makatuklas ng kung anu-ano sa kanilang paligid at kanilang sarili.

Ngunit mangyari pa'y maghahanap pa rin ako ng iba pang makabuluhang mapagkakaabalahan-- ng iba pang makatutulong din sa akin at sa mga estudyante ko na makasulong tungo sa dapat naming marating.

Sunday, June 10, 2007

Kaibigan

Sa loob ng nakaraang tatlong linggo'y dalawang beses kong nakita, nang hindi sinasadya, si M. Noong una'y binati ko siya't binanggit ang kanyang pangalan; ngumiti lamang siya sa akin. Nitong pangalawa'y nauna siyang bumati sa akin at binanggit na ang pangalan ko; binati ko rin siya. Ganoon lamang.

Malapit kong kaibigan ang kanyang mga nakatatandang kapatid, kaya wala pa siyang sampung taon nang magkakilala kami. Matalino't mausisang bata siya noon, at nagkasundo kami kaagad. Sa ibang bansa siya nag-aaral; bihira kaming magkita pero naging magkaibigan rin kami. Noong nasa mataas na paaralan siya, sumakabilang-buhay ang kanyang ama at isinama ako ng kapatid niya para salubungin siya sa airport. Nakasama niya, nila, ako sa pangungulila at pagbangon mula sa trahedya. Mula noo'y lalong umigting pagkakaibigan namin ni M at ng kanyang mga kapatid.

Nang mag-aral si M sa unibersidad na pinagtuturuan ko, nangibang-bayan ako nang mahigit sa isang taon. Pag-uwi ko'y bihira na kaming magkausap. Nang magtapos siya'y hindi ko na siya nakita. Nabalitaan ko na lamang na kung anu-anong gusot ang sinuong niya. Nang sa wakas ay nagkita kaming muli, limang taon na ang nakakaraan, halos hindi ko siya nakilala dahil tumaba siya nang husto. May bakas pa rin ng kabataan ang mukha niya, pero mukha siyang batang napilitang tumanda. Ipinakilala niya ako sa kanyang kasintahan, na balita ko'y kasambahay na rin niya. Matagal kaming muling hindi nagkita. Nabalitaan ko na lamang na may negosyo na silang dalawa.

Hindi ko pa rin mapiho kung bakit hindi ko man lamang sinubok na kumustahin siya nitong huli kaming magkita.

Wednesday, June 06, 2007

Tuwa

Nitong nakaraang Linggo, mahigit sa limampung tao ang nagtipun-tipon para makinig at manood ng mga awit, himig, sayaw at tula sa inn na laging nag-aanyayang maging tahanan.

Masaya ang lahat, ngunit walang kapantay ang galak naming mga nagtanghal--mga matagal na, at bagung-bagong, magkakaibigan. Umigting ang aming pagmamahalan, at malinaw na nadama ito ng mga nakasama namin noon.

Napaiyak nga ang Ate ko sa tuwa.