Wednesday, August 01, 2007

Sa Dalampasigan

Banayad ng sikat ng araw nang dumating ako, kasama ang dalawang kaibigan, sa dalampasigan. Mababa ang tubig, at malinis ang halos-puting buhangin. Kakaunti ang tao sa dalampasigan. Ilang bata ang nagtatampisaw at naghahanap ng mga lamang-dagat. Nasa maliit na bangka ang ama't ina nila; nag-iipon ang mga ito ng uni na ibebenta raw nila nang pitumpung piso bawat boteng lapad. Nakipagkuwentuhan ako sa kanila at sa mga bata.

Kinagabihan, sa kauna-unahang pagkakataon, nakakita ako ng singsing sa paligid ng buwan. Bilog na bilog, at maliwanag na maliwanag kasi ang buwan. Maningning ang paligid nito, at napaloob ito sa napakalaking bilog--malamang ay isang daang ulit ng laki ng buwan. Ginapangan ako nang kilabot, at hindi ko mapaknit ang tingin ko dito.

Ipinasya kong sa dalampasigan matulog--sa isang kubong napaliligiran ng puting kurtina. Nagpaantok ako sa hampas ng alon sa dalampasigan, at sa lalim ng gabi'y ginising ako ng malakas na hihip ng hangin, at huni ng lamok. Muli akong nakatulog hanggang maalimpungatan ako't mabanaag ang taong nakaupo sa harap ko, na tumayo't tumalilis bago ako makabangon. Hindi ko tuloy mapiho kung totoong naroon siya, o napanaginipan ko lamang.

Kinabukasa'y nakita kong tadtad ng kagat ng lamok ang mga braso ko. Pero masuyo ang sikat ng araw sa dagat kaya nagtampisaw na lamang ako, bago maupo't tanawin ang pulong napaliligiran daw ng corales na pinamamahayan ng maririkit na isda.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home