Monday, March 05, 2007

Kulay

Nitong Sabado nang umaga, ipinakilala sa akin ng isang kaibigan ang nakababata nitong kapatid. Ang sabi niya, "Nagkikita na tayo dati." Sa unibersidad daw. Pero hindi ko maalala kung kailan. Kaya pinagtingnan ko siya nang mabuti hanggang may waring kumislap sa gunita ko. At tinanong ko siya, "Nagkukulay ka ba dati ng buhok?"

Noon kasing nakatira pa ako malapit sa unibersidad, may lagi akong nakikitang estudyante, paglalakad ko sa umaga, na madalas magbago ng kulay at ayos ng buhok--minsa'y mahaba't asul, minsa'y maikli't rosas, minsa'y may mas mahabang berde sa gitna ng itim. Hangang-hanga ako sa kanya. Noong kasing-bata niya kasi ako'y hanggang balikat ang kulot at manipis ko nang buhok, pero kailanma'y hindi ko ito napakulayan--hindi ko naguniguning magagawa ko iyon. Pero hindi ko nakausap ang estudyanteng iyon--hindi ko nasabi sa kanyang naiinggit ako sa kanya dahil halos wala na akong buhok na makukulayan.

Ngumiti at tumango nga itong bagong kakilala ko. Tuwang-tuwa ako kasi sa wakas ay nakausap ko na siya. Sabi niya'y pumupunta pa siya sa parlor para magpakulay, at mahapdi raw ito. Sinabi kong hangang-hanga, at inggit na inggit, ako sa kanya. At itinanong ko kung bakit nga ba siya palit siya nang palit ng kulay at ayos ng buhok. "Kasi alam kong pag nagtatrabaho na ako'y hindi ko na puwedeng gawin," sabi niya, "kaya nga noong tanggapin ko nga ang diploma ko'y pulang-pula ang buhok ko."

Ngayo'y itim na lamang ito. Ngunit may pinapapalitan pa rin siya ng kulay buwan-buwan: ang manipis na lastiko ng braces ng ngipin niya. Kitang-kita nga naman ito tuwing ngumingiti siya. At palagi siyang nakangiti.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home