Thursday, November 17, 2011

Si Itay at si Lola Guelang

Isang linggo makaraang ipagdiwang namin ang ika-94 na kaarawan ni Itay, sinabi sa akin ni Inay, 95, na nagpatulong siya sa kanyang alalay na umakyat sa ikalawang palapag (tawag nami'y "itaas") ng aming bahay. Ilang taon na niyang hindi nagagawa iyon. "Mula ngayo'y mas madalas na akong maglalakad-lakad," sabi niya. At nagkuwento siya nang nagkuwento tungkol sa kanyang kabataan at pagdadalaga; marami'y narinig ko na, ang ila'y bagung-bago. Nanghinayang nga ako na hindi ko naihanda ang kamera ko--gusto ko siyang kunan ng video, pero ayoko namang putulin ang kanyang pagkukuwento. At malamang na hindi niay ako payagang mag-video--marami sa sinabi niya'y para lamang daw sa aking pandinig. Nasa likod niya si Itay, pero ipinagpalagay namin na hindi naman ito talagang nakikinig. Nagkamali kami.

Nang ikuwento ni Inay na sa simula'y ayaw kay Itay ni Lola Guelang, ang ina ni Inay, dahil sugarol ito, hindi ko pa rin pinapansin si Itay. Nahimatay pa nga raw si Lola nang sabihin ni Inay na gusto na niyang magpakasal kay Itay. Ngunit idinagdag ni Inay na di-naglao'y minahal na rin ni Lola si Itay. Sa amin nga tumira si Lola (sa kuwarto niya ako isinilang, at sa kuwartong ito ako natutulog ngayon). Pinakiusapan pa nga raw ni Lola si Inay na payagan nang magsugal si Itay. "Kawawa naman," ang sabi pa raw nito. At nakita nga raw ni Inay kung gaano kamahal ni Itay si Lola; marahil daw ay dahil na rin maagang namatay ang ina ni Itay, ang inang mahal na mahal nito.

Tiningnan ko si Itay at nakitang umiiyak. At naalala kong mula nang magkasakit si Itay halos sampung taon na ang nakakaraan, lagi siyang umiiyak kapag naririnig ang pangalan ni Lola Guelang.

Thursday, August 18, 2011

Libro, at iba pa

Magkakaroon ako ng ikaapat na libro. Nasa limbagan na. Narepaso ko na nga ang inedit na kopya. Dapat ay pakitaan na ako ng limbagan ng disenyo ng pabalat, pero wala pang nakakarating sa akin.

Samantala, nagsasalin ako ng mga tulang Tagalog ko tungo sa Ingles. Magsusulat din ako ng sanaysay tungkol sa karanasan ng pagsasalin, at inaasahan kong mailathala ang sanaysay at mga tula bilang isang buong aklat.

-----

Pumapasok na sa iskuwelahang munti ang panganay kong apo sa pamangkin. Sinamahan ko nga minsan. Ang kapatid naman niya'y mas marami nang alam na salita, at laging gustong gawing mag-isa ang anumang gusto niyang gawin.

-----

Ngayon, tuwing tumatakbo ako sa paligid ng lawa, nag-uuwi ako ng bibingka para sa almusal namin nina Inay at Itay. Hinahanap-hanap na nga nila ito. Hinahanap-hanap ko rin.

Thursday, May 26, 2011

Paliparan

Paalis ako ng bansa at tulad ng nakagawian ko na, maaga ako dito sa paliparan. Pagkaupo ko sa hintayan, agad kong napansin ang babaeng marahil ay singkuwenta anyos, matangkad, payat ngunit matipuno, ayos at upong lalaki. May tumabi sa kanyang lalaking puti, marahil ay pitumpung taon. Kinausap niya ito ng Aleman, pabalang, may itinuturo. Walang imik ang lalaki, nakaupo sa gilid ng silya, parang walang pinapansin, parang walang iniisip.

Inilabas ng babae ang telepono niya at may kinausap. Ang sabi niya, "Narito na kami, malapit nang umalis. Ayaw yata akong hiwalayan. Nakita kasi kung paano ko siya asikasuhin. Ako ang lahat. Maleta. Lahat. Nabubuwisit na ako. Ayaw akong hiwalayan." Tumahimik siya sandali, nakinig sa kausap, at tumawa, sabi, "Pag ikaw ang naging abugado ko, talo tayo."

Umalis na sila; palipad sa marahil ang eroplano nila.

Monday, May 09, 2011

Kahapon


Mula sa Praying With Hildegard of Bingen

Friday, May 06, 2011

Kuneho








Kahapon ng umaga, umupo ako sa hardin ng kumbentong pinagreretiruhan ko at kapagdaka’y tumakbo patungo sa paanan ko ang kunehong alaga ng mga madre dito—ang alam ko’y Bobby ang tawag sa kanya. Matagal siyang nagpaikut-ikot sa mga paa ko, dinilaan pa nga nang sandali ang mga daliri ko. Nanghinayang ako na hindi ko dala ang aking kamera.

Kaninang umaga, dinala ko na ang kamera ko sa hardin. Pero wala si Bobby. Wala sa kanyang kulungan; hindi nagpapagala-gala sa damuhan. Nagmeryenda muna ako sa loob.

Paglabas kong muli sa hardin, naroon na si Bobby. May nakaupo sa isang mesa pero hindi niya ito nilalapitan. Nang lumakad ako papunta sa ibang mesa, mabilis na tumakbo si Bobby tungo sa akin; sinundan ako hanggang makaupo. Nagpaikut-ikot na naman siya sa paanan ko, dinilaan nang sandali ang mga daliri ko, at nanatili hanggang makakuha ako ng ilang retrato bago tumalilis palayo, tungo sa likod ng puno sa kabila ng rebulto ng Mahal na Birhen ng Senakulo, ang patron ng kongregasyong ito.

At naalala ko na may alaga nga palang kuneho si Santa Teresa Couderc, ang nagtatag ng kongregasyong ito!

Tumayo ako para hanapin si Bobby. Natagpuan ko nga sa likod ng malaking puno, nagkakanlong sa ilalim ng mga dahon ng malagong halaman. Kinunan ko ng retrato, at humarap pa siya sa akin. Pagkuwa’y kumislot, tumakbo palapit sa paanan ko. Inamuy-amoy ang paa ko’t saglit na dinilaan. At tumalilis na naman.

Isinulat ko sa katapusan ng retiro ko sa kumbentong ito dalawang taon na ang nakakaraan: Sa pananatili sa sandali, ang sandali’y nawawalan ng hanggan.

Thursday, April 28, 2011

Asa

Malaki na ang mga apo ko sa pamangkin. Matatas nang magsalita ang panganay, marami nang alam, at magaling nang magpakunsuwelo. Hindi nagpapahuli ang bunso--marunong na ring maglambing at magkapritso. Mangyari pa'y madalas ko silang kapiling, at lagi ko silang hinahanap-hanap kapag malayo ako.

Mabuti ang lagay nina Inay at Itay--95 na si Inay noong Enero, at 94 si Itay sa Oktubre. Kaninang umaga, pinagsaluhan namin ang bibingkang uwi ko mula sa paglakad-takbo ko sa paligid ng lawa.

Sa isang linggo, magreretiro ako nang tahimik, walong araw. Inaasahan kong muling makatula.

Thursday, January 06, 2011

Bago't Luma

Kalahating taon din akong hindi nakapagsulat dito. Higit pa doon ang tagal ng hindi ko pagsulat ng tula. Kasi, hindi ako lumayo at nanahimik nang walong araw nitong nakaraang taon. Ikinalulungkot ko iyon. Pero wala na akong magagawa tungkol doon ngayon, kundi ang mangakong sa taong ito, lalayo ako't mananahimik muli nang kahit walong araw lamang.

Maraming maaaring isulat ngayon, ngunit ang pinakamatitinding pangyayari'y paulit-ulit ko nang ikinuwento sa kung kani-kanino kaya wala na akong ganang isulat ang mga iyon dito. Ang mga pangkaraniwan naman, kahit kapana-panabik, ay mabilis na lumipas at nahalinhan ng marami pa, kaya lumipas na rin ang pananabik kong maisatitik ang mga iyon. Marahil ay labis na naman akong abalang mabuhay, kaya hindi na ako makatigil para magsulat.

Ngayo'y nasa harap ko ang labinlimang mag-aaral, nagsusulat ng sagot sa mga tanong na siyang bati ko ng maligayang bagong taon sa kanila. May ilang patingin-tingin sa akin, malamang ay iniisip kung ano ang isinusulat ko. Hindi nila alam na may "Sandali Lamang"; hindi ko ito sinasabi sa mga mag-aaral ko. Pero malay ko, baka may ilan sa kanilang masumpungan ang sinusulat ko at makilala ang sandaling ito--ang sandaling napakakaraniwan, lumilipas, nalilimutan. Baka sakaling mahumaling din sila sa paghuli at pagnamnam ng maiilap na sandali.